Duterte at VFA

0
321

Noong Enero 23, nagbanta si Pang. Rodrigo Duterte na ibabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Ang kagyat na dahilan: ang pagkansela ng US sa visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, unang hepe ng Philippine National Police sa ilalim ni Duterte, pangunahing tagapagpatupad noon ng “gera sa droga” ng rehimen, at malapit na alyado ng pangulo.

Ginawa iyun ng US bunsod ng pag-apruba ng Senado nito sa isang resolusyon para ilapat ang Global Magnitsky Act, batas nitong nagpaparusa sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ibang bansa, sa Pilipinas. Partikular na puntirya nito ngayon ang mga opisyal ng gobyernong Duterte na sangkot sa pagkulong kay Sen. Leila de Lima at mga ekstrahudisyal na pagpaslang sa Pilipinas.

Pebrero 7, nabalitang inatasan ni Duterte si Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., sekretaryo ng Department of Foreign Affairs at pinuno ng VFA Commission, na tapusin na ang kasunduan. Pebrero 11, nagpasa si Locsin ng “notice of termination” sa gobyerno ng US, sa pamamagitan ng US Embassy. Ito ang opisyal na paabot ng gobyernong Duterte ng kagustuhang tapusin ang kasunduan — at magkakabisa ito matapos ang 180 araw.

Pebrero 12, tumugon mismo si Donald Trump, presidente ng US, sa hakbangin ng gobyernong Duterte. Sabi niya sa mga reporter sa White House, “Kung gusto nilang gawin iyun, ayos lang, makakatipid tayo nang maraming pera.” Nagpasalamat pa siya sa gobyernong Duterte at ibinida ang “napakagandang ugnayan” sa pangulo ng Pilipinas.

Bago nito, noong Pebrero 10, “isiniwalat” ni Duterte na sinisikap ni Trump “at iba pa” na “iligtas” ang VFA. Aniya, tinanggihan niya ang pagsisikap nila, dahil “napakabastos na iyung Amerikano. Talagang sobrang bastos.” Matapos ang pahayag ni Trump, sinabi ni Duterte sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita: “Si Pangulong Trump ay mabuting Presidente at karapat-dapat siyang mahalal muli,” kaugnay ng pagharap ni Trump sa eleksyon sa darating na Nobyembre.

Ehersisyong militar ng US at Pilipinas sa ilalim ng Balikatan. Mula sa FB page na <b>Exercises Balikatan</b>

Ehersisyong militar ng US at Pilipinas sa ilalim ng Balikatan. Mula sa FB page na Exercises Balikatan

Malinaw ang tindig ng mga makabayan at progresibong organisasyon sa bansa, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan: dapat lang ibasura ang VFA. Nagkampanya ang naturang mga grupo laban sa pag-apruba sa VFA noong 1998 at 1999 at tuluy-tuloy ang kanilang panawagan at pagkilos laban dito hanggang ngayon.

Makikinabang ang sambayanang Pilipino sa pagbasura ng VFA: matatanggal ang kasunduang nagbibigay-daan sa pagdayo ng mga sundalong Amerikano sa bansa para sa mga pagsasanay-militar. Mapapailalim sa mga batas ng Pilipinas ang mga sundalong Amerikano. Hindi na sila pwedeng magtagal sa bansa nang walang taning. Maitataguyod ang probisyon ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing hindi pwedeng magpasok ng mga tropang dayuhan sa bansa nang walang kasunduan sa pagitan ng Senado ng Pilipinas at ng kabilang bansa.

Mawawala ang kasunduang nagsasakongkreto ng Mutual Defense Treaty ng 1956 na tungkol sa pangkalahatang pagtutulungan. Mawawalan din ng saysay ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng 2014 na nagpapatibay sa pagsasanay-militar patungo sa halos pagtatayo ng mga base-militar saan mang panig ng bansa.

Mapapawi ang mga kamatayan at gahasa, maraming abuso at pinsala na naging kaakibat ng VFA sa maraming taon. Maisusulong ang soberanya ng bansa na kinakatawan ng gobyerno sa saklaw ng teritoryo ng Pilipinas. Maititindig ang pagpapalayas ng Senado sa mga base-militar noong 1991, na binaligtad ng VFA at EDCA. Hakbang ito para makawala ang bansa sa isang alyansang militar na naghahatid ng iba’t ibang panganib, kasama na ang lihim na pagpasok ng mga armas-nukleyar.

Matatanggal ang isang mekanismo ng pakikialam ng US sa mga internal na usapin at alitan sa bansa. Mawawala ang isang patunay at mekanismo ng pagyukod ng Pilipinas sa Amerika. Kumpara sa mga naunang pangulo ng bansa, makasaysayan na itong pagtindig laban sa US sa loob ng mahigit 100 taong kolonyalismo at neo-kolonyalismo. Maibabasura ang isa sa maraming di-pantay na kasunduan ng Pilipinas at US. Hakbang din ito para makaalis ang bansa sa pagiging instrumento ng paghahari ng US sa Asya-Pasipiko.

