Himigsikan para sa Unang Sigwa

0
248

Isang gabi ng konsiyerto, labing-isang pagtatanghal bilang paggunita sa ika-50 taon ng Sigwa ng Unang Kuwarto (First Quarter Storm) ng 1970. Ito ang namalas ng mga dumalo sa Himigsikan, isang konsiyerto at paglulunsad ng “Unang Sigwa: Mga Piling Kanta mula Dekada Sitenta” noong Pebrero 23. Isinagawa ang konsiyerto sa Carillon Plaza sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman na isa sa mga makasaysayang lugar na pinagsimulan ng kilusang estudyante sa bansa.

Chickoy Pura (Cindy Aquino)

Kulminasyon ang Himigsikan ng mahigit isang taon na pagbubuo ng “Unang Sigwa”. Labin-dalawang progresibong artista o banda ang kalahok sa naturang album na nagrekord, sa kanilang sariling bersiyon, ang piling kanta na naging tanyag noong dekada sitenta.

Village Idiots (Cindy Aquino)

Pinangunahan nina Jesus “Koyang Jess” Santiago at Bonifacio Ilagan, kapwa kilalang makabayang artista at beterano ng FQS, ang proyekto ng Surian ng Sining (SUSI) na kanilang kinabibilangan ngayon.

Maagang nagsimula ang konsiyerto. Alas kuwatro y medya ng hapon, inihudyat na sa pamamagitan ng isang voice-over ang pag-uumpisa ng aktibidad. Unang sumampa sa entablado si Koyang Jess, tumayong tagapagpadaloy ng programa, na nagbukas ng pormal sa konsiyerto at binati ang mga dumalo na karamiha’y aktibista ng dekada sitenta at naging bahagi ng FQS.

General Strike (Cindy Aquino)

Tatlong kanta lang ang itinanghal ng kada artista o banda na naging kalahok. Huli sa kanilang repertoire ang piyesang inirekord nila para sa album.

Una sa mga nagtanghal ang Village Idiots. Bukod sa orihinal nilang kantang “Tumba” at “Ingay”, tinugtog ng grupo ang kanilang rendisyon ng “Gumising Ka, Kabataan” na kagyat bumuhay sa diwa ng mga manonood.

DKK Salidummay (Cindy Aquino)

Musikang Bayan (Cindy Aquino)

Tubaw Music Collective (Cindy Aquino)

Pasada (Cindy Aquino)

Sumunod naman ang regular na mga nagtatanghal sa mga aktibidad ng progresibong mga organisasyon tulad ng Pasada na kinanta ang “Manggagawa at Magbubukid”, “Magsimula ng Pag-aaral” ang sa Musikang Bayan, at “Sa Entero Kapudpudan” naman ang sa Tubaw Music Collective. Dumayo rin mula pa Kordilyera ang Salidummay upang itanghal ang “Istorya ng Kordilyera” at iba pa sa kanilang orihinal na mga kanta. Samantala, inilapat naman ng General Strike sa estilong blues ang kantang “Mendiola”.

Bobby Balingit (Cindy Aquino)

Ikinagalak din ng mga manonood ang pagkakabilang ng prominenteng mga mangangantang sina Chickoy Pura (The Jerks) at Bobby Balingit (Wuds, Juan Isip) sa nasabing konsiyerto. Kinanta ni Chickoy ang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na tula ni Gat Andres Bonifacio samantalang “Araw na Lubhang Mapanglaw” naman ang kay Bobby.

 

Cabring Cabrera kasama si Bopip Paraguya ng Color It Red (Kaliwa) at Jomal Linao ng Kamikazee (Kanan) sa pagtatanghal ng Datu’s Tribe (Cindy Aquino)

Pinaingay naman ng The Exsenadors at Datu’s Tribe ang gabi sa kanilang pagtatanghal. Tinugtog ng The Exsenadors sa rendisyong punk ang “Sumulong Ka, Anakpawis” habang kinanta ng Datu’s Tribe, sa kanilang trademark na estilo, ang “Pagbabalikwas”.

Naging finale ng konsiyerto ang pagtatanghal ng Tropang Usig, na kinabibilangan ni Koyang Jess at Ka Boni, sa kantang “Ang Masa” na sinabayan maging ng mga manonood.

The Exsenadors (JL Burgos)

Sa pagitan ng mga pagtatanghal, idinidiin ng tagapagpadaloy ng programa ang halaga ng musika at sining sa pagpapatampok ng pakikibaka ng mga mamamayan tulad ng naging papel ng mga ito noong FQS ng dekada sitenta. Nagpahayag naman si Lisa Ito ng Concerned Artists of the Philippines kaugnay ng kampanyang #ArtistsFightBack na naglalayong himukin ang mga artista sa iba’t ibang larangan para labanan ang diktadura ni Pangulong Duterte.

 

Tropang Usig (Cindy Aquino)

Dinaluhan ang aktibidad ng may 300 manonood mula sa mga aktibista noong 1970 at maging ng mga nagmula sa bagong henerasyon. Para sa kanila, patuloy na pinaglalagablab ng Himigsikan at ng album na Unang Sigwa ang diwa at adhikain na pinagningas ng FQS noong 1970. Nananatiling makabuluhan ang mga aral ng FQS hanggang ngayon – ang paglaban sa diktadura noong panahon ni Marcos at sa kasalukuyang panahon ng rehimeng Duterte at ang paghahangad ng tunay na panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng pagkakamit ng pambansang demokrasya at tunay na kalayaan.

 

Unang Sigwa CD. Halagang P300 sa The Bookshop, University Hotel, UP Diliman.

Inilunsad ang Himigsikan sa pangunguna ng UP Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) sa pakikipagtulungan sa Surian ng Sining (SUSI). Pinangunahan naman ng SUSI ang paglalabas “Unang Sigwa” sa pakikipagtulungan sa First Quarter Storm Movement at Concerned Artists in the Philippines.

Maaaring bumili ng CD ng Unang Sigwa sa SUSI sa halagang P300. Para sa mga karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa kanila sa pamamagitan ng kanilang Facebook page.