Ang lumbay ng mga Lumad

0
218
BULATLAT FILE PHOTO: Lumad children depict the plagues besetting their communities in a cultural performance during the launch of Sandugo Oct. 15. (Photo by Ronalyn V. Olea / Bulatlat)

francis gealogo iconTila hindi na matapos ang mga bali-balita ukol sa ligalig na nararanasan ng mga lumad. Palagian na ang mga ulat ukol sa pagpatay sa mga lider ng mga lumad; pagsasara ng mga paaralang lumad; ang malawakang pagbakwit ng mga pamayanan at ang panggigipit sa mga lugar na pinagbakwitan ng mga ito. Kahit ganito ang bali-balita, hindi maitatatwa na marami pa rin ang hindi nakakakilala sa mga lumad. Kahit ang mga batayang teksbuk sa kasaysayan, bibihira ang nagbabanggit sa kasaysayan ng mga lumad bilang pambansang minorya sa iba’t ibang panahon.

Ang mga lumad ang mga katutubong pangkat etniko ng Mindanao. Kasama dito ang mga grupo ng Atta, Bagobo, Banwaon, B’laan, Bukidnon, Dibabawon, Higaonon, Mamanwa, Mandaya, Manguwangan, Manobo, Mansaka, Subanen, Tagakaolo, Tasaday, Tboli, Teduray, at Ubo. Bagaman isang exonym (katawagang pampangalan na nagmula sa labas) ang katagang Lumad, naging malawakan ang paggamit nito sa mahabang panahon ng pagkilala sa kalagayan ng mga katutubo ng Mindanao. Kapanabay din nito ang pagkilala sa partikularidad ng kanilang katangiang iba sa kalagayan ng mga Moro gaya ng mga Tausug, Sama, Yakan, Maranao, Maguindanao, Subanen at Badjau – na kalimitang siyang unang naiisip kapag taga-Mindanao ang binabanggit.

Dahil maraming dayong grupong Kristiyano gaya ng mga Sugbuhanon, Hiligaynon, Waray, Tagalog, Ilocano at iba pang mula sa Visayas at Luzon ang tumuring din sa Mindanao bilang kanilang tahanan, lalong napunta sa gilid ang pag-iral ng mga lumad bilang katutubo ng Mindanao.

Sinasabing maraming pangangamkam ng lupa at pagpapaalis sa mga katutubo ang nagaganap dahil maraming proyekto gaya ng pagmimina, pagtotroso at iba pang kaugnay na pagkuha ng mga likas yaman sa mga lupang ninuno. Hindi lamang ito isinasakatuparan ng mga malalaking korporasyong nakabase sa Pilipinas, ang ilan sa mga interes sa pagmimina ang nagmula pa sa ibang bayan gaya ng Australia, Tsina, at Amerika.

Kaugnay din nito, maraming mga paaralang katutubo ang pinasarhan, kahit na iyong may pagkilala hindi lamang sa mga sangay pang edukasyon ng pamahalaan kundi sa pandaigdigang inisyatibo ng edukasyon ng mga katutubo. Pinaghihinalaan daw na nagkakanlong ng mga rebelde ang mga katutubo, kundi man kasama sila mismo sa mga rebeldeng kumakalaban sa pamahalaan. Kaugnay nito, pinaghihinalaan din ang mga paaralang katutubo bilang mga institusyong nagsasanay para daw labanan ang pamahalaan.

Dito nag-ugat ang ilang mga sigalot na nagdulot ng pagkamatay ng mga katutubo, na nakakuha ng atensyon sa mga taga-Maynila na naglunsad ng kampanya upang tigilan ang tinawag nilang lumad killings. Ilang mga lumad at mga tagasuporta nila ang namatay sanhi ng armadong tunggaliang dulot ng sigalot sa mga lupaing ninuno.

Nagbalik ang mga lumad ng Mindanao ngayong taon upang muling igiit ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan. Kaiba noong nakaraang taon, higit na maraming grupo ang kasama ng mga lumad. Ilang mga grupong Moro ang sumama sa lakbyan upang makiisa sa mga lumad at ipahayag na magkatuwang sila sa pagpukaw ng atensyon sa kalagayan ng mga katutubo sa Mindanao. Mayroon ding mga Aeta na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas, at mga Mangyan ng Mindoro na sumama sa Lakbayan ng mga Katutubo.

