“Honorable Absent!”

0
221

Matapos ang halalan, magsisimula nang manungkulan ang mga bagong halal sa iba-ibang pwesto ng gobyerno. Hindi sa kanilang pagkakahalal nagtatapos ang pangangampanya ng mga nanunungkulan sa pamahalaan. Magkakaroon ng agawan sa iba’t ibang komite sa mga konseho, kamara at senado. Mahalaga ito dahil ang mga komite ang magdedesisyon o magbibigay ng rekomendasyon sa mga isasakatuparang programa ng pamahalaan. Ang mga usapin ng paglalaan ng pondo sa mga proyektong gobyerno; ang pagtatakda ng mga magiging prayoridad na gawain ng pamahalaan; ang pagbabawal sa ibang mga gawi sa lipunan o pagsusulong ng ibang mga regulasyong papaling sa ibang kalagayan ang pinagdedesisyunan sa mga komiteng gagabay sa pamamahala. Sa ehekutibo o lehislatura man, ito ang nagiging panibagong kampanya ng mga bagong halal: sino ang mauupo sa anong komite na magsasakatuparan ng mga patakaran ng pamahalaan, o bubuo ng mga bagong pormularyo ng pamamahala.

Kasabay halos ng mga ito ang implementasyon ng mga proyekto na itinataguyod ng mga pulitiko na magtitiyak sa kanilang pagkapanalo sa susunod na halalan. Kaya nga maraming nagsasabi na nagsisimula ang kampanya sa halalan sa unang araw pa lamang ng pag-upo ng mga bagong halal. Nagiging limitado tuloy ang bisyon ng ilan sa mga nasa gobyerno sa tatlong taon ng kanilang panunungkulan – para matiyak na maaalala sila ng mga botante sa susunod na halalan, at hindi para sa pangmatagalang proyekto na hindi naman tiyak na itutuloy kung sakaling iba na ang maluklok sa pwesto.

Kaya nga kasabay ng pagsisimula ng termino ng mga bagong pinuno ang pagkakaroon ng maraming mga tala ng mga ginagawa ng mga pulitiko sa kani-kanilang pwesto. Ang media projection ang magtitiyak na maaalala ng mga botante ang ginawa ng mga nakaupo sa pwesto na magtitiyak ng kanilang susunod na pagkapanalo.

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga manunulat at tagabantay sa pamahalaan para matiyak na tama nga ang ginagawa ng mga nasa gobyerno. Ang media ang nagiging tagapagbantay kung ang mga pangakong binanggit ng mga kandidato ang isasakatuparan sa pamamahala. Ang mga manunulat din ang magsasabi sa taumbayan kung nalilihis na sa mga ipinangakong gagawin ng mga taong gobyerno sa aktwal na kinikilos ng mga ito habang nakaupo sa pwesto. Sa iba ibang pamamaraan, ang mga manunulat din ang may kakanyahang maglantad ng mga ginagawa o hindi ginagawa ng mga nasa pwesto. Kung minsan, ginagawa sa anyo ng panitikan at iba pang anyong sining ang paghahayag ng realidad ng nangyayari sa kasalukuyan para lalong maipaabot sa nakararami ang mensahe ng kritisismo at pagmamatyag ng media.

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, nanguna si Jose Corazon de Jesus sa pagbibigay ng realismo sa panitikan sa pamamagitan ng kanyang arawang tala na pinamagatang Buhay Maynila. Ginamit niya ang pangalang Huseng Batute sa kanyang pagsusulat at nakapagtala ng higit sa apat na libong tula, mahigit 300 sanaysay at hindi mabilang na mga teksto ng duplo (na tinawag bilang Balagtasan nina Huseng Batute at mga kasamahan). Ginawa niyang plataporma ang mga tula bilang pamamaraan ng pagbibigay komentaryo at kritisismo sa kalagayang politikal at panlipunan. Kilala bilang isa sa pinakamakabayang awit hanggang sa kasalukuyang panahon ang mga titik na nagmula sa pinakasikat niyang tula, ang Bayan Ko. Marami siyang tula ukol sa mga manggagawa, mga karaniwang mamamayan, pang araw-araw na buhay at kalagayan ng kahirapan ng mga maralita.

