Dumadanak ng dugo ngayon sa Negros – ang isla sa Kabisayaan na hugis-bota, kilala dahil sa mga hacienda ng tubo para sa produksyon ng asukal, at isa sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa.
Sa panahong isinusulat ito, 17 na sibilyan na ang pinatay sa loob ng mahigit isang linggo. Simula nang pirmahan noong Nobyembre 2018 ni Pang. Rodrigo Duterte ang Memorandum Order No. 32, na nagpakat ng mas maraming militar sa isla, 41 sibilyan na ang pinaslang. Sa kabuuan, simula nang maging pangulo si Duterte noong Hunyo 2016, 84 na sibilyan na ang itinumba.
Karamihan ng pinaslang, katulad ng karamihan ng pinapaslang sa bansa, ay mga maralita, mga magsasaka. Pero marami rin ang mula sa iba’t ibang propesyon, parang gustong sabihin ng may kagagawan na wala silang sinasanto: mula abogado at prinsipal ng paaralan hanggang kapitan ng barangay, konsehal ng bayan at dating mayor.
Marami sa kanila ang binaril ng armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo, na mabilis na nakatakas. Ganito sa esensya ang modus operandi ng ekstra-hudisyal na pagpaslang noong rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Marami rin sa pinaslang, sa gabi o madaling araw sa kanilang bahay – bagamat marami rin ang sa kalsada habang araw. Ganito naman sa esensya ang modus operandi ng madugong “gera kontra-droga” ni Duterte, na pumaslang na sa sampu-sampung libong maralita, ayon sa mga grupo ng karapatang pantao.
Habang marami sa mga biktima ng Oplan Tokhang ang inakusahang “nanlaban” para bigyang-katwiran ang pagpatay sa kanila, sinasabi ng militar at pulisya sa Negros na ang rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) ang may kagagawan ng pamamaslang doon ngayon. Ganito na rin ang sinasabi ni Hen. Oscar Albayalde, hepe ng kapulisan sa buong bansa. Wala siyang inilunsad na imbestigasyon, pero may kongklusyon na at akusasyon. Ang dagdag pang hakbangin: pagtambak ng mahigit 300 espesyal na pwersang militar sa isla.
Itinanggi na ng NPA sa rehiyon ang ganitong paratang. Kaiba sa militar, pulisya at gobyerno, kinondena nito ang pamamaslang at iligal na pag-aresto. Inilantad din nito na ang ilan sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ay ganting salakay ng militar at pulisya sa matagumpay na mga opensiba ng NPA. Ayon dito, nasa katangian ng mga “pasistang mersenaryo” ang pag-atake sa mga inosenteng sibilyan dahil sa pagkabigong gumanti sa NPA.
Hindi na bago ang nangyayari sa Negros. Saklaw rin ng Memo 32 ni Duterte ang Samar at Bicol, ilan din sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa. Sa pagdami ng pakat ng militar sa mga rehiyong ito, dumami rin ang ekstrahudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao.
Bago pa ang naturang mga rehiyon, ganyan na ang dinanas ng Mindanao. Kung matatandaan, 60 porsyento ng militar ang ipinakat dito ni Noynoy Aquino noong termino niya sa pagkapangulo, at pinaigting ito ni Duterte, lalo na nang ideklara niya ang batas militar sa isla noong Mayo 2017.
Rehi-rehiyon din ang atake noon ni Arroyo, na malapit na alyado ni Duterte ngayon. Kung saan mapakat noon ang paborito niyang heneral na si Jovito Palparan, Jr., halimbawa – Timog Katagalugan, Central Luzon, at Samar – dumami ang mga pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao. Sabi ni Palparan, hindi niya utos ang pamamaslang, pero maaaring “nabigyang-inspirasyon” niya ang mga ito.
Sa isang State of the Nation Address noong kasagsagan ng patayan sa termino niya, tigas-mukhang sinabi ni Arroyo na kinokondena niya ang anumang porma ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Ang linya ng kanyang National Security Adviser na si Norberto Gonzales, na isang sosyal-demokrata, katulad din ng sinasabi ng pulisya at militar ngayon: NPA ang may kagagawan.
