Dugo at lagim sa likod ng fast fashion

0
158

Fast fashion. Pamilyar na pangalan ito para sa lahat ng tagasubaybay ng mga pinakahuling uso sa fashion ang mga tatak gaya ng Forever21, Cotton On, H&M at Zara. Ngunit sa kabila ng maliliwanag na mga ilaw at hanay ng mga estante sa maaliwalas na mga espasyo ng mga tindahan nito, malagim ang katotohanang nasa likod ng mga kilalang tatak.

Tinuturing na fast fashion ang mabilisan at maramihang pagpoprodyus ng mga mura, mababang kalidad at mabilis mawala sa uso na mga damit.

Sa mga bansang gaya ng US, may malaking pagtangkilik sa mga nabanggit na tatak dahil tinuturing na relatibong mura at abot-kamay ang mga hatid nitong produkto.

Bukod pa rito, mabilis na nakasunod sa pinakahuling uso ang mga tatak. Bagamat “sirain” at hindi gawa sa dekalidad na mga materyales, bagay itong hindi na pinanghihinayangan ng konsyumer na handa rin itong idispatsa oras na masira o mawala sa uso.

Ngunit gaya ng binabanggit ng mamamahayag at British environmentalist na si Lucy Siegle, “Hindi libre ang fast fashion. Sa kabilang panig ng mundo, may nagdurusa kapalit nito.”

Pang-aapi sa ngalan ng fashion

Malalarawan ang pagdurusang binabanggit ni Siegle sa pagguho ng garment factory na Rana Plaza sa Bangladesh noong 2013.

Isang araw bago ang insidente, natagpuan ang malalaking bitak sa naturang gusali. Sa kabila nito, pinag-utos ng may-ari ng pagawaan na bumalik sa trabaho ang mga manggagawa kinabukasan. Nabaon nang buhay ang humigit 1,100 garment workers. Karamihan sa mga ito, kababaihan.

Kalakhan ng mga murang produktong nilalako ng mga fast fashion brands, niluwal ng labis na mapangapi’t mapagsamantalang kondisyon sa loob ng mga pagawaan na tinatayo sa mga mahihirap na bansa gaya ng Bangladesh at Pilipinas.

Mala-alipin ang pagtrato sa mga manggagawa—sistemang pakyawan, kaswal o kontraktwal ang katangian, walang mga benepisyo, lampas 12 oras ang trabaho, walang araw ng pahinga, puwersahan ang overtime na walang kaakibat na overtime pay.

Lubhang mapanganib ang mga kondisyon sa loob ng pagawaan—walang maayos na bentilasyon, nakakasulasok ang amoy ng matatapang at nakakalasong mga kemikal. Walang kahit anong proteksiyon sa katawan ang mga manggagawa. Karamihan pa sa mga pabrika, mga firetrap at deathtrap.

Pagguho ng bilding ng sweatshops sa Bangladesh noong 2013. (Rijans/Wikimedia Commons)

Ganitong ganito ang nangyari noong 2015 sa Kentex, pabrika ng mga murang tsinelas sa Valenzuela na kinasawi ng 74 manggagawa na nakulong at natupok nang buhay sa loob ng pagawaan.

Malagim ang katotohanang nasa likod ng fast fashion.

Sa kabila ng ningning na hatid ng mga kilalang tatak, hinihiling ang pagiging mas mapanuri at kritikal sa pagtangkilik sa mga produkto’t tatak.

Ngunit higit pa sa mapanuring tindig at kritisismo, hinihiling sa mamimili ang pag-ako at pakikipagkapitbisig sa mga manggagawang nasasadlak sa mapang-api at mala-aliping kalagayan ng paglikha at paggawa.