Bilang paggunita sa araw ng kapanganakan ni Balagtas tuwing Abril, sinimulan nina Huseng Batute, kasama ang isa pang batikang manunulat na si Florentino Collantes, ang tradisyon ng duplo noong 1924, at tinawag nila itong Balagtasan. Parating inaabangan ang debate ng dalawa bagaman maraming mga makata ang naging kasangkot sa balagtasan. Sa isang malawakang pagtitipon sa Olympic Stadium noong Oktubre 1925, nagbanggaan muli ang dalawa sa balagtasan at nagwagi muli si Huseng Batute sa epikong patulang pagdedebate ng dalawa. Mula sa taong 1925 hanggang sa taon ng pagkamatay ni Huseng Batute noong 1932, itinanghal siya bilang Hari ng Balagtasan. Kahit sa kanyang pagkamatay hanggang mga taong 1950s, laging inaabangan ang mga balagtasan sa mga pangunahing pagpupulong at parating inaalala ang kontribusyon ni Huseng Batute sa duplohan at balagtasan.

Sa kanyang maikling buhay, paborito ni Huseng Batute na tuligsain ang mga pinuno ng bayan sa mga sinasabing tiwaling gawain. Binibigyan din niya ng puna ang pananakop ng mga Amerikano na nagbigay ng pagsasanay sa mga politikong Pilipino sa pamamaraan ng pamumuno. Binigyan niya ng kritisismo kahit ang sistemang elektoral na ipinakita ng mga mananakop na institusyong magsasalamin dapat ng pag iral ng demokrasya sa bansa. Sa kanyang pananaw, maraming mga pangako ang binabanggit ng mga politiko tuwing halalan, subalit madali ding makalimutan ang mga ito kapag napaupo na sa pwesto ang mga nanalo sa halalan.

Maraming mga porma ng katiwalian ang maaaring mapuna na kaugnay ng halalan mula pa noong panahon nina Huseng Batute hanggang sa kasalukuyan. Isa na rito ang pagtingin na ang mga pwesto sa gobyerno ay isang pwestong pagkakakitaan ng mga nanalo. Pinakabatayan dito ang katiwalian ng pagkakaroon ng mga politikong wala namang ginagawa matapos mahalal kundi ang kumuha ng sweldo tuwing katapusan ng buwan. Ito ang naging pangunahing paksain ni Huseng Batute sa isa sa kanyang pinakilalang tula na nagpapahayag ng mga sumusunod:

“HONORABLE ABSENT”

“Mga kababayan, kung ako’y mahalal?Ay sisikapin kong matubos ang bayan,?Ma-araw, ma-gabi’y paglulunggatiang?Matamo ang ating mithing kasarinlan!”
At ang palakpaka’y nangag-umugong,?”Mabuhay! Mabuhay!” Sigaw ng naroong?Mga tarantadong kay daling paulol,?Hanggang sa nahalal na isang senador!
At ngayong senador na itong si matanda?Ngayong deputado itong aking bata,?Sa lahat ng pulong ay lagi nang wala,?Pagsusuweldo lamang naroon ang bunganga.
Sasahod ng kuwalta’y wala mang proyekto,?Ni hindi kilala tanang deputado,?Ni kapwa senador ay walang amigo,?Paano ay absent ang anak ng diyablo!
Oh hayup-hayupan nitong aking bayan,?Sabihin mo ngayon ang katotohanan:?”Mga kababayan, pag ako’y nahalal,?Ay sasahod ako sa tuwing suwelduhan!”