Bahagi ang lahat ng ito ng tugon ng gobyerno sa armadong rebelyon na isinusulong ng NPA sa kanayunan: kamay na bakal at militaristiko. Tinanggihan ng gobyerno ang panawagan ng maraming grupo sa bansa: tugunan ang kawalang-lupa, kawalang-trabaho at pangkalahatang kahirapan na siyang ugat ng pag-aalsa. Ang tugon nito, patayin ang mga lumalaban, hindi ang solusyunan mga dahilang nagtutulak sa kanilang lumaban.
Pero ang NPA ay naglulunsad ng pakikibakang gerilya at makilos, at may natatanggap na suporta ng masang magsasaka. Dahil dito, nahihirapan ang militar na magtagumpay sa labanang militar. Sa ganitong sitwasyon, ang tugon nito: atakehin ang mga indibidwal at organisasyong inaakusahan nitong sumusuporta sa NPA – mga sibilyan, na sa ilalim ng internasyunal na makataong batas patungkol sa mga digmaan ay hindi dapat saklaw ng ganoong pag-atake.
Pansin kahit ng manunuring pampulitikang si Richard Heydarian na tahimik ang kakatapos na State of the Nation Address ni Duterte sa iba’t ibang usapin sa ekonomiya: “mabilisang pamumuhunan sa imprastruktura,” implasyon, kawalang-trabaho, reporma sa buwis, at “patakarang industriyal na lilikha ng empleyo.” Ibig lang sabihin, itutuloy ni Duterte ang kalakarang sanhi ng mga tumutuligsa at tumututol, at panunupil pa rin ang itutugon sa mga kritiko at rebelde ng pamahalaan.
Hindi na rin bago ang nagaganap sa Negros sa pandaigdigang tanaw. Maraming komentarista na, aktibista at hindi, ang nagpapaliwanag ng pagkakatulad ng kontra-insurhensyang patakaran ng gobyerno ng Pilipinas sa ipinatupad sa ibang bansa.
Sa isang artikulo noong 2005, kaigtingan ng pamamaslang sa ilalim ni Arroyo, ipinakita ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research o EILER, institusyong maka-manggagawa, ang pagkakatulad ng pamamaslang ng Oplan Phoenix sa Vietnam noong 1965-1972 at sa pamamaslang sa El Salvador noong bungad ng dekada 1980.
Pagkatapos ng rehimeng Arroyo, lalong pinagtibay ang pagsusuring ito ng Ibon Foundation sa librong Oplan Bantay Laya: The US-Arroyo Campaign of Terror and Counterinsurgency in the Philippines [2010]. Dito, malinaw na ipinakita ang suporta ng US sa madugong oplan kontra-insurhensya ng rehimeng Arroyo – lalo na nang ilunsad matapos ang 9-11 ng rehimeng George W. Bush ang “gera kontra-terorismo.”
Maaalala ang klasikong librong Salvador [1983] ng Amerikanong manunulat na si Joan Didion, kung saan ikinwento niya ang mga karanasan at obserbasyon sa panahong nasa El Salvador siya sa panahon ng pamamaslang.
Isang hindi malilimutang bahagi ang nasa bukana ng libro, tungkol sa pagkatuto ng mga turista: “Sa El Salvador, matututunan mo na inuuna ng mga buwitre ang malalambot na bahagi ng katawan, ang mga mata, ang lantad na ari, ang bukas na bibig. Matututunan mo na magagamit ang bukas na bibig para gumawa ng partikular na pahayag, pwedeng lagyan ng kung anong simboliko; lagyan, halimbawa, ng ari ng lalake, o, kung ang pahayag ay tungkol sa titulo ng lupa, lagyan ng kaunting alikabok. Matututunan mo na mas mabagal mabulok ang buhok kumpara sa laman, at ang isang bungo na napapalibutan ng buong kulumpon ng buhok ay hindi ekstraordinaryong makita sa mga tambakan ng katawan.”
