Backwages ng OFWs, paano kinukuwenta?

0
178

Hindi makaila na malaki ang naitutulong ng mga OFW sa ekonomiya ng ating bansa.

Kung kaya’t ang isang OFW na tinanggal sa kanilang trabaho na walang legal na kadahilanan ay binibigyan ng batas ng backwages simula sa kanyang pagkatanggal hanggang sa katapusan ng kanyang kontrata.

Ngunit pagdating ng Republic Act No. 10022, nabago ang lahat ng ito.

Sinasabi ng RA No. 10022 na ang makukuha na backwages ng isang OFW na tinanggal ng kanyang amo ng labag sa batas ay hindi na hanggang matapos ang kanyang kontrata kungdi tatlong buwan na lamang sa bawat nalalabing taon.

Sa madaling sabi, nilagyan ng RA No. 10022 ng limitasyon ang makukuha na backwages ng isang OFW.

Puwede ba ito, mga kasama?

Sa kasong “Julita Aldovino, et. al., vs. Gold and Green Manpower Management and Development Services, Inc. et. al.,” G.R No. 200811 na hinatulan ng Korte Suprema nitong Hunyo 19, 2019 lang ay sinagot ng Kataas-taasang Hukuman ang tanong na ito.

Sa nasabing kaso, nag-aplay ng trabaho sa Taiwan itong si Julita at kanyang mga kasama.

Tinanggap sila bilang mananahi sa isang kompanya sa Taiwan

Sa kanilang kontrata na pinirmahan dito, ay nakalagay na sasahuran sila ng buwanan, walong oras lang ang trabaho, at may overtime pay kapag lumampas sa walong oras ang iyong trabaho sa loob ng isang araw. Pagdating sa Taiwan, pinapirma sila ng kompanya ng bagong kontrata. Nakasaad sa kontratang ito na babayaran sila ayon sa “fixed rate-basis,” ibig sabihin, kung ilan ang kanilang natahi sa isang araw, at hindi buwanan.

Dahil dito, nagreklamo sa husgado sa Taiwan itong sina Julita. Sa isang pag-uusap tungkol sa kanilang reklamo, sinabi ng kompanya na hindi na ito interesado na ituloy pa nina Julita ang kanilang pagtatrabaho at pinauwi na ang mga ito sa Pilipinas.

Agad-agad namang pinaayos kina Julita ang kanilang kagamitan at hinatid sila sa estasyon ng tren sa Taipei. Pagkatapos nito ay sinamahan sila sa Manila Economic and Cultural Office kung saan sila pansamantalang nanunuluyan habag nakabinbin pa ang kanilang kaso laban sa kompanya.

Kalaunan, nagkaroon sila ng areglo ng kompanya kung saan pinapirma sina Julita sa isang Compromise Agreement.

Umuwi na sa Pilipinas pagkatapos nito sina Julita. Pagdating dito ay agad silang nagsampa ng kaso sa tanggapan ng Labor Arbiter laban sa recruitment agency at laban sa kompanya.

Inakyat nina Julita sa Court of Appeals ang kanilang kaso.

Dito, binaliktad ng Court of Appeals ang hatol ng NLRC na hindi tinanggal at kusang umuwi sina Julita.

Ayon sa Court of Appeals, tinanggal sila sa kanilang mga trabaho dahil pinauwi sila ng kompanya.

Pinagbayad ang kompanya at ang agency ng backwages nina Julita ng Court of Appeals.

Pero dahil umiiral na ang Republic Act No. 10022 noon, sinabi ng Court of Appeals na limitado lamang ang backwages na makukuha nina Julita at iyon ay hindi lalampas sa tatlong buwang sahod kada taon na naiiwan pa sa kanilang mga kontrata.

Hindi sang-ayon sa naging hatol na ito sina Julita at iniakyat nila ang kanilang kaso sa Korte Suprema.

Pinanigan ng Korte Suprema sina Julita.

Nilinaw ng Korte Suprema na ang paglalagay ng limitasyon sa backwages na makukuha ng isang OFW na biktima ng illegal dismissal ay lumalabag sa Saligang Batas ng Pilipinas.

Ayon sa ating Labor Code, ang isang manggagawa na biktima ng illegal dismissal ay babayaran ng kanyang backwages mula sa panahong siya ay tinanggal hanggang sa panahong siya ay maibalik.

Sa madaling sabi, walang limitasyon sa backwages na binibigay sa kanya.

Ang isang OFW ay walang pagkakaiba sa ibang klaseng manggagawa. Hindi rin dapat lagyan ng limitasyon ang backwages na kanyang matatanggap bunga ng kanyang illegal dismissal.

Ang paglagay ng limitasyon sa backwages na matatanggap ng isang OFW samantalang hindi naman nilalagyan ng limitasyon ang backwages ng ibang manggagawa ay paglabag sa equal protection clause ng ating Konstitusyon, paliwanag ng Korte Suprema.

Dahil dito, labag sa ating Saligang Batas ang probisyon ng RA No. 10022 at hindi ito dapat bigyan ng bisa.

Ganito kung mahalin ng ating Korte Suprema ang mga OFW, mga kasama.