Mahabang panahon nang hindi pinahahalagahan ng mga namamahala ang kalagayan ng mga katutubo. Higit na nakakabahala, mahabang panahon nang itinuturing na mababa ang kalagayan ng mga kalinangang katutubo kung ihahambing sa ibang mga Pilipinong nasakop ng mga dayuhan. Sa katunayan, sa unang gawa pa lamang ng pagbubuo ng kolonyal na pamahalaang Espanyol, marami nang katawagan ang nasambit upang maipakitang mabangis, marahas, magulo, mababa ang kalagayan ng mga katutubo. Sa mga planes de almas (literal na kahulugan mula sa Espanyol na mga mapa ng kaluluwa), ihinihiwalay ang mga katutubo sa iba pang mga indios naturales na mga grupong Kristiyano. Itinuring silang mga Cimarron, Salvajes, Malhechores, Infieles (wild, savage, evil doers, infidels) upang ihayag ang pagkakaiba nila sa mga ‘napapapayapang’ mga katutubong indio.

Sa panahon ng mga Amerikano, nagpatuloy ang ganitong paglibak at pag-aaglahi sa kalagayan ng mga katutubo. Ayon sa Cooper Act of 1902, kailangang magkaroon muna ng pambansang Census na isasakatuparan upang malaman ang bilang ng mga Pilipino, at kung iiral ang kapayapaan at pagtanggap sa pamamahalang Amerikano na bibigyan ng sertipiko ng Pangulo ng Amerika dalawang taon matapos ang paglalathala ng Census, doon lamang magkakaroon ng halalan sa Pambansang Asembleya na magsasanay sa mga mamamayan upang makapamuno ng sarili. Nalathala ang Census noong 1905 matapos itong maisakatuparan noong 1903, kaya ang Asembleya ng 1907 ang naging unang makabuluhang pagbubuo ng hakbang sa pansariling pamununo sa ilalim ng mga Amerikano.

Subalit hindi kasama ang mga katutubo sa inisyatibo ng pansariling pamumuno. Sa katunayan, hindi binigyan ng karapatang mahalal o maghalal ang mga katutubo at nilimita lamang ito sa mga ‘sibilisadong grupo’ sang-ayon sa Census ng 1903.

Ipinagpatuloy at namana ng mga Amerikano ang patakaran ng diskriminasyong sinimulan ng mga Espanyol. Ang mga kinilala lamang nitong ‘sibilisado’ – ang mga grupong Kristiyanong taga-patag gaya ng mga Bicol, Cagayan, Ilocano, Pampanga, Pangasinan, Tagalog, Visayan, at Zambalan ang may karapatang mahalal at maghalal para sa bubuuing pamahalaang kolonyal na kasangkot ang mga Pilipino.

Walang kinilalang karapatan ang mga katutubo dahil binanggit na kasama sila sa mga grupong tinaguriang ‘wild’ o mababangis. Ayon sa Census ng 1903,

the wild peoples of the Philippines may be divided into four classes: Those who were essentially savage and nomadic in their habits, such as the headhunters of Luzon and certain of the Moros; those who are peaceful and sedentary, such as many of the Igorots; those who are peaceful, nomadic, and timid, such as the Negritos, the Mangyans of Mindoro, and the pagans of Mindanao, who, on the appearance of strangers, flee to the fastnesses of the forests and jungles, and cannot be approached; and finally, those who compose the outlaw elements from the Christian towns, and are known as the monteses, remontados, vagos, nomadas, pulijanes (sic), and babylanes (sic) … (Census 1905)

Hindi lamang iniugnay ang pagiging sibilisado sa mga Kristiyanong taga-patag, naging malalim ang implikasyon ng klasipikasyon ng mga katutubo bilang mga ‘mababangis’ at ‘magugulo’ dahil pinatatag nito ang diskriminasyon sa pagtingin ng mga taga-patag sa ibang mga katutubong grupo. Kasama ang lahat ng mga katutubo sa mga hindi tumatanggap ng sibilisasyong Amerikano at mga tumututol dito.

