Ang pagtataboy sa vendors ng Divisoria

0
257

“Para kaming mga daga. Nagtatago kung saan puwedeng lumungga.”

Grabe ang nararanasan nina Aling Gloria Ricafrente, 51, nitong nakaraang mahigit limang buwan. Matagal na siyang nagtitinda ng softdrinks, tubig at iba pang pagkain sa bangketa ng Soler Street sa Divisoria, Manila. Nasa harapan ito ng 168 Mall, malapit sa Lucky China Town, at katabi ng 999 Mall. Pero ngayon lang niya naranasan na kung pagtabuyan sila, kung ipagkait sa kanila ang karapatang maninda, akala’y hindi tao ang turing sa kanila.

Hunyo 13 pa lang, inanunsiyo na raw ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pagpapalinis sa mga bangketa at kalsada ng Divisoria. Kapapanalo pa lang sa pagka-alkalde ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso laban sa nakaupong meyor na si Joseph Estrada. Katapusan pa ng Hunyo ang simula ng termino niya.

“Bago siya manumpa, pinagsabihan kami. (Hunyo) 15, wala na kami,” kuwento ni Aling Gloria. “Lahat ng paninda inuwi na namin. Yung pinaka-puwesto namin, talagang giniba na. Tinanggal na.”

Pero tulak ng pangangailangan, nagtinda pa rin ang mga vendor sa bangketa ng Divisoria. Si Aling Gloria, kasama ang kanyang asawa, nagsakay ng cooler ng softdrinks at iba pang inumin sa kanilang kartilya. Para madaling makaalis kung sakaling sitahin o may dumating na manghuhuli.

Mula noon, “sniper” na ang pagtitinda nila – katawagan nila sa papuslit na pagtinda sa bangketa. Noong Oktubre, nahuli na sila. “Nakaalis ako, pero ‘yung asawa ko, nahuli. Pero gumugulong na (‘yung kartilya), tumatakbo na. Alas-nuwebe ng umaga noon. Kadarating pa lang namin para maghanapbuhay,” ani Aling Gloria.

Pilit umanong kinuha ang kanilang paninda – pati ang kanilang cooler at kartilya – ng tinatawag nilang “hawkers” o mga tao ng Hawkers Management Office sa ilalim ng Bureau of Permits ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Walang nagawa ang asawa niya, nabitawan din.

Kuwento ni Aling Gloria, ang kalakaran sa hawkers ay ganito: Kapag kinuha ang mga paninda mo, hayaan mo na lang. Kasi kung sumama ka sa mobile (sasakyan) nila, pati ikaw, huhulihin. Dadalhin ka sa piskal at ipapasailalim sa inquest proceedings (imbestigasyon ng piskal). May kaso ka na, at baka makulong pa.

Ang problema, talo ka rin sa pagkumpiska nila sa mga paninda mo. Sa opisina ng hawkers, malapit sa Manila City Hall, pinuntahan nina Aling Gloria ang kanilang cooler, kartilya at paninda. Pinagpasa-pasahan siya ng mga nandoon, hanggang makarating sa hepe ng hawkers. “Kukunin ko lang po sana ang paninda ko,” pakiusap niya sa hepe. Dahil maagang hinuli, puno pang cooler niya. “Puno yun: dalawang kahon ng mineral (water), tig-dalawang pack ng Coke, Mountain Dew, Royal, Sprite. Puhunan dun, mahigit P2,000,” kuwento niya.

Nakita niya ang cooler sa bodega ng hawkers. “Wala na, halos 1/4 na lang ang laman,” kuwento pa ni Aling Gloria. Sa mobile ng hawkers, nagkalat ang walang-laman na mga bote ng softdrinks. Ininom ng hawkers ang mga paninda niya. Lunes noon, at pinababalik sila ng hepe sa Biyernes kasi Biyernes daw ang releasing.

Pero pagbalik ng asawa niya, wala na ang cooler. Wala na rin ang kartilya. “Yung lalagyan ko, mga P1,900 ang halaga. Yung kartilya, P1,800,” aniya.

Winalis din ang mga paninda ni Aling Dulce Amor, 65, noong Hulyo. Taga-Moriones St. sa Tondo, Manila si Aling Dulce, at mahigit tatlong dekada nang nagtitinda malapit sa Ylaya Street sa Divisoria. Nagtitinda siya ng mga ready-to-wear o RTW na mga damit, gayundin ng mga kagamitang stainless steel. Tuwing Pasko, nagtitinda siya ng Christmas lights.

