Gutom at sakit

0
194
Macario Sakay and other Filipino revolutionaries during the Philippine- American War. (Downloaded from https://www.filipiknow.net/wp-content/uploads/2014/12/Macario-Sakay-and-officers.jpg)

francis gealogo icon Pinagbawalan ang mga tao ng pamayanan na lumabas sa kani-kanilang mga tahanan. Babarilin kaagad nang walang anumang katanungan ang sinumang makikitang gumagala-gala sa labas ng pinapayagang sona. Hindi makalapit ang mga mamamayan sa kanilang mga bukirin at kabuhayan kaya unti-unti na itong napabayaan. Bumaba ang suplay ng pagkain at walang natirang kabuhayan ang mga tao. Lumala ang kagutuman ng mga mamamayan at ang mga hindi nakapuslit sa paghihigpit na ginawa ng mga mananakop ang siyang kumaharap sa malawakang kakulangan ng pagkain. Kumalat ang sakit sanhi ng muling pagsambulat ng epidemya. Bunga ng rinderpest, nagkaroon din ng malawakang kamatayan ng mga baka at kalabaw na ginagamit ng mga magsasaka sa mga bukid. Matapos ang ilang taon, idineklara na ng bagong mananakop na mapayapa na ang mga mamamayan at matatag na ang pamahalaan.

Mga pangyayari itong naganap sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan matapos ang pagsuko ni Aguinaldo at kapanabay ng panahon ng pagtatatag ng kolonyal na kapangyarihan ng mga Amerikano sa Pilipinas sa mga taong 1902-1907. Makikita ang kawalan ng popular na pagtanggap ng maraming mamamayan sa pagdating ng bagong mananakop. Maraming mga pamayanan ang hayagan at patagong sumusuporta sa mga armadong nakikipaglaban sa mga Amerikano. Kahit sumuko na si Aguinaldo, marami pa ring mga kilusan at mga pamayanan ang nagpatuloy ng pakikipaglaban.

Maraming mga ipinanukalang batas at patakaran ang mga Amerikano upang masawata ang pakikipaglabang ito. Isa na rito ang pagsasakatuparan ng patakaran ng reconcentration na naging batas sa bisa ng Reconcentration Law ng Hunyo 1903. Sa batas na ito, pinahintulutan ng gobernador heneral ang mga lokal na gobernador na ilagay sa kampo ng rekonsentrasyon ang mga pamayanan na pinaghihinalaang sumusuporta sa mga nakikipaglaban. Sa bisa ng batas na ito, pagbabawalan ang mga mamamayan ng lumabas sa kanilang mga tahanan o pumunta sa labas ng pamayanan sa itinatakdang perimetro nito. Hindi na makakapunta sa mga bukirin at iba pang lugar ng kabuhayan ang mga ordinaryong mamamayang nasa ilalim sa rekonsentrasyon. Pinapayagan ding hulihin o kaya naman ay barilin kaagad nang walang anumang tanong ang sinumang makikitang gumagala sa labas ng pamayanan. Isinakatuparan ang ganitong patakaran dahil naobserbahan ng mga kolonyal na pinuno na nagpapatuloy ang pakikipaglaban ng mga itinuturing na “insurekto” dahil na rin sa popular na suporta mula sa lokal na pamayanan. Hindi lang mga armas, kundi pati na rin ang mga gamot, pagkain, damit at iba pang rekurso ang nagmumula sa mga pamayanan na siya namang patuloy na bumubuhay sa mga nakikipaglaban. Mula rin sa mga lokal na pamayanan ang marami sa mga armadong nakikipaglaban sa mga Amerikano gaya nina Macario Sakay at Miguel Malvar sa Katagalugan, Simeon Ola sa Bicol, Vicente Lukban sa Samar, Dionisio Magbuelas sa Negros, at Felipe Salvador sa Gitnang Luzon.

