Ang heneral at ang Taal

0
292
Taken from Agoncillo town, Batangas (Photo courtesy of Bro. Ciriaco Santiago III)

francis gealogo icon Sa panibagong pagsabog ng bulkang Taal, nahayag muli ang lipunan sa kalagayan ng sakuna at ang kakanyahan o kawalan ng kakanyahan ng tao na kumaharap dito. Sa oras pa lamang ng pagsabog, makikita agad ang pagtutulungan at bayanihan ng mga kababayan na kagyat na kumilos para ibsan ang hirap na naranasan ng mga nasalanta. Maraming boluntaryong nagbigay ng pagkain, nagbukas ng mga tahanan at hapag kainan para sa mga nasalanta. Maraming mga boluntaryong agad na nangalap ng mga pondo, rekurso, pagkain, tubig, gamot at iba pang suplay para sa mga lumikas sa kani-kanilang pamayanan. Marami ring mga kababayan ang handang umayuda sa mga naglalakbay, upang hindi mapahamak sa kapal ng abo at alikabok na bumalot sa daan.

Subalit sa gitna ng pagpapakita ng malasakit at pagtutulungan ng mga kababayan, marami pa ring nagtatanong – nasaan ang pambansang pamahalaan sa gitna ng lahat ng ito? Lalong tumaas ang agam-agam ng mga mamamayan sa gitna ng naunang napabalitang pagkaltas sa taunang badyet para sa pantulong sa mga nasalanta ng mga kalamidad habang tinaasan naman ang pondo sa ilang gastusin ng Tanggapan ng Pangulo. Higit pang naging maingay ang usap-usapan matapos hayagang manghingi ng donasyon mula sa pribadong sektor ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan – gayong ang pagpapalawig ng tulong ang isa sa dapat na pagtuunan ng sektor pampamahalaan at publiko, at hindi dapat iasa sa donasyon mula sa pribadong sektor. Bukod dito, pinagkakitaan pa ng ilang mapagsamantala ang ilang mga suplay na kailangan upang matulungan ang mga mamamayan. Kapalit ng tubo at kita sa panindang kailangan ng mga tao, napabayaan na ng iba ang diwa ng pagtulong.

Ilang aral ang ipinapakita ng pagsabog ng bulkang Taal sa kasaysayan. Noong Enero 1911, isang malakas na pagsabog ang naganap sa bulkang Taal. Mula sa pagbuga ng makapal na usok at abo, naganap ang malalakas at sunud-sunod na lindol; nagbuga ng mga bato at buhangin ang bulkang Taal sa mga katabing pamayanan; malawakan ang pagbitak ng lupa at sabayang kidlat at kulog. Hindi naaksyunan agad ng kolonyal na pamahalaang Amerikano ang pagdating ng sakuna. Ilang pamayanan ang natabunan, ilang mga kabahayan at kabuhayan ang nawasak, at ilang buhay ang nawala sanhi ng pagsabog ng Taal noong 1911. Sa tala ni Dean Worcester, ang Amerikanong Kalihim ng Interior noong panahong iyon,

“The thousand upon thousands of people who were awakened by the final explosion in time to see the enormous column of ejecta shooting up from Taal, and to witness the extraordinary attendant electrical display, little dreamed in the twinkling of an eye some 1,400 human beings had perished. Indeed, a period of several days elapsed before it was realized at Manila that an appalling calamity had occurred. This was largely due to the fact that there was a sharply marked zone of devastation, within which the destruction of life and property was practically complete, while outside of this region comparatively little harm was done. It is a gruesomely significant fact that the common known killed numbered 1335, while the known wounded, many of whom were terribly injured, and not a few of whom subsequently died, numbered only 199.”

Sa naganap na sakuna, kamangha-mangha ang paralelismo sa kasalukuyan at ilang leksyong tila hindi natutunan sa pagsabog ng bulkan noong 1911. Hindi handa ang sentral na pamahalaan at bandang huli na nang magbigay ng reaksyon ang pamahalaang kolonyal na nakabatay sa Maynila. Maraming namatay sanhi ng kakulangan ng kahandaan sa paglikas mula sa mga pamayanang nasa peligrosong lugar. Ilang mga namatay mula sa mainit na usok at putik ang maaaring naiwasan sana kung nakalikas sila nang mas maaga. Higit na malaki din ang pangangailangan ng mga nasaktan at nasalanta ang kabuhayan upang makabangon muli sila mula sa sakunang naranasan ng mga mamamayan. Mapupuna ring ang mga nasalanta at namatay ay nagmula sa mga lugar na peligrosong tatamaan talaga ng mga debris mula sa bulkan, batay sa ilang talang historikal ng mga naunang pagsabog nito. Kung tutuusin, ang mga historikal na tala ng pagsabog ang dapat na naging gabay sa kung hanggang saan ang maaring pagtayuan ng mga kabahayan at istruktura, subalit noon pang pagsabog ng 1911, nakita na nila ang mga palagiang lugar na ito subalit hindi pa rin pinansin ang paglalagay ng mga sonang hindi dapat pagtayuan ng mga kabahayan.

