Katawa-tawa sana kung hindi mapanganib ang kasalukuyang mga hakbang ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar at ng koponan niya rito sa Geneva, Switzerland para linlangin ang pandaigdigang komunidad.
Sa pagbuladas niya sa harap ng mga gobyerno, pandaigidgang midya, at mga eksperto sa karapatang pantao sa nangyayaring ika-43 sesyon ng Human Rights Council na naglilikha ng “bukas na gobyerno, mapagkalingang kapaligiran para sa midya, ligtas na espasyo sa mga mamamahayag, at bukas sa mga kritisismo” ang administrasyon ni Pangulong Duterte, muling nagtanghal si Sec. Andanar ng isang palabas na hitik sa gimik, pagbabaluktot at panlilinlang.
Anong ligtas na espasyo ang pinagsasabi ni Sec. Andanar? Habang pinamumunuan niya ang koponan niya sa Europa, iba’t iba at magkakaibang mga organisasyon ng midya sa buong Pilipinas ang nagsasagawa ng mga aksiyong protesta laban sa mga hayagang banta ni Pangulong Duterte na ipasara ang dominanteng multimedia outfit na ABS-CBN. Nagsagawa ng pagsisindi ng mga kandila ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at mga estasyon ng ABS-CBN Regional Network Group, habang nagsagawa rin ng katulad na mga aktibidad ang mga tsapter ng NUJP at lokal na press clubs. Sa puso ng Kamaynilaan sa Quezon City, nanguna ang NUJP ng ikapitong magkakasunod na aksiyong protesta tuwing Biyernes para kondenahin ang pinakahulling banta sa kalayaan sa pamamahayag.
Matapos ang rali sa Cagayan de Oro sa Mindanao kamakailan lang, habang umiikot-ikot si Sec. Andanar para magpamalas ng magandang litrato ng rehimen, muling ni-red-bait sina NUJP-CDO chair Pamela Jay Orias; matagalang mga miyembro ng NUJP at dating opisyal na sina Froilan Gallardo at Cong Corrales; at Joey Nacalaban; na lahat ay miyembro ng Cagayan de Oro Press Club. Sinama pa sa red-baiting sina NUJP chair Nonoy Espina at ang kapatid niya at dating tagapangulo ng NUJP na si Inday Espina-Varona, ang buong Radyo ni Juan network at reporter nitong si Loi Algarme, at ang Radyo Natin anchor na si Dan Morgado.
Naglunsad ang administrasyong Duterte ng maramihang-panig na atake sa independiyenteng midya sa Pilipinas bago pa man umupo sa poder si Pangulong Duterte. Noong Mayo 31, 2016, sa isang press conference sa kanyang bayan na Davao City, tinakda niya ang tono ng pakikitungo niya sa midya nang sinabi niyang: “Hindi dahil mamamahayag ka, hindi ka na puwedeng matarget ng asasinasyon.”
Mahigit tatlong taon sa kanyang madugong pamumuno, 15 mamamahayag na ang nasawi sa gitna ng pagtatrabaho nila, habang daan-daan ang pinagbantaan, hinaras at dinukot.
Alam ng buong mundo ang tungkol kay Maria Ressa, sa Rappler, kay Inday Varona at ang Matrix (ng militar), ang Inquirer, ang cyberattacks sa alternatibong midya at ngayon sa ABS-CBN, at ang red-tagging na isinasagawa ng buong makinarya ng gobyerno at aparato nito sa mga hindi sumusunod sa opisyal na linya o kahit niya iyung kinaaasaran lang ng naghahari-harian.
Iginigiit ni Mr. Andanar sa kanyang talumpati na nalilinlang daw ang UNHRC at ang pandaigdigang komunidad ng mga grupong “kasangkot” ng mga “komunistang terorista” na nagpapanggap na tagapagtanggol ng karapatang pantao hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas. Kunyari’y wala siyang alam sa di-mabilang na mga reklamo at ulat na isinumte sa mga tanggapan ng UN special rapporteurs at treaty bodies – mga reklamo at ulat na di man lang direktang tugunan ng gobyerno ng Pilipinas. Nagkakasya na lang ito na umiiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng walang-batayang mga atake sa mga nagsumite ng mga reklamo at sa mismong independiyenteng mga eksperto ng UN mismo. Karaniwan na sa mga bulag at matapat na sipsip at mga redtagger, at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang paggamit ng butihing Sekretaryo sa pangdaigdigang entablado sa UNHRC para bihisan at balita kundi man magpakalat ng pekeng balita. Nagiging batayan pa ito lalo para sa mga atake sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na dumudulog sa mga international rights mechanisms ng UN.
Binabalaan namin ngayon si Mr. Andanar na hindi na niya maipagpapatuloy nang katulad ng dati ang solong gimik niya na ito na kasama ang pulutong ng mga tagapagtanggol ni Duterte. Maraming organisason na sa ilalim ng Ecumenical Voice for Human Rights and Peace in the Philippines (EcuVoice) ang nagsumite sa Office of the High Commissioner on Human Rights ng di-bababa sa 16 ulat hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng gobyerno ng Pilipinas. Kasama rito ang mga ulat ng NUJP, Karapatan, National Council of Churches of the Philippines, National Union of Peoples’ Lawyers at Rise Up for Life and for Rights. Dudumugin namin ang mga piging niya hindi dahil nanggugulo lang kami kundi dahil kailangan naming ihayag ang katotohanan habang hindi tumitigil sa pagsisinungaling ang sarili naming gobyerno.
Tatapatan namin si Andanar at ang kanyang linyang mapanlinlang ng gobyerno sa ika-43 sesyon ng UNHRC. Sasabihin namin kung ano ang tunay na nangyayari – walang bahid at pandadagdag – at ipagtitibay lalo ang paniniwala ng mundo na ang administrasyong Duterte ay ang pinakamasahol na kaaway ng kalayaan sa pamamahayag at karapatang pantao mula noong madilim na panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos.
At magpapatuloy kami sa paglaban sa lahat ng lehitimo lugar at plataporma para maseguro na hindi makakaligtaan ng buong mundo ang tunay na balita mula sa Pilipinas dahil walang ibang mag-uulat nito.