Dagdag-sahod ni Duterte sa mga kawani, kulang – Courage

0
173

“Hindi katanggap-tanggap , insulto at mapanlinlang.”

Ganito tinawag ng Confederation for Unity Advancement and Recognition of Government Employees (Courage) ang inaprubahang dagdag-sahod para sa mga kawani ng pamahalaan sa bisa ng Salary Standardization Law 5 (SSL 5) na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 8, 2020.

Sa SSL 5 kasi, 483 piso lamang kada buwan ang matatanggap na umento ng mga mababang kawani ng pamahalaan o iyong mga nasa Salary Grade 1 mula 2020 hanggang 2023. Katumbas lang ito ng 16.1 piso kada araw. Hulugan din itong ibibigay sa loob ng apat na taon.

Nakakainsulto umano ang napakaliit na dagdag na ayon pa kay Courage National President Santiago Dasmariñas Jr. ay “Kulang pa nga sa aming pamasahe. Our take home pay cannot take us home.”

Dahil din umano sa liit ng umento, lalong mahihirapan ang mga kawani na makaraos sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin.

Ang mga nasa Salary Grade 10 hanggang 15 ay makakatanggap ng pinakamalaking porsyentahe ng pagtaas na nasa 20-30%. Pinakamaliit naman ang sa mga nasa Salary Grade 23-33 na 8% lamang. Nasa SG 23- 33 ang matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang si Duterte na nasa SG 33.

Ayon sa Courage, mapanlinlang umano ang SSL 5 dahil bagamat maliit lang ang porsyentong itataas sa mga nasa mataas na posisyon, malaki pa rin di hamak ang katumbas nitong halaga kumpara sa mga tinatanggap ng mga karaniwang kawani.

Dagdag-sahod sa guro

Samantala, itinatakda din ng SSL 5 ang taunang dagdag 1,500 piso kada buwan sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan mula 2020 hanggang 2023. Ayon sa Malacañan, dahil sa umentong ito ay magiging mas mataas nang 65-87% ang sahod ng mga guro sa pampubliko kumpara sa mga nasa pribadong paaralan.

Gayunman, para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), tila hindi pinakinggan ni Pangulong Duterte ang kanilang panawagan dahil napakalayo ng ipatutupad na umento sa kanilang hiling na 10,000 pisong dagdag-sahod.

Ayon din sa ACT, ang kailangan umano ng mga guro ay itaas ang kanilang sahod sa SG 15 nang sa gayon ay mailapit sa sahod ng mga pulis na dumoble na sa 29,668 piso mula nang dagdagan ito ni Duterte noong 2018.

Para kay ACT Secretary General Raymond Basilio, “malaking inhustisya” umano ito para sa mga guro na “ina ng lahat ng propesyon” at may mahalagang papel sa pambansang pagunlad.

Sa tala kasi ng ACT, aabot lamang sa 27,000 piso ang kanilang magiging sahod kapag naibigay na ang kabuuang halagang nakasaad sa SSL 5 sa 2023. Taliwas umano ito sa pangako ni Pangulong Duterte noong eleksyon na magpapatupad ng makabuluhang dagdag-sahod para sa mga guro.

Pagpapatupad

May kabuuang 34.2 bilyong piso mula sa 4.1 trilyong pisong pambansang badyet ang inilaan ng gobyerno para sa pagpapatupad ng unang bahagi ng umentong itinakda ng SSL 5.

Subalit para sa Courage, mas malaki pa rin ang inilalaang badyet ng pamahalaan para sa iligal na pork barrel, sa gera kontra-droga at mga programang kontra-insurhensya kesa sa inilalaan para sa dagdag-sahod ng mga kawani.

Iginiit din ng grupo na hindi natutugunan ng Salary Standardization Law ang pangangailangan ng mga kawani. Maliit na nga umano ang sahod ay talamak pa ang hindi pagsunod sa mga itinatakdang SSL rates dahil sa iba’t-ibang antas ng kayayanan ng mga lokal na pamahalaan at mga Government Owned and Controlled Companies (GOCCs) na ipatupad ito.

Marami pa rin umano sa mga kawani sa mga Local Government Units ang tumatanggap lamang ng 7,194 kada buwan kahit SG 1. Gayundin, may mga GOCCs na hindi kumikita at walang kakayanan na sumunod sa SSL rates.

Isinisi rin ng Courage ang lalo pang pagbarat ng sahod ng mga kawani sa malawakang kontraktwalisasyon sa hanay mismo ng pamahalaan.