Panlipunan ang karanasan ng pagkalat ng mga epidemya. Kaya tinatawag na epidemya ang sakit ay dahil sa mabilisan itong kumakalat sa mga pamayanan at malawakan ang nagiging bilang ng mga nagkakasakit at namamatay. Ito ang pangunahing dahilan kung kaya ang agaran, kagyat at malawakang pagsasakatuparan ng mga hakbanging pangkalusugan ay nararapat upang maapula agad ito. Mahalaga rito ang organisado, sistematiko at panglahatan ang dapat na mga hakbanging isakatuparan kung nilalayon na mapigil ang pagkahawahan ng mga tao sa mga sakit at maiwasang dumami ang mga namamatay at nagkakasakit.
Panlipunang karanasan ang pagkalat ng epidemya kung kaya kinakailangan din ng koordinadong pagtugon mula sa mga siyentista, pamayanang medikal, pamahalaan, pati na ang mga manunulat na naglalathala ng makatotohanang ulat ukol sa pagkakasakit. Kailangang ang tugon ng mga siyentista at mga propesyonal ng pamayanang medikal upang matiyak na epektibo ang paggagamot at tumatalima sa mga pangkalahatang protocol sa panggagamot. Dahil ang pamahalaan ang may pinakamalawak na rekurso, may kontrol sa mga institusyon, at may kakanyahang magmobilisa ng pondo at mga tauhan sa pag apula ng sakit, ang mga nasa pamahalaan ang inaasahang magsasabalikat ng pagsasakatuparan ng pambayang tugon sa krisis pangkalusugan. Higit sa lahat, kailangan ng sistematikong pagpapahayag ng aktwal na kalagayan ng pagkalat ng epidemya upang matiyak na angkop at sapat ang kaalaman ng mga mamamayan sa mga hakbanging dapat malaman upang maiwasan ang pagkakasakit, at ang mga dapat gawin kung sakaling dumapo ang sakit sa mga tao.
Ang mga suliraning pangkalusugan ng bayan ang isa sa mga hindi pa nabibigyang pansing pag-aralan at kilalanin ng mga historyador bilang kampanyang inilunsad ng mga ilustrado sa kanilang kilusang propaganda at reporma sa huling bahagi ng ika-19 na dantaon. Maraming mga siyentipiko at propesyonal pangmedisina ang kabahagi ng kilusang propaganda. Bukod kay Jose Rizal, nakapagtapos din ng medisina sina Mariano Ponce, Trinidad Pardo de Tavera at Dominador Gomez. Parmasyeutiko si Antonio Luna samantalang inhinyero naman si Edilberto Evangelista. Kahit mula sa oryentasyong makaagham, napasangkot sa kilusang propaganda ang mga siyentipiko at medikong ilustrado at nakapagsulat ng maraming pag-aaral pangmedisina habang kasangkot sa kampanyang pampropaganda at pampolitika. Maraming namangha sa malawakang pag-aaral ni Antonio Luna ukol sa malaria. Itinuring na ama ng optalmolohiya sa Pilipinas si Jose Rizal. Ang mga pag-aaral ukol sa mga halamang gamot at katutubong pamamaraan ng pag-apula ng sakit ang ilan sa mga impluwensyal na pag aaral na inilathala ni Trinidad Pardo de Tavera. Hindi lamang bilang mga Asyanong rebolusyonaryo kundi bilang kapwa doktor ang naging batayan ng pagiging malapit na magkaibigan nina Mariano Ponce at Sun Yat sen.
Isa sa mga di gaanong nabibigyang pansin ang panulat ni Dominador Gomez at ang kontribusyon nito sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa maraming pagkakataon, nababanggit lamang ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng pagkakaugnay niya sa kanyang tiyuhing pari na si Padre Mariano Gomez, na ginarote nang bata pa siya; o ang paghimok niya kay Macario Sakay na tanggapin ang alok na amnestiya ng mga Amerikano upang matuloy ang halalan sa Pambansang Asembleya ng 1907.
