Bigas at rosas

0
315

Humanay sila, mga lider-kababaihan mula sa iba’t ibang grupo at pampulitikang oryentasyon, sa harap ng midya, noong Marso 2 sa Commission on Human Rights, at sinimulan ang programa sa pagkanta.

Ang mga hawak nila, rosas at bigas. Ang awitin nila, nananawagan ng pagkilala at pagtaguyod sa “sahod, trabaho, at karapatan” ng kababaihang Pilipino sa pandaigdigang araw ng kababaihan, Marso 8.

“Baka nagtataka ang iba na ang hawak ng mga lider-kababaihan ay rosas at bigas. Ito po ay halaw sa naging panawagan ng kababaihan noon pang mga unang panahon nang ilunsad ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Manggagawa,” panimula ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng malawakang alyansa ng kababaihan na Gabriela. “Pero noon, ang panawagan nila ay ‘bread and roses’ (tinapay at rosas) pero dahil nasa Pilipinas tayo, bigas at rosas ang dala natin.”

Pinatutungkulan ni Salvador ang pagdadala ng islogang “bread and roses” ng mga manggagawang kababaihan sa industriya ng tela sa Estados Unidos (US) mahigit isang siglo na ang nakararaan, noong Marso 1908, nang magprotesta ang kababaihang manggagawa sa masahol na kalagayan sa mga pagawaan at mababang sahod.

Unang nagtakda ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ang mga manggagawang kababaihan na kalahok sa mga protestang ito noong 1908. Kadikit ng naturang araw, Marso 8, ang maggiit, hindi lang sa karapatan ng kababaihan, kundi sa pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa na nakakaranas pa rin ng pagsasamantala sa kamay ng sistemang kapitalista ngayon.

Napapanahon pa rin ngayon ang panawagang ito, ani Salvador ng Gabriela.

Kasama ng Gabriela sa naturang pagtitipon ang iba’t ibang grupong kababaihan katulad ng Nagkaisa! Women, Kilusan ng Manggagawawang Kababaihan, Kiluasang Mayo Uno-Women, Kilos Na! Manggagawa, Sarilaya, World March of Women at iba pang grupo – nagkakaisa ngayong buwan ng kababaihan para igiit, muli, sa rehimeng Duterte, ang karapatan sa “bigas at rosas” ng kababaihang Pilipino.

Kababaihang manggagawa: Doble ang pasaning pahirap, ayon sa Gabriela. <b>Kontribusyon</b>

Kababaihang manggagawa: Doble ang pasaning pahirap, ayon sa Gabriela. Kontribusyon

Mukha ng kababaihang manggagawa

“Dumami man sa bilang (ang kababaihang manggagawa), hindi disenteng trabaho ang lahat nang ito,” paunang salita sa Unity Statement ng naturang mga grupong pangkababaihan.

“Kulang sa minimum na sahod ang natatanggap ng maraming kababaihan, at lalong kapos sa nakabubuhay na sahod. Mayroon pang gender wage gap o mas malaking sahod para sa kababaihan kumpara sa kababaihang manggagawa,” sabi pa ng naturang Unity Statement.

Sa pag-aaral ng Center for Women’s Resources (CWR) mula sa datos mismo ng gobyerno, napag-alamang “halos tatlo sa bawat apat (o 74.8 porsiyento) na kababaihang may trabaho o employed ay nasa serbisyo.”

Pataas ito nang pataas. Mula ito sa 71 porsiyento noong 2015, at, noong 1985 pa, nasa 53 porsiyento lang ang nasa service industry. Samantala, dahil sa tumitinding monopolyong kontrol ng iilang panginoong maylupa sa mga lupaing agrikultural sa bansa, papaliit naman ang bilang ng kababaihan na nasa agrikultura: mula 19 porsiyento noong 2015 ay nasa 15.3 porsiyento na lang ito noong 2017.