“Noong kampanya (sa eleksiyon), ang sabi niya (Isko Moreno), walang palalayasin. Sa ngayon, lahat kami, buong Abad Santos St. hanggang Asuncion sa Claro M. Recto Ave. (sa Divisoria), pinaalis na,” ani Aling Dulce.

Sa tagal na umano niyang nagtitinda sa Divisoria, ngayon lang umabot ng “‘ber months” na hindi pa rin sila nakakapagtinda nang legal sa bangketa. Noong nakaraang mga taon, tuwing papalapit ang Pasko, pinapayagan silang magdagdag ng tinda. Dagsa din kasi ang demand ng mga mamimili sa Divisoria. Pero hindi nila hinaharangan ang buong bangketa. Malaki na yung isang metro ang sakop. Tantiya ng Pinoy Weekly, di-bababa sa apat na metro ang lapad ng bangketa rito.

Hindi rin naman masasabing ilegal ang pagtinda nila sa nakaraan, aniya. “May permit mula sa City Hall. P1,200 kada taon ang bayad. May P600 kada buwan. Yung “hawkers” ng City Hall ang naniningil nito dati,” kuwento pa ni Aling Dulce.

Ngayon, itong “hawkers” ng City Hall na ang nagpapalayas sa kanila – sa napakarahas na paraan. “Gumagamit sila ng dalawang bata,” kuwento pa ni Aling Gloria. “Sa likod ng bata yung mga pulis. Nanghihila ng mga paninda ang mga bata, pero di mo puwedeng labanan o pigilan, kasi may pulis sa likod.”

Dati, ani Aling Dulce, kumikita sila ng humigit-kumulang P1,000 kada araw. “Malinis na iyun,” ani Aling Dulce. “Pero ngayon, suwerte na kung kikita kami ng P500.” Mas kaunti kasi ang natitinda nila dahil patago. Iyung kaya lang nilang mabuhat ang tinitinda nila. Kulang na kulang na ang P500 sa kanila. Ang ibang vendors, ani Aling Dulce, napalayas na sa mga tinitirhan nila dahil di na makabayad ng renta sa bahay.

“May puwesto raw (sa loob ng mga mall ng Divisoria),” ani Aling Dulce, pero P1,000 kada araw ang bayad. Luging lugi sila.

Sa halos dalawang oras na pakikipanayam ng Pinoy Weekly, tatlong beses natigil ang pakikipag-usap kina Aling Gloria at Aling Dulce. May balita kasi ng paparating na mga pulis at hawkers. Kaya kailangan nilang itabi ang mga paninda nila. Mababait naman daw ang mga vendor na may puwesto sa mismong mga bilding sa Divisoria. Pinapayagan silang tumabi sa mga puwesto nila kapag may nanghuhuli.

“Sa isang kanto, mga 50 ang nagtitinda,” kuwento ni Aling Dulce.

Kaya sa kabuuan, sa bahagi ng Divisoria na malapit sa Binondo, di-bababa na 500 ang vendors. Kung galing ka ng Isetann Mall sa Recto (ilalim ng LRT-2 Line), mula Abad Santos, Soler, Juan Luna, Ylaya, Tabora, Carmen Planas, Santo Cristo, Elcano hanggang Asuncion — mahigit 10 bloke ng bilding ito na puno ng vendors.

Sa kabilang kalsada pa, sa bahagi na malapit sa Tondo. Kaya di-bababa sa 1,000 ang vendors – at baka umabot pa nga ng hanggang 5,000 – na nadiskaril ang hanapbuhay dahil sa clearing operations sa Lungsod ng Maynila.

Ang paliwanag daw ng City Hall, may Memorandum Circular No. 2019-121 ang dating heneral at ngayo’y kinatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Eduardo Ano, na nag-uutos sa mga lokal na gobyerno na linisin ang mga kalsada at bangketa bilang bahagi ng paglulutas ng administrasyong Duterte sa problema sa trapiko sa bansa.

Pero ang ipinagtataka ng vendors ng Divisoria, hindi naman talaga sila nakakaharang sa daan ng mga tao. Isa pa, iyung nilinis din ng City Hall na mga kalsada sa Divisoria, ginawang paid parking nito. Iyung lanes na pinakamalapit sa magkabilang mga bilding ng C.M. Recto, pinagpaparadahan na sa pribadong mga sasakyan.

P30, minsan P50 kada oras ang bayad,” kuwento pa ni Aling Dulce. Pribadong mga sasakayan umano ang kadalasang pumaparada – iyung mga namimili sa mga mall o tindahan ng Divisoria. Ibig sabihin, kumikita dito ang City Hall. Mas malakas umano ang kita nito kaysa sa kanilang mahihirap na vendors na nagbabayad noon sa City Hall.