Habang sinasamantala ng US ang sentimyentong anti-China ng mga Pilipino, lalo na sa pagkamkam ng China ng mga teritoryo ng Pilipinas, hindi ito naggagarantiya ng tulong sa paggigiit ng soberanya ng bansa. Habang ginagamit ang Pilipinas laban sa China, hindi isinusulong ng US ang interes ng Pilipinas laban sa China. Gagamitin nitong tuntungan ang bansa sa pag-atake sa China, pero walang suporta sa Pilipinas kung atakehin man ng China.

Syempre pa, nag-udyok ang mga pahayag at hakbangin ni Duterte ng pagtutol ng mga pwersa at personalidad sa bansa na maka-VFA at maka-US. Sa isang banda, may mga opisyal-militar at mga alyado ni Duterte na nagsasalita laban sa pagbasura sa VFA. Sa kabilang banda, may mga pwersang kritikal sa rehimen, at dikit sa oposisyon, na nagsasalita rin nang gayon.

Ang pangunahin nilang dahilan: alyado ng Pilipinas ang US laban sa pagkamkam ng China sa mga teritoryo ng bansa, at kailangan ang VFA para sa alyansang ito. Malakas ang hatak ng mga dahilang ito dahil talaga namang garapal ang pag-angkin ng China sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea at lantaran ang pagpapakatuta ni Duterte sa China. Tila ba, para sa mga maka-VFA, sa pagbasura sa kasunduan, hayagan nang ibinebenta ni Duterte ang mga isla ng Pilipinas sa China.

Maaari naman talagang iyun ang motibo at plano ni Duterte; hindi na maikakaila na sa ilalim niya, ibayong lumakas ang papel at kontrol ng China sa bansa, kahit pa US pa rin ang pangunahing may kontrol. Pero itinatago ng salitang “alyado” ang di-pantay na relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas. At ang makabayan at progresibong tugon ay hindi ang panatilihin ang VFA, kundi ang ibasura ito at ang kasabay at patuloy na labanan ang pagkamkam ng China sa mga teritoryo ng bansa.

Ang kailangan ay hindi ang pagkampi sa isa sa mga nagtutunggaliang superpower, kundi ang manindigan para sariling interes, soberanya at kalaayan ng Pilipinas laban sa kanilang pareho. Ang pagsuko ng mga nabanggit sa isa ay hindi magpapaatras sa kalaban nito; mag-iimbita lang itong lalo ng agresyon sa naturang kalaban sa iba’t ibang antas. Mas mahalaga, pagsuko pa rin iyun ng interes, soberanya at kalayaan, at nagmemenos sa paggigiit nito sa itinuturing na kalaban.

Sinumang nagkakaila o nagmamaliit sa kapangyarihan ng US sa Pilipinas ay pinapasinungalingan ng mga nagsasalita ngayon laban sa hakbangin ni Duterte: mga miyembro ng gabinete, opisyal-militar, midya ng malalaking kapitalista. Hindi lang ito dahil sa paglaban sa China, o anumang prinsipyo at batayan, kundi dahil sa matagal at materyal na interes ng US, at mga alyado nitong naghaharing uri, sa bansa.

Hindi rin dapat tingnan ang tugon ni Trump na pagyukod kay Duterte. Ayon sa mga komentarista, isa sa pangako ni Trump sa kanyang base ng suporta sa US ang pagbawas sa papel ng militar ng US sa mundo, at maaaring dito nagmumula ang tugon niya. Maaari ring umiiwas si Trump sa harapang banggaan, tulad ng nangyari kay dating Pres. Barack Obama ng US nang murahin ito ni Duterte matapos punahin ang mga pagpatay sa “gera sa droga.” Maraming paraan ang US para pasunurin si Duterte labas sa lantarang pakikipagsagutan.

Anu’t anuman, tila ang VFA ay isa sa mga isyu kung saan “magkakasundong hindi magkasundo” ang iba’t ibang kampong anti-Duterte. Magkaiba man ng tindig sa isyu, pinagbubuklod naman sila ng kagustuhang labanan at ipatigil ang maraming malalaking krimen ng rehimen. Sa isang pagtingin, iniluwal ang isyung ito sa VFA ng sabayang pagkilos nila laban sa mga paglabag ng rehimen sa karapatang pantao.

