Gera vs droga, gerang kumikita

0
177

Hindi matunton na pinanggalingan ng yaman, bilyun-bilyong droga galing China, at agarang paglaya ng mga drug lord na Tsino. Sa libu-libong buhay na nasayang dahil sa tinatawag na giyera kontra droga, may iilang mukhang benepisyaryo ng huwad na pagtugis sa droga bukod pa sa mga dayuhang drug lord.

Nitong nakaraang mga linggo, naging laman ng balita ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) o RA 10592, batas na pinirmahan ng noong presidente Benigno Aquino III. Sa ilalim ng GCTA, maaaring babaan ang sentensiya ng Persons Deprived of Liberty (PDLS) tulad ng mga nasentensiyahan.

Ilan sa mga mumuntik na makalaya dahil sa GCTA ang ilang nasentensiyahan na Tsinong drug trafficker. Ayon sa mga datos, nakuha ng mga drug lord ang pagkakataon makalaya o madeport dahil sa kagandahang asal na pinakita habang nakakulong. Nangyari ang lahat ng ito sa kasagsagan ng eleksyon.

Sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code, bawal magpalaya ng mga bilanggo tuwing panahon ng eleksiyon. Ayon kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon, hindi nila alam na mayroon palang ganitong pamantayan sa pagpapalaya ng GCTA.

Inaasahan na sana ang pag-deport sa ilan na nanatili sa Bureau of Immigration habang ang isa nama’y naroon sa Davao regional office.

Hindi malayong may bahid ito ng napapabalitang bayaran para sa pagpapalaya. Nataon pa ito sa eleksiyon, isang napakahalagang panahon para sa pamilya ng Pangulong Duterte. Sa nakaraang eleksiyon, hindi isa kundi tatlo sa mga nakatatandang anak ni Duterte ang muling tumakbo o sumubok sa pulitika.

Kapansin-pansin para sa mga pagsisiyasat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na hindi naging dagok ang malaking gastusing pang-eleksiyon sa nalikom na yaman nina Sara at Paolo Duterte. Naabot pa ni Sara ang net worth na P44-M nitong 2017.

Isa pa sa mga ipinunto ng PCIJ ang paglundag ng yaman ng pangulo at ni Sara at Paolo mula 2007 patungong 2008. Sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte, lumundag ang kanyang yaman noong 2007 mula P9-M patungong P15-M habang ang net worth naman ni Paolo ay dumoble mula P8-M hanggang sa P16-M. Si Sara naman ang nakalikom ng higit na yaman, mula P7-M hanggang P18-M. Ayon sa pagsisiyasat ng PCIJ, hindi sapat ang kinita ng mga negosyong nakakabit sa pangalan ng tatlo para maging pangunahing dahilan sa dagdag yaman.

Taong 2007 rin nang magtayo si Calder-Le Roux, international na drug lord, ng organisadong pagbebenta ng droga sa Pilipinas. Ayon sa libro ng buhay ni Le Roux, hindi naging mahirap palaguin ang droga sa Pilipinas dahil kasama ang mga opisyales ng gobyerno sa kanyang mga binubusog ng suhol.

Di naman ito unang beses na madawit ang mga Duterte sa droga. Nadawit sa pagpasok ng halagang P6.4-B ng shabu si Paolo at si Mans Carpio, manugang ng pangulo at asawa ni Sara. Ayon kay Customs fixer Mark Taguba, bahagi si Paolo at Mans sa Davao Group, isang tipunan na mayroong malakas na panghatak sa Bureau of Customs. Itinanggi ito ng dalawa at bigla namang bumaliktad si Taguba matapos ang ilang araw.

Walang gulat ang naging huling desisyon na walang kinalaman ang dalawa sa bilyon-bilyong shabu galing China na pumasok sa bansa. Ganoon na lang rin kadali para sa BuCor pakawalan ang ilang nasentensyahang drug lord na Tsino.

Maraming iba’t ibang palaso ang nakatutok sa pagkakasangkot ng pamilya Duterte sa droga. Napakalaking kabalintunaan nito oras na mapatunayang ang pangulong walang habas kung makapagpapatay sa mga pinaghihinalaang mamimili ng droga ay siya mismong nagbebenepisyo sa ilegal na pamilihan.


Featured image: Larawan mula sa Vice Mayor Pulong Duterte – Official