“Marumi raw kami. Dugyot daw kami,” ani Aling Dulce, kaya winawalis ang mga vendor ng Divisoria. Anila, hindi naman sila tutol sa paglilinis ng mga kalsada. Katunayan, sila pa mismo ang naglilinis umano sa mga kalsada malapit sa mga puwesto nila. “Lahat naman ng kagustuhan niya, gagawin namin. Ginagalang namin ang desisyon niya. Gusto lang naming makapaghanapbuhay.”

Sa kagyat, ang hinihiling lang sana nila, kahit ngayong Kapaskuhan ay payagan silang magtinda. Huwag hulihin, at huwag ituring na parang daga – kundi mga mamamayang naghahanapbuhay lang nang marangal.

Para kay Rose Bihag, pangkalahatang kalihim ng tsapter sa Manila ng grupong pangkababaihan ng Gabriela, lumalabas na anumang “kaunlarang” gustong makamit, kapwa ng lokal at pambansang gobyerno, ay hindi kasama ang mahihirap tulad ng vendors. “Mapapansin natin na ‘yung pag-unlad (na itinutulak) ng LGU hanggang national government, hindi kasama ang mga maralita ng Tondo,” ani Rose, na lider din ng Gabriela sa Tondo. Inihalintulad niya ang pag-eetsapuwera ng vendors sa planong pagpapalayas sa mga maralitang nakatira sa Katuparan Building sa Vitas sa Tondo. Sa prisintasyon kasi ng National Housing Authority, plano nilang magtayo ng walong bagong bilding na pabahay na may 14 hanggang 16 palapag. “Pero ang hitsura ay mala-(Urban) Deca Homes,” aniya, patungol sa komersiyal na condominiums sa bansa. Malinaw na hindi umano ito kaya ng mga maralita ng Katuparan.

Kahit ang pagpapalayas sa mga vendor sa kalsada ng Divisoria para gawing paid parking ng pribadong mga sasakyan, hindi umano nakatuon sa mga maralita. Gayundin ang pagpapalayas kina Aling Gloria sa Soler Street. “Kasi Mabuhay Lane daw ito,” aniya, patungkol sa programa ng Metro Manila Development Authority na maglaan ng mga alternatibong daanan ng pribadong mga sasakyan para makaiwas sa trapiko.

Samantala, ang lokal na pamahalaan ng Maynila naman, itinuturo ang DILG Memo Circular No. 2019-121, na susog daw sa talumpati ni Pangulong Duterte sa State of the Nation Address noong Hulyo na nagsasabing dapat linisin ang pampublikong mga daanan para maibsan ang trapiko. Pero trapiko ba talaga ang nilulutas nito?

Sabi ng vendors na nakapanayam ng Pinoy Weekly, nangangamba silang sinasagawa ang “paglinis” sa Divisoria para sa expansion ng pribadong negosyo rito, tulad ng pagpasok ng Ayala Land sa Tutuban Center. Noong 2016, pag-aari na ng Ayala Land ang mahigit 50 porsiyento ng Prime Orion na siyang nagpapatakbo sa Tutuban Center. Ang lugar na ito, nakatakdang lalong maging mahalaga sa malalaking kompanya tulad ng Ayala dahil sa proyektong pagsasaayos ng North Rail ng Philippine National Railway (PNR). May plano ring ekstensiyon ang LRT-3 na linya ng tren hanggang Recto Avenue sa may Isetann Mall patungong Divisoria. May plano ring umabot rito ang South Rail.

Lumalabas, ayon kay Rose, isinasagawa ang malawakang pagwawalis sa mga vendor bilang paghahanda sa pagpasok ng malalaking negosyo rito.

Anu’t anuman, malinaw ang desperasyon ng mga vendor lalo pa’t papalapit na ang Pasko. Noong nakaraang buwan, nagprotesta ang daan-daang vendor ng Divisoria sa tapat ng Manila City Hall. Hinihiling nila na dinggin sila ng kanilang bagong meyor – ang meyor na nagmula mismo sa Tondo, nagmula mismo sa hirap.

Hindi sila hinarap ng kanilang meyor. Sa ngayon, patuloy ang pagragasa ng isa pang meyor – iyung nasa Malakanyang ngayon, kasama ang heneral niya sa DILG – sa kabuhayan ng mga vendor sa Divisoria, sa Kamaynilaan, at sa buong bansa.