Babae sa babae

0
245

Isang malaking katanungan, sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan tuwing Marso, ang pagsusulat ng kasaysayan ng kababaihan sa pananaw ng mga kababaihan. Hindi lamang sa aktwal na mga pangyayari naging invisible ang mga babae, kundi sa kasaysayang nasusulat ukol sa kanila. Nawawala rin ang kanilang mga kasulatan sa kasaysayan.

Kahit sa kasaysayan ng Pilipinas, bukod kina Gabriela Silang at Melchora Aquino, bibihira ang mga kababaihang napapasama sa pamunuan ng lipunan, gayon din sa mga isinulat na kasaysayan. Nito lamang mga panahong kontemporaryo, sa pagsisimula ng pagkilala sa papel ng kababaihan naging malawakan ang posisyon na ibinibigay at bukas sa mga kababaihan.

Higit na mahirap ang kinakaharap ng mga historyador sa larangan ng pagbibigay tinig sa mga kababaihan sa pagsusulat ng kasaysayan. Iilan lamang ang mga kasulatang nakaabot sa kasalukuyang henerasyon na patungkol sa mga kababaihan. Sa iilang kasulatang ito, kakaunti pa ang naisulat ng mga babae sa kanilang karanasan na siya sanang magpapahayag ng kanilang pananaw sa mga pangyayari.

Ganito ang sinapit kahit ang Liham Petisyon ng mga kababaihan sa Malolos na itinuturing na turning point sa kasaysayan ng kababaihan sa Pilipinas. Si Teodoro Sandiko ang nagsulat ng petisyon. Si Marcelo del Pilar, isang kababayang Bulakenyo, ang nagpahayag ng pagkilala sa kanila at nagbalita sa mga ilustradong sina Jose Rizal at Graciano Lopez Jaena. Sina Rizal at Jaena ang mga unang naglathala ng papuri at pagtalakay sa ginawa ng mga kababaihan sa Malolos sa pamamagitan ng kanilang mga artikulo na nalathala sa La Solidaridad. Si Nicanor Tiongson ang nagsulat ng itinuturing na depinidong kasaysayan ng mga kababaihan sa Malolos na siyang kumilala isa isa sa mga nagawa ng mga kababaihang nabanggit.

Kung papansinin, walang babae na kasangkot sa pagsusulat ng kasaysayan ng mga kababaihan sa Malolos! Kahit ang pagpirma ng petisyon ay isinagawa ng ilang babae sa Malolos nang hindi man lamang inilagay ang kanilang buong pangalan. Kung turning point na nga ang nagawa ng mga kababaihan sa Malolos sa pagsusulat ng kasaysayan ng kababaihan sa Pilipinas at ‘nawawala’ pa rin ang kasulatan ng mga kababaihan, paano na ang iba pang mga pangayaring hindi gaanong kinikilala sa kasaysayan? Kung kulang ang pagkilala sa mga tinig ng kababaihan sa Malolos, gayon din ang mga pinuno ng suffragette movement noong 1920s na nagsulong ng karapatan ng mga kababaihan sa pagboto, gaya ng mga kababaihan ng Malolos na pawang mga nakatataas na uri ang pinagmulan sa lipunan – paano na ang mga identidad ng mga babaeng nagmula sa uring maralita na nananatiling walang mukha at walang pangalan sa kasaysayan? Nasaan ang tinig ng karaniwang kababaihan sa kasaysayan?

Ayon kay Judy Taguiwalo, ang kilusang pangkababaihan sa Pilipinas ay laging isang kilusang politikal na nagpapahayag na hindi mahihiwalay sa kilusang naglalayong makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya. Ang pangangailangang kilalanin ang ganitong lugar ng kilusang pangkababaihan ang maaaring maghango sa mga sulatin ng mga babae ukol sa kanilang karanasan, at kung paano ito maiuugnay sa pangkalahatang kasaysayang pambayan. Sa artikulong nalathala ni Taguiwalo ukol sa paggamit ng lathalaing Muling Pagsilang, iniahon niya ang pangalan ng mga kababaihan na kasangkot sa pagkilos para sa kalayaan at sa pagkakamit ng pagkakapantay pantay sa lipunan.

Sa isang manipestong kanyang sinipi, isinama ni Taguiwalo ang pahayag ng Sinag ng Marikina, isang lokal na samahang pangkababaihan na nagsusulong ng pagkakasangkot ng mga babae sa pagbabagong panlipunan. Sinabi ng manipesto na nailathala sa Muling Pagsilang noong 1906 na

Tayong mga babayi’y hindi nilikha upang maging isang hiyang lamang ng bahay at umasa sa magagawa ng sariling lakas, kundi may katungkulan din naman makipisan at makipagkaisa sa mga bagay na nahihinggil sa kagalingan lalo na’t nauukol sa ididilag ng bayan na siyang hari ng lahat ng mamamayan… Halina mga kabinibini at mga kababayan, at ito’y hindi kasagwaang makapupusyaw sa dangal n gating pagkababayi, kundi ito’y luwalhati at puri n gating bayan at katapusa’y taga pag-alaala sa susunod sa atin.