Ano ang kahulugan nito? Ayon sa CWR, halos 60 porsiyento ng nakaempleyong kababaihan ay nasa sahuran o suwelduhang trabaho – o trabahong may napakababang sahod. Mas mababa, sa katunayan, kumpara sa kalalakihan.

Ayon sa naturang Unity Statement ng mga grupong kababaihan, “Tinatayang 37 sentimo lang ang sinasahod ng mga kababaihang manggagawa sa bawat pisong sinasahod ng kalalakihan. Ilang ulit nababarat ang kababaihang manggagawa sapagkat mas lumiliit pa ang minimum na sahod habang papalayo sa Kamaynilaan at ibang sentrong lungsod.”

Isa pang signipikanteng impormasyon na napag-alaman ng CWR: malaking bilang ng kababaihang manggagawa na sahuran ay kabataan (15-30 anyos). “Halos isang milyong kabataang kababaihan rin ang nagtatrabaho sa private households o kaya ay unpaid family workers (949,000),” ayon sa CWR.

Sa kabuuhan, ayon pa sa naturang institusyon, nakatipon ang kabataang kababaihan sa wholesale and retail trade, o sa pagtitinda, gayundin sa iba pang aktibidad panserbisyo (42 porsiyento). Samantala, mayroon pa ring kalahating milyong kababaihan ang nasa manupaktura, habang 433,000 ang nasa agrikultura.

Dobleng pasanin

“Habang ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte ang nalilikhang trabaho sa sektor ng konstruksiyon o construction sector dahil sa programang ‘Build, Build, Build’, hindi nakikinabang ang kabataang kababaihan dito dahil 0.70 porsiyento (30,000) lang sa kanila ang nasa sektor na ito,” sabi pa ng CWR.

Samantala, sa pag-aaral pa ng CWR, umaabot nasa 33 porsiyento, o tatlo sa bawat sampung kabataang kababaihang manggagawa ay nakakatanggap ng pinakamabababang sahod sa bansa.

Matatandaang ang proyektong pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte na Build, Build, Build ang panunahing proyektong pang-ekonomiya nito, na inaasahan nilang lilikha ng malaking bilang na trabaho para sa lumolobong lakas-paggawa ng bansa. Pero hanggang sa ngayon, mahigit kalahati na ng termino ni Duterte, hindi pa rin naisasakatuparan ng mayorya ng mga proyekto rito.

Ang pinangangambahan pa ng mga grupong maka-manggagawa, bahagi pa ng kasunduan sa gobyernong Tsino ang pag-eempleyo ng mga manggagawang Tsino sa mga proyektong imprastraktura na popondohan nito.

Nakabalangkas ang pag-akit ng rehimeng Duterte sa dayuhang mamumuhunan tulad ng sa China sa polisiya nitong neoliberal sa ekonomiya. Ibig sabihin nito, patuloy na ibinubukas ang ekonomiya ng Pilipinas sa dayuhang mga negosyo – para sa hilaw na materyales o raw materials nito (halimbawa, malalaking kompanya ng mina ng China na nagmimina sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao) at sa murang lakas-paggawa nito (halimbawa, ang mga manggagawa sa iba’t ibang special economic zones sa bansa).

Ibig sabihin nito, para sa mga manggagawang Pilipino, ang patuloy na pagbabarat sa sahod nila. Laganap pa rin ang praktika ng pag-eempleyo ng kontraktuwal na mga manggagawa – mga ineempleyo ng pribadong ahensiya, hindi regular, pana-panahon o seasonal, o impormal na trabaho. Tantiya ng institusyong ng pananaliksik na Ibon Foundation, umabot na sa 27.2 milyong manggagawa (o mayorya ng labor force) ay kontraktuwal.

Halos limang milyon namang manggagawa ang walang trabaho, ayon sa Ibon.

