Artista ng bayan, nakapiit pa rin

0
177

Anim na buwan nang nakakulong sa piitan ng rehimeng Duterte si Alvin Fortaliza, na inalay ang kanyang buhay para sa pagpapaunlad ng gawaing pangkultura sa Gitnang Visayas.

Si Alvin ay tagapagtatag at artistic director ng Bol-anong Artista nga may Diwang Dagohoy (Bansiwag) Cultural Network.

Itinatag noong Nobyembre 30, 2010, itinataguyod ng Bansiwag ang mga gawaing pangkultura sa mardyinalisadong kabataan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng community theater workshops at inisyatibang tulad ng Renga sa Kultura, na isang kompetisyon sa kabataan na nagaganap dalawang beses sa isang taon. Pinangunahan din ng grupo ang proyektong Alayon, na nagpapakilos ng mga boluntir para sa iba’t ibang kalamidad katulad ng nangyaring lindol sa Bohol noong Oktubre 15, 2013.

Nagsilbi bilang head trainor si Fortaliza ng Basic Intergrated Arts Workshops ng Bansiwag sa Bohol, Negros, at Cebu. Karamiha’y mga kabataang gustong lumahok sa malikhain at pangkulturang mga pagtatanghal na may progresibo at makabayang oryentasyon ang kalahok sa mga pagsasanay at palihang ito.

Naging kalahok din si Fortaliza sa maraming pampublikong pagtatanghal tulad ng pampublikong pagsasadula o reenactment ng masaker sa Escalante sa Negros Occidental. Ginanap ang naturang reenactment noong 2011 at 2012. Kalahok din si Fortaliza sa mga pagtatanghal sa mga kalsada para sa Lakbayan sa Cebu noong 2015 at 2017, sa Manila noong 2016, at sa pagtatanghal ng Dagohoy sa Atong Panahon na Tanghal 10 flagship project ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA.

Tumatayong pangalawang pangulo para sa Visayas ng Sining na Naglilingkod sa Bayan (Sinagbayan) si Fortaliza. Sinagbayan ang pambansang organisasyon ng mga manggagawang pangkultura, artista sa teatro, makata, musiko, manunulat at artistang biswal. Layunin nitong lumikha at ipalaganap ang sining at panitikan ng bayan na mula sa pakikipamuhay sa mga mamamayan.

Kinatawan ni Fortaliza ang Bansiwag at Sinagbayan sa 2016 National Conference on People’s Culture, gayundin ang pagtatatag ng 2018 Youth for Food Sovereignty international network, at ang 2019 SIGWA National Festival of People’s Art and Literature.

Dahil aktibong kalahok ang Bansiwag at Sinagbayan sa buhay, pakikibaka at pangarap ng mga magsasaka at iba pang mardyinalisadong sektor para sa tunay na panlipunang pagbabago, natalaga rin si Fortaliza bilang provincial coordinator ng Anakpawis Party-list sa Bohol bago ang eleksiyon.

Noong Marso 4, inaresto si Fortaliza ng isang koponan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at pulisya sa Guindulman, Bohol. Nangangampanya siya noon para sa Anakpawis, sa palengke ng Guindulman, nang arestuhin siya. Ayon sa pulisya, sa bisa umano ito ng mandamyento de aresto para raw sa kaso ng pagpatay. Pero mariin ni Fortaliza na itinatanggi ang akusasyon.

Itinuturing ng mga grupong pangkarapatang pantao na isa pang gawa-gawang kaso ito laban sa isang aktibista at manggagawang pangkultura na tumitindig laban sa mga katiwalian at pang-aabuso ng gobyerno habang naglilingkod sa mga mamamayan.

Hinihiling ng maraming grupo ng mga artista at manggagawang pangkultura tulad ng Concerned Artists of the Philippines o CAP, at marami pang iba, ang agarang pagpapalaya kay Fortaliza.