Napatining ang mababang pagtingin sa mga lumad at iba pang katutubo dahil sa mga patakarang kolonyal. Walang pagkilala sa karapatan at kakanyahan ng mga katutubo na pamahalaan ang kanilang sarili kaya ang itinuring ng Census na mga ‘sibilisado’ lamang ang binigyan ng karapatan sa pamamahala. Mananatili ang ganitong ugnayang mayorya-minorya bilang isang kolonyal na proyekto hanggang sa panahong magiging isang Republika ang Pilipinas.

Kung tutuusin, lahat naman ng mga mamamayan sa Pilipinas ay katutubong Pilipino, subalit dahil sa mga patakarang kolonyal, nagkaroon ng paghahati ang lipunan at naging mababa ang pagtingin sa mga katutubo. Ang kawalan ng kaunlaran, ang pagiging iba ng kalinangan, wika, gawi, paniniwala – ang kalimitang binabanggit bilang batayan kung bakit iba ang mga katutubo sa nakararaming mga Pilipino. Ang minoritisasyon o ang proseso ng pagiging minorya sa sariling bayan ang makikitang bunga ng ganitong pagtingin.

Iba’t ibang pamahalaan ang nagdaan, ilang mga patakaran din ang naisakatuparan upang ‘maging sibilisado’ ang mga katutubo sa pananaw ng estado at mga kolonyal na pamumuno. Ang pwersahang paglipat ng relihiyon, pagtanggap sa Kristiyanong kalinangan, ang pagiging ‘makabago’ tulad ng mga nakatanggap ng pananakop – mga patakarang pawang naglalayon ng asimilasyon at integrasyon ng mga katutubo sa kultura ng nakakarami – ang mga isinulong na patakaran sa mga katutubo.

Subalit ang asimilasyon at integrasyon ng mga katutubo ang siyang magiging ugat ng suliranin sa pagbura ng kultura ng mga katutubo. Kung magiging katulad na ng iba pang mga taga-patag na Kristiyano ang mga katutubo sanhi ng ‘pag-unlad’ o ‘development’ na ipinapahayag ng mga nasa pamahalaan, ano na ang mangyayari sa katutubong kultura, paniniwala, kalinangan, wika, at pamamaraan ng pamumuhay ng mga lumad, ng mga Moro, ng mga taga-Kordilyera at ng mga Mangyan? Ano ang pag-unlad kung mabubura naman ang kanilang lipunan dahil lalamunin lamang ito ng mga kalinangang kanluranin?

Maraming insidente ng karahasan na ang nararanasan ng mga lumad. Pinipilit silang magbakwit sa kanilang sariling pamayanan. Pinapasarhan ang kanilang mga paaralan. Ginagawang minahan ang kanilang lupang ninuno. Nagiging lugar ng digmaan at militarisasyon ang kanilang mga bayan. Nang idulog ng mga lumad ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng lakbayan, sinalubong ang paglalakbay ng mga lumad sa Kamaynilaan kamakailan ng karahasan ng sandatahang lakas at pulisya. Muli, napuna ang kalagayan ng naratibo ng mga katutubo sa pambansang naratibo. Karahasan ang nagiging tugon sa mga hiling ng mga lumad na kilalanin ang karapatan bilang pambansang minorya. Muli, lumabas na naman ang naratibong ‘marahas’, ‘mabangis’, ‘salvaje’ at ‘cimarron’ ang mga katutubong nagpoprotesta kaya kailangang tapatan sila ng kapangyarihan ng estado upang maging ‘payapa’ at ‘sibilisado’ ang kanilang pag-iral. Marami pang mapait na pamana ang ating kasaysayan na kailangan nating kaharapin upang makilala kung sino talaga ang ‘sibilisado’ at ‘mabangis’ sa ating lipunan.

The post Ang lumbay ng mga Lumad appeared first on Bulatlat.