Ni EVANGELINE HERNANDEZ
Bulatlat.com
Noong ang anak ko ay nag-umpisang maging aktibista, hindi namin siya agad matanggap. Hindi namin pinahalagahan ang pagsisikap niyang ipaliwanag ang kanyang adbokasiya bilang human rights defender at ang pagbubukas ng kanyang mga plano sa buhay. Ang tangi naming naintindihan noon ay kailangan niyang magtrabaho pagkatapos niya sa pag-aaral para makatulong sa amin at sa kanyang tatlong nakababatang mga kapatid. Si Beng ay panganay na anak kaya binuhos namin ang lahat sa kanya para makatapos ng pag-aaral. Ang mas iniisip pa namin noon ay kung paano namin iginapang sa hirap ang kanyang pag-aaral sa maayos na eskwelahan. Nag-prep at kinder sa Ateneo de Davao , nag-high school sa University of Immaculate Conception, at nang mag kolehiyo ay bumalik sa Ateneo de Davao University. Iniisip namin noon kung paano makabawi sa gastos, isang typical na expectation ng magulang at mga kaanak ni Beng.
Lumipas ang panahon, hindi nagpapigil si Beng sa kanyang desisyon. Naging masigasig siya sa mga fact-finding missions, sa pagdalaw sa mga political prisoners sa iba’t ibang kulungan sa Mindanao, kasama na ang pagpapalaya ng bihag sa digma (POW) sa mga lugar na may labanan sa pagitan ng New People’s Army at Armed Forces of the Philippines, pagdokumento ng kalagayan ng mga magsasaka,at maraming iba pa.
Noong April 5, 2002 habang nakipagpanayam hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka sa Arakan Valley, North Cotabato, pinatay siya at ang mga kasama niya ng mga CAFGU sa ilalim ni Sgt.Antonio Torilla ng Special Airborne Battalion ng Philippine Army. Nakataas pa ang mga kamay at ng kasama niyang si Vivian Anrade nang pinagbabaril sila nang malapitan. Sabog ang kanilang mga bungo.
Kaming mga magulang at kaanak ay nabigla sa pangyayari, at kahit anong gawin namin ay ‘di na maibalik ang kanilang buhay. Pinatay na nga sila, idinawit pa sa NPA at pinagpyestahan ng mga militar ang pagkapatay sa kanila.
Marami akong narinig na nagsabi noon na sayang ang anak ko na sa murang edad ay namatay ng dahil lang sa “walang kwenta niyang adbokasiya” at pagiging tagapagtanggol sa karapatan ng mamamayan. Sana raw, kung ‘di sya pumasok sa Karapatan ay buhay pa sya.
Lumipas ang panahon, hindi ako tumigil sa paghahahanap ng hustisya at sa mga kasagutan kung bakit pinili ng aking panganay ang ganoong buhay.
Sa mahirap na prosesong ito nakilala ko ang kanyang mga kasamahan, pati na ang mga kapwa ko magulang na naghahanap ng hustisya para sa kanilang mga anak. Saka ako namulat sa katotohanan at doon ko lang naintindihan ang piniling buhay ni Beng.
Sa ngayon, 17 years matapos pinaslang si Beng ng mga berdugong CAFGU at militar, mahigit isang dekada na rin akong kumikilos para sa hustisya para sa lahat ng mga biktima ng pamamaslang ng estado at sa lahat ng porma ng paglabag sa karapatan ng mamamayan. Ngayon, masasabi ko sa sarili ko at ibang tao na hindi nasayang ang pag-alay ni Beng ng kanyang buhay sa pagsusulong ng karapatang pantao. Ang mga nagaganap sa ating lipunan, ang patuloy na pagsasamantala sa mga mahihirap — na siyang nagpatibay ng paninindigan ni Beng ang siya ring dahilan ng aking pagkilos ngayon.
Para sa mga magulang na may mga anak na aktibista, hindi ninyo dapat pigilan ang kanilang pampulitikang pananaw at paniniwala. Sila ay may sariling pag-iisip at pagpapasya. Dapat basagin na ang kultura ng mga magulang na kailangan pagbayarin ang anak sa pagpapalaki at pagpapaaral sa kanila sa pamamagitan ng pagdikta sa mga anak tatahaking landas. Dapat igalang ang pasya ng anak para sa sarili at dapat ipagmalaki anuman ang kanilang desisyon, lalo na ang pagsilbihan ang mamamayan. Ang mas ikalulungkot natin ay kung ang anak natin ay na-tokhang, napagkamalan, o naging pariwara sa ating lipunan.
Napatay man ang anak kong aktibista, ito’y aking ikinararangal at walang hanggan ang pagpupugay ko sa kanya at sa mga katulad niyang martir ng sambayanan.
The author is the chairperson of Hustisya, an organization of families of victims of human rights violations.
The post First Person | Mula sa ina ng isang aktibista appeared first on Bulatlat.