Build Build Build kontra maralita

0
194

Build Build Build (BBB). Isa ito sa mga pangunahing programang pang-ekonomiya ng rehimeng Duterte. Pinagmamalaki ito ng rehimen bilang “walang kapantay” daw na programang pangkaunlaran sa bansa. Nagtakda ito ng 100 flagship na mga proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa Maynila, natala ng Pinoy Weekly ang 21 proyekto. Kabilang dito ang malalaking kalsada, paliparan, riles, rapid bus transits, pier, tulay, at iba pa.

Marami sa mga proyekto, pagpapaluwag ng daan para sa dayuhang pangangalakal at turismo. Mayroon ding mga proyektong transportasyong pangmasa. Pero lahat ito, itatayo at pangangasiwaan ng malalaking kompanyang lokal at dayuhan, mula sa pondo ng dayuhang mga mamumuhunan o kaya utang sa pandaigidgang mga institusyong pampinansiya (na dominado ng mga bansang tulad ng US, China at Japan).

Sa madaling salita, malaki ang kikitain dito ng mga oligarkong napaboran sa pagpapatayo ng mga proyektong BBB.

Mahalaga para sa administrasyong Duterte ang taong 2020 para sa pag-aarangkada ng marami sa mga proyekto ng BBB. Tinawag itong ‘banner year” ni Department of Public Works and Highways Sec. Mark Villar.

Tantiya ng mga grupong maka-maralita, nasa 509,495 pamilyang maralita ang mawawalan ng tahanan hanggang 2022 dahil sa mga proyektong BBB. Ito’y batay pa lang ng 15 sa malalaking flasgship projects. Aabot naman sa P124 Milyon ang takdang gastusin para ipatupad ang demolisyon.

Nasa P1.5 Triyong puhunan na kailangan, at P738 Bilyon ang magmumula sa mga kapitalista mula sa China. Ang Pilipinas ang may pinakamalaking bilang ng mga mamamayang homeless sa Southeast Asia. Nasa 4.5 milyong Pinoy ang walang tirahan. Kung tutuusin, sa laki ng puhunan para sa BBB, kayang resolbahin ang matagal nang housing backlog ng bansa na 5.56 milyon.

Ang P1.5-T puhunan ay maaari sanang makalikha ng 6,250,000 housing units para sa mahihirap.