Sa Negros at sa maraming bahagi ng bansa, ang mga pinaslang ay nasa kanilang mga bahay o papunta o galing sa trabaho. Marami sa mga nasa bahay, naghahanda nang matulog o natutulog na nga. Ni hindi sila inaakusahang “nanlaban,” at katunaya’y walang kalaban-laban – parang mga bahagi ng bangkay na lantad sa pag-atake ng mga buwitre. Wala rin silang kalaban-laban sa pagtatanim ng ebidensya: kapapatay lang sa isang miyembro ng pamilya at saklot ng gulat at gulantang ang mga kaanak. Sa mga ulat, may mga kasong nag-iiwan ang mga bumaril ng mga umano’y palatandaan gaya ng liham at sulat sa pader na NPA nga sila.
Ang naiiwan: mga pamilya at komunidad na may takot sa dapat ay tahimik na gabi. Sa pamamagitan ng social media, lalo na ng Facebook at Twitter, gayundin ng midya ng malalaking kapitalista, lumalaganap sa buong bansa ang impormasyon sa pagpaslang, at ang kaakibat nitong pagbabanta – sa mga aktibista, kritiko ng gobyerno, o karaniwang mamamayan. (Tapos may darating na magsa-sarbey, kung darating nga: “Ano po ang inyong opinyon tungkol sa pagganap ni Pang. Duterte sa kanyang tungkulin nitong nakaraang tatlong buwan?”)
Katulad sa El Salvador, bayan ni Arsobispo Oscar Romero na pinaslang noong Marso 1980 dahil sa pagkondena sa pamamaslang, tampok sa mga naninindigan sa Negros ang mga taong-simbahan. Apat na obispo sa isla ang naglabas ng pagkondena sa mga pagpatay. Nanawagan sila sa mga Katoliko na magdasal para matigil ang pamamaslang, at iniatas nila ang pagkalembang ng mga kampana ng simbahan sa buong isla tuwing alas-8:00 ng gabi simula Hulyo 28.
Malinaw sa libro ni Didion na ang pamamaslang noon sa El Salvador ay suportado ng US, isinagawa ng rehimeng tuta ng US, at naglilingkod sa interes ng US sa bansa at Latin America. Nasaksihan niya, halimbawa, kung paanong ang mga pasimuno ng karahasang nasaksihan niya ay pinuri ng US State Department at ni Pangulong Ronald Reagan. Ang kapangyarihang pandaigdig na nagpapakilala sa mundo na kampeon ng demokrasya, duguan ang kamay sa pamamaslang sa maraming mahirap na bansa.
At suportado rin ng US ang rehimeng Duterte, lalo na sa larangang militar. Katunayan, ang Pilipinas ang numero uno sa buong Asya pagdating sa ayudang militar ng US. Ayon sa mananaliksik na si Amee Chew, nagbigay ng $58.5 milyon na ayuda ang US sa pulisya ng Pilipinas noong 2016 at 2018, para umano sa paglaban sa terorismo. Noong 2018, $193 milyon ang ayudang ibinigay ng US sa militar, bukod pa sa ibinentang armas at donasyong kagamitan. Para ngayong 2019, mahigit $145.6 milyon ang naipangakong katulad na ayuda.
May kasabihan ang mga aktibista: kapag bumahing ang US, magkakatrangkaso ang Pilipinas. Mas sa ekonomiya ito ginagamit, bagamat totoo rin ngayon sa larangang militar. Maaaring naunang maging pangulo si Duterte kay Donald Trump, pero ibang klaseng suporta rin ang ibinibigay ng mapanupil na rehimen ng ikalawa sa una.
Sa US mismo, kilala si Trump na malupit na kapitalista, rasista, seksista, at pasista. Mula dekada 1990, nawala ang maraming industriya ng US, maliban sa isa – ang industriya ng paggawa ng armas. Ngayon, nagkukumahog itong palakasin ang hatak sa iba’t ibang rehimen sa mundo laban sa isa pang lumalakas na kapangyarihang pandaigdig, ang China.
Sa pagsuri sa mga pagpaslang sa Negros at iba pang bahagi ng bansa ngayon, matutumbok ang isang bago: ang papel ng China. Nasa “ginintuang panahon” ngayon ang umano’y “pagkakaibigan” ng China at Pilipinas sa panahon ni Duterte, at alam ng marami ang pagiging sunud-sunuran ng pangulo sa China kahit sa usapin ng West Philippine Sea kung saan interes ng Pilipinas ang nakataya.
