Giyera na bulag

0
139

“Dito sa gera na bulag, ano ba ang pangalan ko?/…wag mag-alala/pantaypantay lang pala/ dahil tulad mo berdugo mo hindi natin kilala.”

KOLATERAL. Ito ang pamagat ng pinakabagong rap/hiphop album, likha ng iba’t-ibang artista, na naglalantad ng kontra-mamamayan na katangian ng madugong giyera kontra-droga na ipinapatupad ng administrasyong Duterte. Halaw ang pamagat sa palasak na terminong “collateral damage” o mga ’di maiiwasang kaswalti/pagkasirang naidudulot sa mga sibilyan sa kondukta ng mga operasyon ng kapulisan o militar.

Inilabas ang naturang album nitong Hunyo 29, 2019, isang araw bago ang midterm ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Resulta ang album ng 2 taong mga pagsisikap nina BLKD at Calix katuwang ang kanilang mga kasama sa SANDATA, isang grupo na may adbokasiyang ituwid at labanan ang mga disimpormasyon at propagandang kaakibat ng giyera kontra droga ni Duterte. Masusi ang kanilang naging pananaliksik at pangangalap ng impormasyon sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga balita, pakikisalamuha sa mga kaanak ng mga mismong biktima at integrasyon sa mga maralitang komunidad na kalimita’y pangunahing sinasalanta ng mga operasyong kontra droga.

12 tracks ang taglay ng album. Bawat isa ay kolaborasyon ng iba’t-ibang rapper, mga mang-aawit at mga sound producer na mataimtim na nakaayon sa tema ng buong album.

Pambungad ang “Makinarya” na pinagtambalan ni BLKD at Calix. Itinatatakda nito ang tono ng buong album na nagsasalarawan sa extra judicial killings at giyera kontra droga bilang polisiya ng estado at kung paano nagsasabwatan ang 3 saray ng gobyerno para ipatupad ito.

Pinalalim naman ang usapin ng mapang-abuso sa karapatang tao na mga operasyon ng kapulisan, ang modus ng mga berdugo sa pamamaslang at ang pasismo ng estado sa “Boy”, “Giyera na Bulag”, “Pagsusuma”, “Neo-Manila”, at “Parasitikong Abusado” na umaayon sa punto-de-bista ng mga maralitang lungsod na kumahakaharap sa mga ito.

Tinatalakay din ng album ang kahirapan, bilang isa sa mga pundamental na ugat ng suliranin sa droga, at iba pang kakabit nitong panlipunang isyu tulad ng forced migration (“Distansya”), kawalan ng hustisya para sa maralita (“Hawak”), at ang kawalan ng disenteng trabaho at tiyak na paninirahan (“Papag”).

Paglaban naman ang tema ng “Walang Maiiwan” at “Stand By” na may paghimok sa maralitang lungsod para baguhin ang mapang-aping sistema na umiiral.

“Sandata” ang finale ng buong album. Dito ipinakita nina Calix, BLKD, Lanzeta, Kiyo, Muro Ami, Promote Violence at Pure Mind Quiet Heart ang makatwirang galit sa administrasyong Duterte.

Sa kabuuan, isang magaling na obra ang KOLATERAL. Naipamalas ng bawat artista ang kanilang matatalas na tugma laban sa giyera kontra droga at mga kaakibat nitong usapin. Nararapat din banggitin ang mahusay na paglalatag ni Calix at Serena DC ng tunog sa buong album—sakto sa bagsakan ng mga berso, transition at pagbabago ng tiyempo at modyulasyon ng mga beat.

Maihahalintulad ang album sa militanteng tradisyon ng rap/hiphop na ipinakita ni 2Pac, Kendrick Lamar, Immortal Technique, at ng Beastie Boys, King Blues, Rage Against The Machine, Public Enemy, NWA at marami pang iba.

Kailangan bigyan ng kredito si BLKD at Calix sa kanilang pagsisikap upang ipalaganap ang progresibong pananaw at ang pakikipag-alyado, kung hindi man pagmumulat, sa mga kapwa nilang nasa eksena ng rap at hiphop at mga tagasunod nito. Sa harap ng nangingibabaw na kultura ng indibidwalismo, gangsterismo, machismo at seksismo sa eksenang rap at hiphop, ang KOLATERAL ay isang pamabasag. Mahahanay ang album sa mga pagsisikap ni Francis M., Gloc-9 at iba pa upang ilapat sa rap/hiphop ang mga sosyo-politikal na mga usapin at ang pagiging makabayan. Isang kahihiyan kung hindi kikilalin ang KOLATERAL bilang isa sa mga pinakamagaling na rap/hiphop album sa kasaysayan ng eksena.

Inilalatag na ng KOLATERAL ang batayan ng paglaban sa giyera kontra droga, pasismo at tiranya ng administrasyong Duterte: “Pasistang rehimen, buwagin!/Pababain ang mga nakaupong ulupong, patumbahin!/Ang sistema na bulok gigibain!/Sistema na bulok gigibain!”

Nasa mga tagapakinig na kung ano na ang susunod na dapat gawin.