Galit at pag-ibig sa paggunita ng Batas Militar

0
203

May dahilan para magalit, may dahilan para umibig.

Tama lang na huwag nang gunitain ang kaarawan ng isang Ferdinand Marcos tuwing Setyembre 11. Markahan na lang sa kalendaryo ang Setyembre 21 at alalahanin ang pinagdaanan ng bansa sa kamay ng mga Marcos at ng mga taga-suporta nila.

Apatnapu’t pitong taon na ang nakalipas mula nang ipataw ni Marcos ang Batas Militar sa bansa. Malinaw ang datos tungkol sa mga dinukot, kinulong at pinatay, bukod pa sa mga kaso ng tortyur at panggagahasa. Patuloy ang pagtangis ng mga pamilyang inulila dahil ang kanilang kamag-anak ay sinalaula. Pagkatapos ang mahigit apat na dekada, mayroon pa ring nawawala.

Kung mayroon mang hindi nawawala, ito ay ang hindi masukat na pang-ekonomiyang yaman at pampulitikang kapangyarihan ng mga Marcos. Korte na mismo ang nagpatunay na nagkasala ang isang Imelda Marcos sa kasong graft. Dapat ay nakakulong na siya, pero wala pa siya sa loob ng selda. Nagsimula ang kaso laban sa kanya noon pang 1991 at nito lang 2018 ibinaba ang desisyon ng korte. Ang paghihintay ng halos tatlong dekada ay nauwi na ba sa wala? Nasaan na nga ba ang hustisya?

Hindi pa ba sapat ang kontekstong ito para magalit? Mainam sigurong balikan ang ilang estadistika. Ayon sa Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB), ang pinal na listahan ng mga biktima ng Batas Militar na makakakuha ng kompensasyon ay may 11,103 pangalan, at ito ay 14.66 porsyento lang ng kabuuang 75,749 na aplikante. Ang perang makukuha ay mula sa P10 bilyong tagong yaman ng mga Marcos na narekober ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Kung tutuusin, masyadong maliit ang nasa pinal na listahan ng HRVCB kung ikukumpara sa datos ng ilang lokal at pandaigdigang organisasyon. Halimbawa, umaabot daw sa 70,000 ang kinulong, 34,000 ang tinortyur at 3,240 ang pinatay noong panahon ng Batas Militar, ayon sa Amnesty International.

Tunay na may batayan ang kolektibong galit na dapat na nararamdaman ng mga mamamayan. Pero pinipilit ng mga nasa kapangyarihan na huwag gunitain ang nakaraan sa makatotohanang paraan. Una, mahalagang alyado ng mga Duterte ang mga Marcos. Ikalawa, pinipilit sikilin ang kultura ng aktibismo ng kabataan. Ikatlo, binabago ang interpretasyon ng kasaysayan sa kabila ng hindi maipagkakailang datos, partikular ang pagpapalayas sa mga Marcos sa Malakanyang sa pamamagitan ng pag-aalsa ng mga mamamayan noong 1986.

Kung tutuusin pa nga, puwede mong sabihing pansamantala lang ang puwersadong pagpapalayas sa mga Marcos. Depende sa magiging desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET), nariyan ang posibilidad na mapapalitan ang kasalukuyang Bise Presidente na si Leni Robredo ng isang nagngangalang Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Alam nating lahat na siya ang anak ng diktador na napatalsik sa puwesto.

Kung puwede pang magdagdag, hindi naman nawala sa puwesto ang mga Marcos dahil unti-unti silang nakabalik sa lokal na pamamahala, doon sa tinatawag nilang “Solid North.” Ang mga kasalukuyang gobernador at bise-gobernador ng Ilocos Norte, pamilyar ang mga apelyido – Matthew Joseph Marcos Manotoc at Cecilia Araneta-Marcos. (Kung sakaling hindi pa ninyo alam, si Matthew ay anak ni Imee samantalang si Cecilia ay asawa ng namayapa nang si Mariano “Nonong” Marcos II na pamangkin ng namayapa na ring si Ferdinand).

At mula sa lokal, hindi na nakakagulat ang kanilang pagbalik sa pambansang pamamahala. Ang dating gobernador ng Ilocos Norte na si Imee Marcos, senador na ngayon. Nakakuha kasi siya ng 15,882,628 na boto. Sa ganitong sitwasyon, dapat bang sisihin ang mga tinaguriang “bobotante” sa muling pagbabalik ng mga Marcos? Hindi po. Tandaan nating ang pagpili ng kandidato ay hindi pribilehiyo para sa marami. Kadalasan, puwersado silang bumoto para sa ilang nasa kapangyarihan. Kung hindi kayang bilhin ang kanilang boto, dinaraan sa pananakot at iba pang maruming paraan ang “kampanya,” lalo na’t kailangan ng mga pulitikal na dinastiyang tulad ng mga Marcos na manatili sa kapangyarihan.

Pero sa kabila ng kolektibong galit mula sa mga mamamayang nagngingitngit, mainam na tandaang may dahilan pa rin para umibig. Kung mahaba ang listahan para magalit, paumanhin po kung maikli lang ang paliwanag para umibig sa panahon ng karahasan.

Para sa kabataang at marami pang mamamayang patuloy na nakikibaka sa kabila ng pananakot at intimidasyon ng mga nasa kapanyarihan, hindi matatanggal ang ngiti sa labi ng mga may edad nang katulad ko tuwing makikita ang kanilang pagtataas ng kamao. Sadyang may pag-asa pa ang bayan sa kabila ng kapitulasyon ng mga nasa kapangyarihan sa mga Marcos.

Patuloy at patuloy na gugunitain ang malagim na naranasan ng bayan sa kamay ng mga Marcos kahit ilang dekada o siglo pa ang lumipas. Dahil sa pag-ibig para sa patuloy na pakikibaka, hinding hindi mawawala ang galit sa kanila.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com