Mahalaga ang papel na ginampanan ni Dominador Gomez sa iba ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas. Habang nag-aaral hanggang sa makapagtapos ng medisina sa Espanya, naging kasangkot siya sa pag-oorganisa ng Asociacion Hispano-Filipino kasama sina Miguel Morayta, Graciano Lopez Jaena, Marcelo H. del Pilar at Antonio Luna. Naging regular na manunulat din siya sa La Solidaridad. Kagaya ni Isabelo de los Reyes, naimpluwensyahan din siya ng ilang kaisipang maka-manggagawa. Kaya nang bumalik siya sa Pilipinas, naging aktibo siya sa kilusang manggagawa at namuno sa Union Obrera Democratica matapos si Isabelo de los Reyes. Dahil sa kanyang pamumuno sa kilusang unyonismo, kinakitaan ng ilan sa pinakamalawakang welga ng manggagawa. Sa kanyang pamumuno din naganap ang ilan sa pinakamalakihang protesta ng mga manggagawa sa Araw ng Paggawa – bagay na naglagay sa kanya sa masamang pagturing ng mga Ameriikano.
Sa unang pagkakasangkot pampulitikal, naging mahalaga ang kanyang mga sinulat sa lathalaing La Solidaridad, ang opisyal na pahayagan ng Kilusang Reporma at Propaganda. Kasama ng ilang ilustrado, mababasa ang ilan sa mga sanaysay at kasulatang iniambag niya patungkol sa kalagayan ng pampublikong kalusugan sa Pilipinas. Sa mga unang taon pa lamang ng La Solidaridad, makikita na ang ilang sanaysay pangsiyentipiko at medikal na sinulat ng mga ilustrado. Sa kanyang pangalang panulat na Ramiro Franco, tinalakay ni Dominador Gomez ang ilang usaping kaugnay ng kalusugang pambayan, na mababasa sa kanyang sanaysay ukol sa mga Kamatayang Dulot ng Epidemya. Sa ilang bahagi nito, sinabi niya na
Kung dito sa Madrid, maibubunton ang sisi nang walang pasubali sa kakulangan at pagpapabaya na katangiang parati nang ipinapakita ng mga namumuno, doon sa Maynila, higit na hindi mapapasubalian na maaaring idagdag pa na sanhi ng mga idinudulot na kamatayan ang maituturing nang krimen ng pagsasaisantabi ng mga nasa kapangyarihan sa mga kalakaran ng kalinisan dahil sa kapabayaan at kawalan ng interes na maisakatuparan ito.
… hindi man lamang inilalapat ang lahat ng maaaring hakbang upang maapula ang pagdapo ng sakit sa mga libu-libong mga mamamayan at pinapayagang kumalat ito bilang epidemya, na nagiging endemiko na sa lugar katagalan, matapos malawakang makapaminsala sa lipunan. Pagkatapos noon, sisisihin ang kalagayan ng bayan at ng kapaligiran sa pagkalat ng sakit, gayong sa katunayan, bunga ang paglala nito sa kakulangan ng kaalaman pati na ang pagpapabayang suportahan ang mga naatasang dapat magbigay ng kagyat na lunas para dito.