Maraming pera ng gobyerno ang nasasayang dahil sa absenteeism ng mga nasa pamahalaan. Sa mga hindi produktibong pinuno napupunta ang mga nakalaang pondo na magagamit sana kung ilalaan sa mga taong higit na karapat dapat.
Pero kung susuriin, hindi rin pinaligtas ni Huseng Batute ang mga mamamayan na siyang palagiang nagluluklok sa kapangyarihan ng mga hindi karapat dapat. Dahil sa kakulangan ng pagkilala sa pangmatagalang epekto ng paghahalal sa pamahalaan, at dahil sa pagkiling sa personalidad at hindi sa plataporma o pagkilala sa mga dating naisagawa ng mga kandidato – nagiging labanan na lamang ng mga sikat ang halalan. Sabi nga, ang halalan ay usapin ng porma at hindi plataporma.
Marami pang ibang halimbawa ng katiwalian na maiuugat sa limitadong pamamaraan ng halalan. Ang nepotismo – o ang pagbibigay ng pabor, posisyon, at kontratang pampamahalaan sa kamag anak o kaibigan ng nasa kapangyarihan ang isa sa mga ibinunga nito. Matapos mahalal sa posisyon, hindi na kwalipikasyon ng mga maaaring maging taong pamahalaan at ang kakanyahan niya ang nagiging batayan sa pagbibigay ng trabaho sa pamahalaan, kundi ang pagiging malapit nito sa isa sa mga pinunong bayan. Kahit na nilimitahan ng sistemang eksaminasyon sa Civil Service ang ganitong gawain, marami pa ring mga confidential appointments kahit sa di temporary (subalit palagiang nabibigyan ng renewal) na mga posisyon ang naibibigay sa mga kamag anak o kaibigan ng mga nasa kapangyarihan.
Ang magastos at mahal na kampanyang elektoral ang nagtulak sa mga kandidato na tumanggap ng mga donasyon sa kampanya mula sa mga negosyante at may puhunan. Sakaling magwagi, ang mga nagbigay ng suporta naman sa kandidato ang inaasahang makakukuha ng pabor mula sa pamahalaan. Malawakang kontrata, posisyon sa mga kakilala, pabor sa mga negosyo at ari arian ang makukuha ng mga nagbigay ng donasyon sakaling manalo ang kanilang pambato sa halalan.
Bunga nito, naging pamamaraan din ng pagpapatibay ng sistemang patronahe ang mga nagaganap na halalan. Nakatali sa suporta ng pambansang pinuno ang mga lokal na pinuno. Ang mga tauhan sa pangangampanya, lohistika at makinarya ng kampanya ang mga maaaring ibigay ng pambansang pinuno sa mga nasa lokalidad para manalo ito. Ang kapalit naman ay ang suportang lokal na dadalhin nila ang mga pambansang kandidato sa mga lokalidad at titiyaking makakukuha ito ng sapat na boto para sa ikakapanalo nila kapwa. Ganito ang naging katangian ng sistemang patronahe na dating nakikita sa mga lipunan sa panahong medyebal subalit naging katangian ng mga ‘makabagong halalan’ sa ating lipunan.
Isipin na lamang na ibabagsak sa kurso kung ang mga estudyante ang palaging absent sa klase; may kaltas sa sweldo o kaya pwede pang matanggal sa pwesto kung palaging absent ang isang empleyado. Pero sa mga politiko, walang kaltas at buong buo nilang nakukuha ang sweldo kahit laging absent, o kung minsan, nagiging chairman sila ng tinatawag na Committee on Silence ng pamahalaan. Kaya hindi mapakali ang mga Huseng Batute ng ating panahon. Panahon pa rin ng iba ibang porma ng maraming ‘honorable absent’ ang nasa ating paligid!

(https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

Ref:
de Jesus, Jose Corazon. “Honorable Absent.” nasa Jose Villa Panganiban, Consuelo Panganiban, Genevava Matute at Corazon Kabigting (eds.). 1995. Panitikan ng Pilipinas sa Filipino at mga Katutubong Wikain. Rex Publishing, p.121

Galileo Zafra. 1999. Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

The post “Honorable Absent!” appeared first on Bulatlat.