Sa lohika ng rekonsentrasyon, kung pagbabawalan ang mga mamamayan na lumabas ng bahay, mapuputol ang suporta ng mga ito sa mga insurekto at magtatapos ang pakikipaglaban sa bagong mananakop. Malaki ang naging trahedyang dulot ng rekonsentrasyon. Hindi na nakakapunta sa mga bukirin at lugar ng paghahanapbuhay ang mga tao kaya nagkaroon ng krisis sa kabuhayan at pagkain. Noong 1902-07, nagkaroon pa ng kapanabay na epidemya ng mga kalabaw, baka at kabayo sa pamamagitan ng rinderpest na siyang ikinamatay ng nakakarami sa mga hayop pangbukid. Ang pagkalat ng sakit ng mga hayop noong 1902-07 ang lubhang nakaapekto sa kalagayan ng produksyon at kabuhayan ng lipunan. Karaniwang mga alaga para sa gamit agrikultural at pagkain ang mga naapektuhang mga hayop. Tinatayang 75-80 hanggang 90 bahagdan ng mga alagang hayop ang kinakalkulang namatay sa panahong tinatalakay. Nagdulot ang ganitong pangyayari ng lubusang pangamba sa mga nagtatatag ng kaayusang panlipunan dahil sa kahalagahan ng mga alabaw, baka, kabayo at iba pang hayop sa ekonomiya ng bayan. Higit na mahalaga rito ang pagtingin na gamit sa produksyon, pagkain at kabuhayan ng tao ang mga alagang hayop. Maaaring makaapekto sa dalawa o higit pang pamilya ang pagkawala ng isang kalabaw o baka , sa produksyong agrikultural at sa kabuhayan mismo ng lokalidad. Kung ilalagay sa konteksto ng digmaan at insureksyon ang pagkalat ng sakit ng mga alagang hayop, makikita na bunga na rin ng kagagawan ng tao ang isang dahilan nito. Hindi lamang isinakatuparan ang patakaran ng rekonsentrasyon para sa mga tao kundi para na rin sa mga hayop. Isang tala sa pahayagan ang nagpatunay nito.

[Ang mga kalabaw na ipinailalim sa rekonsentrasyon upang maiwasan ang mga ladrones ang nagpakalat ng sakit…Kumalat na ang rinderpest sa mga alagang hayop sa Cavite…ang pagkalat ng sakit at tinatayang bunga ng rekonsentrasyon ng mga alagang hayop sa lahat ng mga di-naapektuhang mga distrito, upang maiwasan ang pagkahuli ng mga ladrones sa mga ito…Pinangangambahan na sa panahong payapa na ang lalawigan wala nang matitirang alagang hayop na magtatrabaho sa bukid…Ilan sa mga alagang hayop na nadala sa mga kampo ay yaong apektado ng epizootia at ang sakit ay mabilisang kumalat sa ibang mga hayop…]

Hinahayaang kumalat at dumami ang peste sa mga alagang hayop bunga na rin ng kagustuhan ng awtoridad na sugpuin ang pakikipaglaban ng mga pamayanan sa paglalapat ng bagong kolonyal na kaayusan. Gutom ang idinulot ng patakarang rekonsentrasyon na unang isinakatuparan bilang kontra-insureksyong patakaran ng mga mananakop, bunga ng pagkakaganap ng digmaan. Pananaw ng mga taong nais magsaayos ng lipunan sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga tinuturing na kalaban ng lipunan, subalit naging bunga ng programang pasipikasyon ang pagbilis ng pagkalat ng mga sakit ng mga hayop at paglala ng krisis sa sakahan at paghahayupan ng mga pamayanang naapektuhan.

Napabayaan na rin ang mga pananiman at napatigil ang anihan, pati ang kalakal ng pagkain. Nagbunga ng malawakang kagutuman sa hanay ng mga rekonsentradong pamayanan ang patakaran. Upang mapilitang pumunta sa mga rekonsentradong lugar ang mga mamamayan para masawata ang pagkilos ng mga ‘insurekto’, sinunog ng mga sundalong Amerikano ang mga kubo ng mga mamamayang ayaw lumipat. Pinalayo pa sila sa mga bukiring kanilang sakahan. Lumala ang krisis sa dami ng walang tirahan na lalong pinalala sa pagdagsa ng mga mamamayang walang makain.

Lalo pang naging malawakan ang suliraning panlipunan dahil kapanabay ng rekonsentrasyon, pagbaba ng produksyon at kalakalan at kamatayan ng mga hayop pangbukirin ang paglaganap ng epidemya ng kolera noong 1902-03 at 1905. Sa mahabang panahon ng ikalabingsiyam na dantaon, maraming namamatay sa kolera sa halos deka-dekadang pagsambulat nito sa kapuluan. Nakukuha ito sa pag-inom ng maruming tubig at pagkain ng mga kontaminadong pagkain. Madalas, nagiging mabilis ang pagkalat ng sakit kung kulang sa sanitasyon, dikit-dikit ang tirahang walang palikuran, at hindi nailalagay sa kwarantina ang nahawang mga maysakit.