Malinaw sa ganitong pahayag na kung nanaisin, makikita talaga ng historyador ang mga kababaihan; maisusulat ang kanilang mga pahayag sa sariling pananalitang kanilang ginamit; maipapahayag ang tinig ng pakikisangkot, at malilinaw na hindi tinitingnan ang pagkilos na nakalimita lamang sa mga usaping pribado at pambahay, kundi mga usaping publiko at pambayan.

Ilang mga kababaihan ang mababanggit sa ganitong larangan. Kailangan pang kilalanin at isulat ang kasaysayan nina Marina Dizon, ang pinuno ng mga kababaihan sa Katipunan; Nazaria Lagos, ang tagapamuno ng mga gawaing pangkalinga sa mga sugatan ng Himagsikang Pilipino at ng Digmaang Pilipino-Amerikano sa Iloilo na naging gulugod ng pagtatatag ng Red Cross; Agueda Esteban, pinunong tagapagtiktik at tagadala ng mga mensahe sa mga Katipunero ng Maynila at Kabite; Teresa Magbanua, dating guro at natatanging pinunong babae ng Katipunan at henerala ng rebolusyon sa Kabisayaan; Gliceria Villavicencio, madrina-heneral ng pwersang rebolusyonaryo at naglikom ng pinansya upang makabili ng sasakyang pandagat ang mga tropa nina Aguinaldo – na siyang magiging unang warship ng himagsikan; Marcela Marcelo, kilala bilang Henerala Sela o Selang Bagsik, pinuno ng mga Katipunero at namuno sa ilang labanan sa Kabite; Salud Algabre, pinuno ng Kilusang Sakdal at namuno sa pagsalakay sa ilang bayan sa Laguna sa pag aaklas ng 1935; Nieves Fernandez, guro, Kapitana at pinunong gerilyera ng mga kumakalaban sa mga Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig sa Leyte; Remedios Paraiso-Gomez, kilala bilang Kumander Liwayway, pinunong Huk at gerilyera na sumalakay sa pakikipaglaban sa mga Hapones; at Coronacion Chiva, kilala bilang Kumander Waling Waling; pinunong Huk sa pakikipaglaban sa mga Hapon, naging pinunong gerilyera ng HMB matapos ang digmaan at bandang huli ay namuno sa armadong kilusan laban sa Batas militar, nabilanggo at napatay noong 1977.

Coronacion Chiva aka Kumander Waling Waling (Photo courtesy of Bantayaog ng mga Bayani)

Si Coronacion Chiva o Kumander Waling Waling ang naging tampok sa tulang isinulat ni Judy Taguiwalo habang nakakulong din sa panahon ng Batas Militar. Gaya ni Kumander Waling Waling, ikinulong din si Taguiwalo ng militar ng ilang ulit, at sa kulungan din ipinanganak ang kanyang bunso. At gaya din ni Kumander Waling Waling, kasangkot din si Taguiwalo sa pagkilos panlipunan at paggawa ng kasaysayan ng bayan. Sa kanyang tulang inialay kay Kumander Waling Waling, pinatunayan lamang ni Taguiwalo ang kakanyahang magpahayag ng kasaysayan ng kababaihan, sa pananaw, perspektiba at pamamaraan ng kababaihang kasangkot sa pagbabagong panlipunan. Sa pagsulat ng tulang alay kay Waling Waling, nagsalimbayan ang dalawang naratibo ng kababaihan na kapwa nangahas igpawan ang limitasyon sa mga babae na ibinigay ng lipunan at piniling makisangkot sa kilusang para sa kalayaan. Dalawang tinig, ang obhekto at subheto ng kasaysayan ang nasa tula ni Taguiwalo, at isang klasikal na halimbawa ng kasulatang ginawa ng isa rin sa kasangkot sa kasaysayan.

WALING WALING
Judy Taguiwalo

Lagi kitang naalaala
Lalo na ngayon
Tulad mo, sanggol ko’y
isinilang din sa daigdig
na hugis kuwadrado
Tulad mo, pag-asa’y di nawawala
Patuloy na pinaalab ito
ng hanging nagdadala
ng dagundong ng mga paa,
mga sigaw na di kayo nag-iisa.
At ng halimuyak ng mga Waling Waling
di lamang sa bundok at gubat ng Madyaas
kundi sa buong Pilipinas

Marami pang mga kababaihan ang kailangang kilalanin at bigyang ng sariling puwang sa pangkalahatang naratibo ng kasaysayan. Marami pang sulatin ng mga babae ukol sa mga kababaihan ang kailangang maisama sa batis ng kasaysayan. Hindi na lamang pambahay ang papel ng kababaihan sa lipunan. Sabi nga ni Lorena Barros, ang tagapagtatag ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA),

Ang bagong babae, ang bagong Filipina, ay una at pangunahin ay isang militante. Ang bagong Filipina ay yaong makatigil ng buong araw at magdamag sa piling ng mga nagwewelgang manggawa, nakikipag-aralan sa kanila tungkol sa panglipunang realidad na hindi niya natutunan mula sa kanyang burges na edukasyon…Isa siyang babaeng natuklasan ang matayog na larangan ng responsibilidad, isang babaeng lubos na kabahagi sa paglikha ng kasaysayan. Kanyang inaalpasan ang pananaw sa babae para lamang sa pag-aasawa at tumutungo sa pagiging babae para sa pagkilos…

(https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Babae sa babae appeared first on Bulatlat.