Gobyerno, di-handa sa 2019-nCoV

0
281

Hinimok ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH) ang gobyerno na kilalanin ang mga problema sa sistemang pangkalusugan ng Pilipinas na nalantad sa pagputok ng 2019- nCoV na umabot na sa pandaigdigang antas.

Tinukoy ng grupo ang pahayag ni Health Sec. Francisco Duque na itinangging kabilang ang Pilipinas sa isinama ng World Health Organization (WHO) sa mga bansang may mahinang sistemang pangkalusugan na mahihirapan sa pagharap sa 2019-nCoV.

“Ang kalihim ng kalusugan ay dapat na kumakampi sa mga mamamayan, tumitingin mula sa kanilang punto-de-bista at aminin sa kahinaan ng istrukturang pangkalusugan, para kritikal na matukoy ang mga solusyon,” ani Dr. Joshua San Pedro, co-convenor CPRH.

Matagal nang mahina ang sistemang pangkalusugan ng bansa. Ibinigay ni San Pedro halimbawa ang datos ng gobyerno noong 2016, na anim sa 10 kamataya’y di-nabigyan ng wastong atensiyong medikal.

“Ang ratio ng doktor sa pasyente ay 1 kada 33,000, malayo sa rekomendasyon ng WHO na 1:1,000 o kahit sa sariling target ng DOH na 1:4,000,” paliwanag niya pa.

Di raw nakakagulat na ang pagtatatwang ito sa malubhang kalagayan ng kalusugan sa Pilipinas ay nagresulta sa pagkaltas ng badyet na nakaapekto sa kakayahan ng pampublikong sistemang pangkalusugan na malabanan ang mga epidemya. Sa tala ng Ibon Foundation, independiyenteng grupo ng pananaliksik, bagamat tumaas mula sa P177.7-Bilyon noong 2019 tungo sa P185.5-B ngayong 2020 ang badyet sa kalusugan, ang kabuuang bahagi nito sa pambansang badyet ay bumaba mula 4.85 tungong 4.52 porsiyento.

Ibinunyag ng Ibon na ang nakatalaga para sa Epidemiology and Surveillance Program ay binawasan nang mahigit sa kalahati: P147.4- Milyon noong P115.5-M ngayong 2020.

“Kailangang huwag magbulag-bulagan ang presidente, si Duque at ang DoH (Department of Health) sa paghihirap ng taumbayan. Kailangang pumanig sila sa karapatan sa kalusugan sa taumbayan, na may kagustuhan silang maglaan ng sapat na pondo sa kalusugan. Makakasuporta ito sa pagdadagdag ng mga istruktura, personel na may sapat na kagamitang pangproteksiyon at magbibigay ng libre at nakahandang serbisyong pangkalusugan at gamot,” ani San Pedro.

Nanawagan ang CPRH sa taumbayan na maging kritikal sa mga ulat hinggil sa 2019- nCoV para di makapagpakalat ng maling impormasyon na maaaring makalito. Dapat din, anila, na magmula sa DoH ang impormasyon hinggil sa posibleng pagmulan ng sakit at magbigay ng serbisyong pangkalusugan para maiwasan ang kaguluhan at maling impormasyon sa publiko.