Hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP)

0
331

Noong Hunyo 2017, sa ilalim ng administrasyong Duterte, ay nilagdaan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Layunin ng programang ito na ipagbawal ang mga jeepney, bus, at iba pang public utility vehicles (PUVs) na nagkaka-edad na ng 15 taon pataas.

Kakanselahin ang prankisa ng mga ito upang sila ay mapalitan ng mga sasakyang may Euro 4 o electric engine na makina.

Hindi na rin bibigyan ng prankisa ang mga single franchise holders. Kailangan nilang magbuo ng korporasyon o kooperatiba para mabigyan sila ng prankisa. Kailangan ding hindi bababa sa 20 jeep ang kasapi sa isang prankisa.

Binadyetan ng P 2.2 bilyon ng gobyerno ang programang ito.

Upang matulungan ang mga korporasyon at kooperatiba sa kanilang pagbili ng bagong sasakyan sa ilalim ng programang ito, inilaan ng pamahalaan ang P1.5 bilyong pampautang sa kanila na dapat nilang bayaran sa loob ng 7 taon na may interes na 6 percent bawat taon.

Pangunahing layunin ng programang ito ang pagtanggal sa air pollution na sanhi ng mga lumang jeepney o sasakyan. Layunin din na magkaroon ng maayos at komportableng transportasyon sa mga public commuters.

Kaya sa darating na Hulyo 2020, ay inaasahan na tuluyang mawawala na ang mga lumang jeepney na umaabot sa 170,000 sa ilalim ng programang ito, ayon sa administrasyon.

Ngunit marami sa mga transport groups ang tumututol sa programang ito, lalo na ang Pinagkaisang Samahan ng Mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na nakapaglunsad na ng maraming pagkilos ang nasabing programa.

Ang pagkilos na kanilang inilunsad ay hindi upang labanan o kontrahin ang modernisasyon na hinahabot ng pamahalaan, paglilinaw ng Piston.

Ang kanilang nilalabanan ay ang framework ng PUVMP na nagpapabor sa malalaking negosyante at ang pag-alis nito ng kabuhayan sa maliliit na jeepney operators at mga drayber.

Ayon sa Land Bank of the Philippines, ang gastos na kinakailangan upang mapalitan ang isang jeep ay tinatantyang aabot sa P1.4 hanggang P1.6 milyon.

Ngunit kung isali natin ang interes na 6% bawat taon sa loob ng 7 taon na pagbabayad sa utang tungkol dito, aabot ito sa P2.1 milyon.

Ang halagang ito na P2.1-M ay napakataas at tiyak na makakaapekto sa kabuhayan ng mahigit sa 600,000 na drayber ng mga jeep at mga maliliit na may-ari o operator ng mga ito, sabi ng Piston.

Ayon naman sa Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), ang requirement na kailangang may 20 jeepney para mabigyan ng prankisa ay mangangailangan ng mga P30 milyon na puhunan.

Sino sa kasalukuyang operators ng mga jeepney ang may kakayanan para dito?

Wala. Kaya binubuksan nito para sa malalaking negosyante ang hanap-buhay na ito at etsa pwera na ang maliliit na operators.

At dahil sa pagtaas ng kapital para makapag-operate ng jeep, inaasahan din ang pagtaas ng pamasahe. Ito ay dagdag na hirap din sa publiko na umaasa na lamang sa mga dyip para makatipid sa kanilang gastos sa pamasahe.

Sinasabi rin ng administrasyon na ang pagkawala ng mga dyip ay makapagpagaan sa traffic, lalo na sa Metro Manila.

Ngunit wala rin itong katotohanan dahil ang mga jeepney ay bumubuo lamang ng 2% sa lahat ng mga sasakyan sa National Capital Region, sabi ng CBBRC.

Ayon naman kay Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate public services committee, kulang ang budget ng administrasyon na nakalaaan sa programa nito.

Ang programang ito ay mangangailangan ng hindi bababa sa P 4.15 bilyon para mapatupad sa buong bansa. Ang P 2.2 bilyon na inilaan para sa programang ito ng kasalukuyang administrasyon ay tiyak na kapos, sabi ng butihing senador.

Sinasabi din ng Piston na walang partisipasyon ang mga apektadong sektor sa pagbalangkas ng guidelines para sa programang ito.

Kaya sa dami ng problema sa programang ito, dapat talagang bigyan pa ito ng administrasyong Duterte ng masusing pag-aaral bago ito ipatupad.

Dapat isipin ng lahat na ang jeepney ay bahagi na ng ating kultura at mahirap sa atin ang basta burahin na lamang ito.

Sang-ayon ba kayo mga mambabasa?