Dahil sa rekonsentrasyon laban sa mga insurekto, naging mabilis ang pagkalat ng epidemya ng kolera. Mapapansing sa labas ng Kamaynilaan, ang mga rekonsentradong pamayanan gaya ng Batangas, Cavite, Samar, Leyte, Bicol ang ilan sa nakapagtala ng pinakamataas na antas ng pagkalat ng sakit. Ito rin ang mga pamayanang nakaranas ng malawakang gutom sanhi ng rekonsentrasyon. Dahil sa malawakang gutom, sakit at kawalan ng kabuhayan, ang mga pamayanang ito ang ilan sa mga pangunahing nakaranas ng pagbaba ng populasyon. Matapos ang tunggalian sa Balangiga, halimbawa, naging malawakang patakaran ng mga Amerikano sa pamumuno ni Gen Jacob Smith hindi lamang maglunsad ng kampanyang militar laban sa tropa nina Vicente Lukban, malawakan din ang ginawang pagbunot ng mga kamote at pagsunog sa mga palayan upang mapasuko ang mga rebolusyonaro. Sa Batangas naman sa pamumuno ni James Franklin Bell, ang pagsasakatuparan ng rekonsentrasyon ay sumunod matapos ang paglalapat ng kaparehong kampanyang ginawa niya sa Ilocos: gawing garison ang mga pamayanan; pagbawalan ang mga mamamayan na pumunta sa mga bukirin; at magdulot ng malawakang kagutuman upang mapasuko ang mga kumakalaban sa mga mamamayan. Ito ang naging pangunahing dahilan upang mapababa sa kabundukan ang mga rebolusyonaryo ng Batangas sa ilalim ni Miguel Malvar. Hindi na nila matagalan ang makita ang kanilang mga kababayang namamatay sa sakit, gutom at pahirap sa rekonsentrasyon. Ilandaang libong Waray at Batanguenyo ang naitalang naging biktima ng magkapanabay na operasyong ito nina Bell at Smith.

Kailangang bigyan-diin na likha ng iba’t ibang salik ang penomena ng depopulasyon: kagutuman, pagkakasakit, kamatayan, at iba pa. Maaaring maiugat ang mga ito sa mga bagay na likha ng kalikasan: pananalanta ng mga peste sa hayop at halaman, pati na ang pagkalat ng mga sakit sa mga lugar na angkop sa pagkalat nito. Subalit sa panahong 1902-1907, binagtas ng digmaan, pagbubuo ng mga institusyon ng estado, at pagkabuo ng mga masang pagkilos ang mga pamayanang rekonsentrado. Higit na pinahalagahan ng estado ang pagpapanatili ng kanyang kapangyarihan kaysa sa pagtitiyak ng kagalingan ng buhay at kabuhayan ng mga karaniwang mamamayan.

Sa pagsasakatuparan ng patakaran ng rekonsentrasyon, higit na pinahahalagahan ng mga nasa awtoridad ang pagtatanggol sa kapangyarihan ng estado at gobyerno laban sa mga nakikipaglaban nito. Hindi nito binibigyan ng pansin ang kapakanan at karapatan sa pagkain at kabuhayan ng mga mamamayang naiipit sa gitna ng tunggalian. Sa patakarang rekonsentrasyon, inilapat muli ng mga Amerikano ang naganap sa Digmaang Boer sa South Africa at sa pakikipagtunggali sa mga rebolusyonaryong Cubano sa kasagsagan ng Digmaang Espanyol-Amerikano. Walang pagkilala sa mga indibidwal na kapakanan ng mga sibilyan ang programa. Higit na pinahalagahan ang pagtatanggol sa kapangyarihan ng estado at pamahalaan, kahit na magdulot ito ng gutom at pasakit sa mga mamamayan. (https://www.bulatlat.com)

References:

“Rinderpest Decimates Cavite Carabao Herds,” Manila Times. 14 Abril 1905, p. 1, col. 1.

Kramer, Paul. 2006. The Blood of Government: Race, Empire & the United States and the Philippines. Ateneo de Manila University Press.

Wolff, Leon. 1960/2006. Little Brown Brother: How the United States Purchased and Pacified the Philippine Islands at the Century’s Turn. Bookspan.

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Gutom at sakit appeared first on Bulatlat.