Katunayan, hindi lantay na pagsuporta kay Duterte sa isyu ng VFA ang ginagawa ng mga makabayan at progresibo. Una sa lahat, malinaw sa kanila na interes ni Bato o ng sarili — hindi ng sambayanang Pilipino — ang isinusulong ni Duterte sa pag-astang ibabasura ang tratado. Hinala ni Luis V. Teodoro, tulad ng ibang burukrata-kapitalista, may mga ari-arian si Bato na nakatago sa US, kaya totoo rin ang galit ni Duterte sa nangyari.

Pero dahil makitid ang ganitong motibo, duda ang mga makabayan at progresibo kung tutuluyan ni Duterte ang VFA, kaya naman itinutulak nila ang rehimen na totoong ibasura ang kasunduan. Ginagatungan ang ganitong pananaw ng pinakahuling balita: ang renegosasyon para sa bagong VFA, na hahalaw umano sa “mas mainam” na mga modelo sa Japan at Australia.

Inilalantad din ng mga makabayan at progresibo ang mga kasunduan at patakaran na nagpapailalim ng bansa sa US at pinapanatili ni Duterte, kasama na ang EDCA at MDT, bukod pa sa ekonomiya. Mula diyan, pinapalutang nila ang pagsusuring posibleng ginagamit lang ni Duterte ang VFA para makahingi ng mas malaking suporta sa US o sa China. At dahil diyan, hinahamon-itinutulak siyang ibasura rin ang nasabing mga kasunduan at patakaran.

Kaalinsabay, nananawagan sila kay Duterte na tunay na manindigan para sa soberanya at kalayaan, huwag lang gamiting islogan ang “independyenteng patakarang panlabas,” at isabay ang paglaban sa pagkamkam ng China sa teritoryo ng Pilipinas — at sa buong paghahari ng China sa bansa. Malinaw na tutol ang mga makabayan at progresibo sa anumang pagsisikap ni Duterte na palitan ang VFA sa US ng katulad na kasunduan sa China — o Russia, na alyado ng China.

Bukod pa rito ang paglaban sa maraming masasahol na krimen ni Duterte, kaisa ng mga anti-Duterte na maka-VFA. Mahalaga ang ganitong mas malaking pagtanaw sa isyu ng VFA at sa rehimeng Duterte para anuman ang kahantungan ng kabanatang ito tungkol sa VFA, maisusulong ang interes ng sambayanan, mailalantad si Duterte at lalo siyang maihihiwalay sa malawak na sambayanan.

Lalong makikita ang halaga ng mga nabanggit na dagdag sa panawagang ibasura ang VFA kung titingnan ang galaw ng midyang maka-China at maka-Russia sa mundo, kabilang ang isang seksyon nitong nagpapanggap na anti-imperyalista sa makitid na pakahulugang anti-US, na nagkakanlong kay Duterte. Kakatwang kinatawan nito si Andre Vltchek, Amerikanong ipinanganak sa Rusya at nagpapakilalang “pilosopo, nobelista, filmmaker at imbestigatibong mamamahayag.”

Sa kanyang sanaysay tungkol kay Duterte at sa VFA na nalathala sa isa, dalawa, tatlo at iba pang websites, kasama ang ilang kilala ng mga maka-kaliwa sa daigdig, pinapalabas ni Vltchek na si Duterte ay anti-imperyalista, sosyalista, naglilingkod at popular sa sambayanang Pilipino. Naghabi-habi siya ng mga kalahating katotohanan para palabasing kalaban si Duterte ng “Imperyong Kanluranin” at kinakalaban ito ng huli.

Sa ganito, ginugulo at kinakabig ni Vltchek pabor kay Duterte ang maaasahang natural na susuporta sa sambayanang Pilipino na binibiktima ni Duterte — ang Kaliwa sa daigdig, lalo na ang mga anti-imperyalista rito. Binibigyan niya ng hanay ng kakampi si Duterte laban sa mga kritisismo ng iba’t ibang bansa — at laban sa pagkasakdal sa International Criminal Court — na iniluwal pangunahin ng mga paglaban at protesta sa loob at labas ng Pilipinas. Gustong gawing ulilang lubos ang sambayanang Pilipino: inaapi na ng mga imperyalista, wala pang tulong mula sa mga anti-imperyalista sa mundo.

Sa mahabang panahon, sinustine ng mga Marcos ang suporta ng kanilang mga loyalista sa bansa sa pamamagitan ng nakatarget na mga kasinungalingan, patse-patseng impormasyon at ilusyon o reyalidad ng kaunting materyal na pakinabang. Sintomas ang sulatin ni Vltchek, gaya ng maraming lunsaran ng “fake news” sa social media, ng ganitong galawan sa pagbubuo ng isang buong uniberso, isang sariling mundo, ng mga kwentong nagtatanggol at nagkakampeon kay Duterte hindi lang para sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Hamon ang ganitong panlilinlang para palakasin ang makabayan at progresibong tuligsa at paglalantad kay Duterte, sa loob at labas ng bansa, sa isyu ng karapatang pantao at higit pa, itinulak man niya ang pagtapos sa VFA. Ang totoo, tuta siya ng US at China, lumalaro sa pareho para magpalaki ng pakinabang, at kinatawan siya ng mga oligarko, lalo na ng mga pinakamasahol na mandarambong sa mga ito. Pahirap at berdugo siya sa mga mamamayan, at ang umano’y “popularidad” niya ay peke, nakamit sa marahas at maruming pamamaraan.

