Belt and Road Initiative: planong dominasyon ng China sa mundo

0
159

Minsan nang sinaklawan ng China ang halos buong mundo. Tinaguriang Silk Road ang ruta o network ng mga ruta mula China patungong Gitnang Silangan hanggang Europa at pabalik — mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan.

Ngayon, gusto muling dominahin ang pangangalakal sa mundo. Gusto nilang kalabanin ang Estados Unidos (US) bilang pangunahing superpower sa mundo.

Ang plano nila: ang bagong Silk Road, o ang Belt and Road Initiative (BRI). Inanunsiyo ang planong ito ni China Pres. Xi Jinping habang bumibisita sa Kazakhstan at Indonesia noong 2013.

Sa naturang plano, balak ng China magtayo ng mga imprastraktura na pagdadaanan ng mga tren at sasakyan na magdadala ng mga produkto mula China hanggang Gitnang Silangan at Aprika, hanggang Europa. Ito ang tinatawag ng China na “Belt” sa BRI. Sa karagatan naman, magtatayo ito ng malalaking daungan at iba pang imprastraktura para sa mga cargo ship o barkong pangkalakal ng China patungong Southeast Asia (dadaan sa West Philippine Sea), patungong India, hanggang Aprika, hanggang Europa. Ito naman ang “Road” o Maritime Road sa BRI.

Ilan sa mga susing proyekto sa ilalim ng BRI.

Ilan sa mga susing proyekto sa ilalim ng BRI.

Tinatayang nagkakahalagang US$1 Trilyon ang buong proyekto, na inaasahang matatapos pa sa taong 2050. Ito ang tinaguriang pinakamalaking protektong pang-imprastraktura sa kasaysayan ng mundo.

Pero ngayon pa lang, marami nang naipatayo na BRI projects sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa Pilipinas. sinisikap ng rehimeng Duterte na maipaloob nang buung buo ang sarili nitong proyektong pang-imprastraktura na Build, Build, Build — para mapondohan ang mga ito ng China.

Pero hindi libre ang mga imprastrakturang ipinapatayo ng China sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa mga proyektong ito, may mga kondisyon ang China: utang ang puhunan, at sa kanila manggagaling ang mga manggagawa at iba pang teknikal na personnel.

Sa ibang pagkakataon, sobrang taas ang interes (kumpara sa pautang, halimbawa, ng Japan). Sa sitwasyong made-default o hindi makakapagbayad ang gobyerno, mareremata ang mismong imprastraktura. Nangyari ito sa Sri Lanka. Hindi nakapagbayad ito ng utang sa China; napilitang isuko nito ang operasyon ng mismong piyer.

Sa Pilipinas, ibinunyag ng Bayan Muna Party-list ang ayon dito’y “onerous” o maanomalyang kontrata sa pagpapatayo ng Chico River Irrigation Project na mula sa utang ng China. Tulad ng maraming pautang ng China, sobrang taas ng interes ng pautang na ito, at sa oras na may di-pagkakaintindihan, batas ng China at hindi Pilipinas ang mananaig o masusunod.