Batas sa pagreretiro

0
296

Sa mga manggagawa na senior citizens na, ang pagreretiro sa trabaho ay madalas nilang iniisip.

Ito’y dahil may benepisyo silang makukuha mula sa kompanya sa panahong sila ay magreretiro na sa kanilang mga trabaho.

Ang benepisyong ito’y depende sa sinasabi ng kanilang collective bargaining agreement (CBA), kung mayroong CBA sa kompanya.

Paano kung walang CBA sa kompanya?

Kung walang CBA ang kompany, depende na yun sa batas o sa programa ng kompanya.

Ano ba ang batas tungkol sa retirement ng isang empleyado?

Ayon sa Article 302 ng Labor Code, ang empleyado sa pribadong sektor ay kailangang magretiro sa kanyang trabaho sa edad na 65 basta siya ay nakapagtrabaho nang hindi bababa sa limang taon sa kompanya.

Compulsory retirement ang tawag dito. Obligadong magretiro ang empleyado sa edad na ito, gusto man niya o hindi.

Pero pagdating niya ng edad 60 at gusto na niyang magretiro na, pwede nya rin itong gawin.

Ang tawag naman dito ay optional retirement. Kahit man ayaw ng kompanya basta gusto ng manggagawa, wala itong magagawa. Ang importante ay umabot na sa edad 60 ang manggagawa at nakapagtrabaho ng hindi bababa sa 5 taon sa kompanya.

Ano naman ang matatanggap ng manggagawa kapag siya ay nag-retire?

Obligado ang kompanyang bayaran siya ng retirement fee.

Ayon sa Labor Code, ito’y batay sa kung ilang taon siyang nagtrabaho sa kompanya na imu- multiply sa halagang 22.5.

Halimbawa, si Pedro ay 60 anyos na at gusto nang magretiro sa kanyang trabaho. Tatlumpung taon na kasi siyang nagtatrabaho sa kompanya.

Ang kanyang sahod, dahil walang CBA sa kompanya ay nasa minimum wage lang o P537.00.

Ang kanyang retirement pay na makukuha ay 30 taon x 22.5 x P 537 = P362,475.

Bukod pa ito sa kanyang makukuha na retirement pay mula sa Social Security System (SSS).

Ngayon kapag may CBA sa kompanya at may probisyon din tungkol sa retirement, ito ang masusunod, basta hindi ito bababa sa binibigay ng batas.

Kung sakaling mas mababa ang binibigay ng CBA kaysa binibigay ng batas, kailangang ang binibigay ng batas ang masusunod.

Napag-usapan natin ang bagay na ito dahil noong Agosto 14, may dinisisyunang kaso ang Korte Suprema tungkol sa retirement benefits.

Ang kasong Rey Ben Madrio vs. Atlas Fertilizer Corporation, G.R. No. 241445 ang ating tinutukoy.

Sa nasabing kaso, isang area sales manager si Rey sa nasabing kompanya. Mga pitong taon na siya rito nang maisipan niyang magbitaw sa kanyang posisyon at ito naman ay tinanggap ng kompanya.

Ayon sa kay Rey, may matatanggap siya dapat na retirement benefits mula sa kompanya dahil kasama siya sa retirement plan nito.

Hindi ito pinagbigyan ng kompanya. Napilitan si Rey na magdemanda.

Ipinakita ni Rey sa Labor Arbiter ang kopya ng Retirement Plan ng kompanya. Nakalagay dito na may matatanggap na bayad ang sinumang empleyado na mabibitiw basta’t walang derogatory record.

Ang kopyang ipinakita ni Rey ay walang pirma ng kompanya.

Pinaboran ng Labor Arbiter si Rey at ipinagbayad ang kompanya. Nakaabot sa NLRC at Court of Appeals ang kaso. Binaligtad naman ng Court of Appeals ang hatol at sinabing hindi dapat bayaran si Rey.

Nag-apela si Rey sa Korte Suprema. Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang Court of Appeals.

Sinabi ng Korte Suprema na ang inaangking benepisyo ni Rey ay hindi bahagi ng retirement benefits na sinasabi sa Labor Code.

Ito’y bukod pa sa benepisyong ito at dahil dito, dapat sundin ang patakaran ng kompanya.

Sang-ayun sa patakaran ng kompanya, di kuwalipikado sa ilalim nito si Rey dahil siya ay may derogatory record.

Kaya nagdesisyon ang Korte Suprema laban kay Rey.