Lalabas na maliit lang ang mismong ayudang militar ng China sa rehimeng Duterte. Nang pumutok ang krisis sa Marawi, nagbigay ito ng paunang P370 milyon ($7.3 milyon) na binubuo ng 3,000 riple at anim na milyong pirasong bala. Sinundan ito ng ayudang walang nakalagay na halaga, pero binubuo ng 3,000 riple, tatlong milyong bala, at 30 sniper cones. Nitong Marso, nangako ang China ng P1 bilyon ($19.6 milyon) ayudang militar sa bansa.
Kung nasa larangang militar ang kalakasan ng US, nasa larangang pang-ekonomiya ang kalakasan ng China: sa ayuda, pamumuhunan at kalakalan. At dito na mailulugar ang sentral na programang pang-ekonomiya ng rehimeng Duterte – ang ambisyong magkaroon ng “ginintuang panahon ng imprasruktura” na magkakahalaga ng P8.4 trilyon o nasa $160 bilyon sa loob ng anim na taon. Mahalaga ang papel ng China rito, bahagi ng dambuhalang programa nitong Belt and Road Initiative sa daigdig.
Pwede pang magbalik-tanaw sa naunang rehimeng nakipagmabutihan sa China. Ayon kay Renato Cruz de Castro, manunuring pampulitika, nagkaroon ng lamat ang ugnayan ng rehimeng Arroyo at ng US noong Hulyo 2004, dahil sa naging tugon ng una sa pagbihag ng mga rebeldeng Iraqi sa drayber ng trak at OFW na si Angelo dela Cruz. Kung matatandaan, bumigay ang rehimen sa kahilingan ng mga kumidnap: iatras ang “misyong humanitaryan” ng Pilipinas sa Iraq noon na binubuo ng 60 manggagawang pangkalusugan, 25 pulis, 50 sundalo, at 39 social workers.
Dahil dito, dumaan sa “yugtong kritikal” ang ugnayan ng rehimeng Arroyo at US, ayon kay De Castro, at sa panahong ito ibayong sumigla ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at China – sa puntong Pilipinas ang naging pangatlong ka-kalakalan ng China pagkatapos ng US at Japan. Panandang-bato rin ang pondong $450 milyon ng China para sa North Luzon Railway System.
Hindi ito basta nangyari lang kundi sinikap ni Arroyo at sinalubong ng pamahalaan ng China – kasama na ang pagsasantabi sa alitan sa teritoryo sa Spratly Islands at pagkakasundo sa magkasamang paglinang sa lugar [“From Antagonistic to Close Neighbors? Twenty-first Century Philippines-China Relations,” nasa Routledge Handbook of the Contemporary Philippines, [2018].
Kung pananagutan sa mga pagpaslang sa ilalim ni Duterte, samakatwid, may dugo ang kamay pangunahin ng US at sekundaryo ng China. Matagal nang sinasabing imperyalista ang US, at ngayon, sinasabing umuusbong na imperyalistang kapangyarihan na rin ang China.
“Ang imperyalismo,” sabi ni Vladimir Lenin, lider-Komunista, “ay nangangahulugan ng digma.” At marami ang nagbabantay ngayon sa umiigting na tunggalian sa pagitan ng US at China. Humantong man ito sa digmaan sa hinaharap, tiyak nang may nagaganap na digma na sangkot sila – ang digma ng rehimeng Duterte laban sa mga mamamayang Pilipino.
Malaking parikala (irony) ito para sa China, na nagtagumpay sa rebolusyon nito noong 1949 bilang bahagi ng paglaban, na pinangunahan ni Lenin at ng rebolusyong Ruso ng 1917, para magbangon ang mga kolonya at malakolonya, at wasakin ang tanikala ng pagkaalipin mula sa mga imperyalista.
Kung matatandaan, sa Pilipinas nagsimula ng imperyalistang pandarahas ang US sa labas ng hangganan nito noong bungad ng 1900s. Kung direktang kolonyalismo ang naging anyo nito, humihigpit na neokolonyalismo ang anyo ng China ngayon. Sa pag-usbong ng China bilang imperyalistang kapangyarihan, masasabing sa Pilipinas din ito nagsisimula ng imperyalistang pandarahas sa labas ng hangganan nito.