Sa kabila ng lahat ng matagal at mabagal na tugon ng sentral na pamahalaan, makikita pa rin ang mga mamamayan mula sa lokalidad na umaksyon agad at hindi na umasa sa ayudang magmumula sa Maynila. Si Heneral Miguel Malvar, ang pinunong rebolusyonaryo ng Batangas noong panahon ng rebolusyon, ang isa sa mga nanguna sa mobilisasyon ng rekurso, pondo at tulong para sa mga nasalanta. Sa kanyang biograpiya, inilahad kung paanong matapos ang unang pagsabog ng bulkan, agad siyang bumili ng bigas mula sa Binan at ibiniyahe agad ito sa tren upang makarating sa mga pamayanan sa Batangas. Ipinamahagi niya ito nang libre at tumangging tumanggap ng anumang kabayaran mula kaninuman para dito. Naglikom din siya ng mga damit at pagkain at ipinamahagi ito sa mga nagbakwit at umalis sa kanilang pamayanan.

Agaran ang pagkilos ng mga mamamayang gaya nina Malvar, kakaiba sa reaksyon ng pamahalaan sa Maynila. Itinuring ang kolonyal na pamahalaan na tila may kampanteng pagtingin sa nagaganap na sakuna, at hindi nakikita ang lawak ng saklaw ng kapahamakang dulot nito. Sinasabi pa ngang ang dagliang tugon ng mga mamamayan gaya ni Malvar ang kabaligtaran ng tila walang pakialam o kibit balikat na tugon ng pamahalaan sa kalamidad. Bukod dito, naitala din na matapos ang pagkalma ng bulkan, tila nalimutan na rin ng pamahalaan ang kalagayan ng mga nasalanta, at ang mga gaya ni Malvar ang tumugon sa pangangailangang makabangon ang mga mamamayan sa kanilang kabuhayan at panirahanan. Tila nawala na sa pamahalaan ang gawaing pagtitiyak na makakaahong muli ang mga mamamayan mula sa sakuna, at ang mga pamayanan na lamang ang kakalinga sa kanilang sarili upang makabangong muli. Napuna na sa ilang pagsabog ng bulkan na may mga permanenteng lugar na hindi dapat pinapayagang magtayo ng mga istruktura ang mga tao, subalit hindi ito binantayan ng pamahalaan at tila walang patakaran sa paggamit ng mga lupain, lalo na iyong nasa zona ng peligrong pagtayuan ng kabahayan.

Sa lipunang gaya ng Pilipinas na palagiang nakararanas ng mga sakuna, mahalagang tingnan na ang reaksyon ng lipunan dito ang salamin ng kakanyahan ng pamamahala at kalinga na lumalaganap sa loob at labas ng gobyerno. Palaging may bagyo, baha, daluyong na taun-taong nararanasan ng halos buong kapuluan. Ang malaking bahagi ng arkipelago ang nakapatong sa maraming bitak ng lupa na nagdudulot ng malalakas na lindol. Ang kapuluan ang isa sa pinakaraming aktibong bulkan na palagiang sumasabog sa iba ibang bahagi nito. Dahil kapuluan, ang pagtaas din ng tubig dagat ang isa sa panganib na magdudulot ng paglubog ng mga kalupaan at pamayanan. Ang mga matatarik na burol at bundok naman ang palagiang nakakaranas ng pagdausdos ng lupa at pagguho ng mga ito sa mga mabababang lugar. Kapag dumausdos ang mga lupa, ang mga dating kailogan na dinadaanan ng tubig ang magbabago ng agos at babahain ang mga kapatagan.

Bahagi ng normal na pag-inog ng mundo ang paggalaw ng kalikasan. Ang mga lindol, pagsabog ng bulkan, bagyo, baha, pagdausdos ng lupa at pagtaas ng tubig dagat ay bahagi ng ebolusyon ng natural na kapaligiran, lalo na sa kapuluang gaya ng Pilipinas. Subalit nagiging sakuna ang mga paggalaw na ito ng kalikasan kapag walang kakanyahang umagapay ang mga taong dapat kumakaharap sa pagdating ng dagliang mga pangyayaring ito. Nagiging sakunang panlipunan at hindi sakunang pangkalikasan ito sanhi ng kawalan ng kakanyahan; ang kakulangan ng ayudang dapat na ibibigay ng pamahalaan; at ang organisadong pagtugon sa sakuna, hindi lamang sa kagyat na panahon ng pagkaganap nito, kundi ang pangmatagalang pagtiyak na kung maulit ang paggalaw ng kalikasan, may kahandaan na dapat ang mga mamamayan at pamahalaan na tumugon dito. Walang natural na kalamidad na maituturing. Panlipunang karanasan ang sakuna at kalamidad – na nagiging trahedya sa panahong hindi handa ang tao, at walang kakanyahan ang pamamahala, na tumugon dito. (https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

Ref.
Abaya, Doroteo and Bernard Karganilla. Miguel Malvar and the Philippine Revolution: A Biography. Batangas(?), Miguel Malvar Productions, 1998.

Worcester, Dean. “Taal Volcano and its Recent Destructive Eruption,” The National Geographic Magazine, XXIII, 4, April 1912, cited from Doroteo Abaya and Bernard Karganilla. Miguel Malvar and the Philippine Revolution: A Biography. Batangas(?), Miguel Malvar Productions, 1998.

The post Ang heneral at ang Taal appeared first on Bulatlat.