Ang mga may trabahong manggagawa, hirap makaagapay sa pang-araw-araw na gastusin na nagmamahalan ngayon. Ayon din sa Ibon, 12.4 milyong pamilyang Pilipino ang nabubuhay nang may P132 kada araw lang o mas mababa. Samantala, sa komputasyon ng Ibon, nangangailangan ang isang pamilya na may limang miyembro ng P1,025 kada araw para mabuhay nang marangal.

Ibinabalikat ng manggagawang kababaihang Pilipino ang kalagayang ito. Samantala, ibinabalikat din nila ang namamayaning diskriminasyon sa kababaihan (halimbawa nito ang gender gap, at mababang klase ng trabaho nila) na laganap sa lipunang katulad ng Pilipinas. Ang katawagan ng grupong Gabriela rito, “dual burden” o dobleng pasanin, para sa kababaihan.

Bigas at rosas: Iba't ibang grupo ng kababaihan na nagkaisa para malakas na ihayag ang paglaban sa kontraktuwalisasyon at ipaglaban ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa. <b>Kontribusyon</b>

Bigas at rosas: Iba’t ibang grupo ng kababaihan na nagkaisa para malakas na ihayag ang paglaban sa kontraktuwalisasyon at ipaglaban ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa. Kontribusyon

Ginigipit ang lumalaban

“Sawang sawa na sa diskriminasyon, di-makataong mga kondisyon, pagbuwag sa union at pagsasamantala ang mga manggagawang kababaihan sa economic zones.”

Ito ang sabi ni Judy Ann Miranda, tagapangulo ng Nagkaisa Women’s Committee at pangkalahatang kalihim ng Partido Manggagawa, sa naturang porum sa CHR, kasama ang iba pang grupong pangkababaihan at manggagawa. Nagkakaisa umano sila na dalhin ang abang kalagayan ng kababaihang manggagawa sa Marso 8.

Nagkakaisa rin sila, bagamat may kaunting pagkakaiba, sa pangkalahatang panawagan na ibasura ang kontraktuwalisasyon at magkaroon ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa. Para sa Gabriela, KMK at KMU-Women, sa tantiya nila, kailangan ng P750 na pambansang minimum na sahod para makaagapay sila sa batayang mga pangangailangan.

Iginigiit nila ito sa kabila ng tumitinding atake ng rehimeng Duterte sa mismong mga unyonista at manggagawang naggigiit sa karapatan nila. Sa ngayon, pinaiigting na ng rehimen ang pananakot sa mga manggagawa sa pamamagitan sa pagturing sa mga lumalaban bilang “terorista.”

“(A)ng mga inatasang magpanatili ng kapayapaan, ang siya pang nangunguna sa pandarahas at pagkitil sa karapatang magpahayag. Inuuna lagi ng Philippine National Police ang pagbuwag sa mga piketlayn at ang marahas na pag-aresto sa mga lider manggagawa,” ayon sa Unity Statement.

Pinuna nila ang pagbubuo ng Joint Industrial Peace and Concern Office (Jipco) sa mga ecozone sa Gitnang Luzon. “Ang Jipco, na sabwatan ng PNP at Philippine Economic Zone Authority ay itinulak ng Executive Order 70 at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict upang durugin ang unyonismo, na kunwari ay pagsupil sa mga radikal na unyon at panghihimasok ng komunismo,” ayon pa rito.

Sa harap nito, tila lalo pang nagkakaisa ang mga manggagawa at kababaihan. Bukod sa porum at paglabas ng Unity Statement, magsasagawa ng malawakang mga protesta ang kababaihan sa Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Manggagawa.

Mahigit 100 taon matapos unang isigaw ng kababaihang manggagawa ang “tinapay at rosas”, muling sumisigaw ang bagong henerasyon nila – para sa kanilang karapatan at kagalingan, at para sa pagpapanagot sa rehimeng nagpapahirap sa kanila at sa mga mamamayang Pilipino.


Featured image: Mula sa drowing ni Tinay Galvez