Rehimeng Duterte, nakikipagmabutihan sa China, habang pinananatili ang di-pantay na relasyon ng Pilipinas sa US. <b>PH Coast Guard</b>

Rehimeng Duterte, nakikipagmabutihan sa China, habang pinananatili ang di-pantay na relasyon ng Pilipinas sa US. PH Coast Guard

Sa pagkilos ni Duterte para tapusin ang VFA, nauungkat sa mga balita at komentaryo ang umano’y rekord niya ng pagiging kritikal sa US — kasama na ang mga pahayag niya laban sa US noong mayor pa lang siya ng Davao. Talaga bang anti-US si Duterte, noon pa man?

Kahalintulad: sa pagpabor niya sa pamilya Marcos ngayon, nauungkat ang rekord niya at ng pamilya niya ng pagkampi at paglaban kapwa sa mga Marcos at sa itinuturing na mga kalaban ng huli, ang mga Aquino. Masinsin ang saliksik ni Miguel Paolo P. Reyes, at dito, makikitang walang solidong katapatan si Duterte sa mga Marcos o sa mga Aquino sa kasaysayan.

Hindi prinsipyadong tao, bagkus isang tusong pulitiko si Duterte; konsistent lang siya sa usapin ng “batas at kaayusan.” Malinaw na ito sa lahat ngayong lampas kalahati ng termino niya. Kaugnay na usapin: hindi rin siya mulat na “populista” — at may mga hakbangin siyang populista, bagamat hindi pangunahin — kundi pulitikong noo’y nagsikap agawin at ngayo’y nagsisikap patatagin ang paghahari.

Bagamat may papatak-patak siyang pahayag na anti-US noong mayor siya, bumuhos na ang mga ito nang naging pangulo siya. Bagamat lumaro siya sa mga Aquino at Marcos bago siya naging pangulo, mas naging malinaw ang pagiging maka-Marcos niya nang maging pangulo siya.

Hindi samakatwid ang mahabang rekord niya noong mayor, o ang mga tindig niya sa iba’t ibang usapin noon, ang dapat tingnan para maunawaan ang mga tindig niya ngayon sa usapin ng US-China at Aquino-Marcos. Tulad ng maraming tradisyunal na pulitiko, lagi siyang kumakampi sa kung sino ang nasa pwesto, o kung sino ang popular. Pero bukas rin siya sa iba’t ibang pampulitikang pwersa, at nang hinangad niyang maging pangulo, nakakabig siya mula sa mga ito ng kakampi.

Ang dapat tingnan, ang paghahangad niyang maging pangulo noong eleksyong 2016, panahon ng pamamayagpag ng mga Aquino, at arogansiya at pagkakahati ng mga naghaharing uri na dikit sa mga Aquino. Salik ang pagkakaisa ng mga Macapagal-Arroyo at Marcos — at sa gayon ay ang malinaw na pagkakaibigan ni Gloria at ni Duterte sa mahabang pagkapangulo ng una. Salik din ang pag-usbong ng China bilang pandaigdigang kapangyarihan, at ang pagiging malapit dito ni Gloria noon pa man.

Sa ganitong pagtingin, hindi hakbanging prinsipyado o anti-imperyalista ang pagtapos ni Duterte sa VFA. Pagsunod ito sa kanyang among China, o tusong maniobra para sa sariling interes. Maaari ring katulad ng pagmura niya kay Obama, patunay ito na sensitibo siya sa isyu ng karapatang pantao.

Pero mas malamang, patunay ito ng tumitinding desperasyon niya sa harap ng pagkakalantad ng malawakan niyang paglabag sa karapatang pantao, ng paglakas ng mga pagsisikap na papanagutin siya, at ng nalalapit nang pagtatapos ng kanyang termino. Lalo pa itong ipinamalay ng pag-trend ng #OustDuterte noong katapusan ng Enero, sa gitna ng kriminal niyang pagpapabaya sa harap ng Coronavirus.

Hindi maitatago ang mga krimen at may katapusan ang paghahari. Darating ang araw ng hustisya, at mag-aambag diyan ang pagharap sa isyu ng VFA ng mga makabayan at progresibo sa bansa.

01 Marso 2020