Sa maraming pagkakataon, muling ibinubunton ang sisi sa dati nang linya na kasalanan ng mga walang alam at ignorante, at mga binabansagang filibustero at kalaban ng bayan. Alalahanin natin ang sinambit ni Rizal sa pagtalakay ng kaparehong kalagayan; “Kinakalimutan ko ang ganitong mga sagabal!” Oo, kailangan nating kalimutan ang mga balakid na ito at marapat nating ipahayag ang ating malayang kaalaman, at dahil naaapektuhan tayo ng panaghoy ng pagdurusa at sakit na nararanasan ng sangkatauhan, kinakailangan nating ipahayag ang ating kritisismo at pagpuna nang walang takot, na nakatutok sa mga opisyal ng kapuluan ng Pilipinas
Samantala, nangangamatay ang mga mamamayan at ang mga doktor ang kailangang kumaharap sa pagkakamali ng mga nasa pamahalaan; naglalathala ng mga artikulo (ukol sa sakit) ang mga may kaalaman subalit hindi ito pinapansin dahil hindi ito nauunawaan ng mga namamahala; pinupula ang bayan at sinisisi ang kanyang klima; sumasabay ang kawalan ng ginagawa at ang pagkapalalo at kayabangan ng mga namumuno sa absolutismo at despotismo na naglalason sa moral at materyal na buhay ng mga mamamayan; habang kumakalat ang mga mikrobyo ng tipus, ng kolera, ng tuberculosis, ng sipilis at iba pang sakit na tila espada ni Damocles na nakatutok sa ating ulunan; nakahalukipkip lang at nakukuha pang ngumiti na tila nasisiyahan ang mga namumuno, na lalong kinakitaan ng katamaran, na walang ibang iniisip kundi ang paano makaakyat pa sa pwesto ng kapangyarihan, sa hinaharap, na buong galak at akalang pinaniniwalaan ang sarili na marangal nilang nagawa ang kanilang gawain bilang mararangal na tao. (Pagsasalin sa akin. FG)
Sa panahon pa lamang ng mga ilustrado, ipinakita na ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat at angkop na impormasyon bilang bahagi ng pagtugon sa pagkalat ng mga sakit, lalo na sa panahon ng epidemya. Subalit sa halip na maging bukas sa pagpapahayag sa aktwal na kalagayan ng bayan sa usaping pangkalusugan, binansagan pa ng mga nasa pamahalaan ang mga naglalathala ng katotohanan bilang mga filibustero at kalaban ng bayan. Hindi naging bukas sa paggamit ng mga siyentipikong pag-aaral, ginamit lamang ng mga nasa pamahalaan ang mga hakbanging despotiko at absolustimo nang hindi tumatanggap at sarado sa ibang ideya. Pinupula at sinisi pa ng mga autoridad ang mga karaniwang mamamayan pati na ang klima at lagay ng kalikasan ng kapuluan at hindi tumatanggap ng anumang responsibilidad sa kakulangan ng kanilang ginawa. Habang walang ginagawa, buong tamad at pagpapabaya lamang na nakahalukipkip na inuutusan ang mga mediko at doktor na siyang maglapat ng lunas sa mga maysakit. Ginagamit nila ang mga programang pangkalusugan hindi para masugpo ang epidemya at pagkalat ng sakit, kundi upang mailagay ang sarili sa posibleng higit na mataas na pwestong pampamahalaan sa hinaharap.
Ayon kay Dominador Gomez at iba pang mga mamamahayag sa kasaysayan, nagsisilbing balakid ang mga panggigipit ng mga nasa pamahalaan sa pag-apula sa mga suliranin ng bayan. Magkagayunman, binibigyang diin pa ring mahalaga ang pagpuna at kritisismo, ang pagpapahayag ng malayang kaisipan, sa pagpapahayag ng katotohanan at paghahanap ng lunas sa sakit na nararanasan ng sangkatauhan. Marami pang kailangang balikan sa mga aral at pahayag ng kasaysayan. Marami pang sulatin mula sa mga itinuring na mga filibustero ang kailangang balikan.
Ref.
Franco, Ramiro (Dominador Gomez). 1890. “Deaths Owing to Epidemics”, La Solidaridad, II, 42, October 31, 1890.
Kerkvliet, Melinda Tria. 1992. Manila Workers’ Unions, 1900-1950. Quezon City: New Day.
Schumacher, John. 1997. The Propaganda Movement, 1880-1895. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.
The post Ang epidemya at ang mga filibustero appeared first on Bulatlat.