Hustisya para kay Jory Porquia

0
275

Isang beses lang niyang nakilala si Jory Porquia, minsang nakapunta siya sa Iloilo. Ramdam niya noon na isa ito sa mga inirerespetong aktibista sa lugar.

Nitong huli, nakikita lang niya si Jory sa mga Facebook post ng anak nitong si Lean “Ian” Porquia, dating lider-aktibista rin sa Panay na ngayon ay pambansang lider ng mga empleyado sa Business Process Outsourcing, mas kilala na “call center.”

Sa pagkakatanda niya, sa bawat pagkakataong nakita niya ang larawan ni Jory sa post ni Ian — kahit pa kumakain sa restawran o namamasyal — naglagay siya ng Heart o Like reacts. Para sa kanya, pagpapakita iyun na kilala niya ang kapwa-aktibista, pagpapakita, kahit paano, ng respeto at suportang moral.

Isa sa mga mukha ng aktibismo sa rehiyong Panay si Jose Reynaldo “Jory” Porquia. Sabi ni Lean, labas-masok sa kulungan ang tatay niya noong Martial Law. At mula noon hanggang ngayon, tuluy-tuloy siyang naging aktibista; walang sinantong presidente. Hindi kataka-taka, nagkaroon siya ng anak na aktibista rin. Dahil sa mga katulad ni Jory kaya nagpapatuloy ang apoy ng aktibismo sa rehiyon.

Sa loob ng maraming taon, gaya ng maraming lider-aktibista sa bansa at lalo na sa mga rehiyon, nakaranas ng iba’t ibang banta sa buhay at pambabansag na Komunista si Jory. Ang layunin: patigilin siya sa kanyang aktibismo, nitong huli bilang coordinator ng partylist na Bayan Muna sa Panay.

Ayon sa grupong Karapatan, “Simula Disyembre 2018, ang larawan ni Porquia, kasama ang mga larawan ng iba pang aktibista at abogado sa Panay, ay inilagay at malisyosong binansagang Komunista sa mga polyeto na matatawag lamang na ‘hitlist’.”

Sinong matutuwa at makikinabang kung tumigil sa aktibismo si Jory at mga kasamahan? Ang mga itinuturing nilang kalaban: mga dayuhang kapangyarihan at mga naghaharing elite na kinakatawan ng nakaupong rehimen. Sino ang tagapagpatupad nila? Ang militar at pulisya. Sa paraang halata at hindi halata, sila ang responsable sa pagbabanta at pambabansag kay Jory.

Si Jory, ikatlo mula sa kaliwa, sa paglulunsad ng Fight Covid-19 People’s Alliance, sa Iloilo, kasama ang mga miyembro ng Filipino Nurses United. PInangunahan niya ang relief at feeding missions sa mga maralitang komunidad sa Iloilo bago siya pinaslang kaninang umaga. Larawan mula sa FB account ni Jory Porquia

Ngayong Abril 30, ala-singko ng umaga, pinaslang si Jory sa Arevalo, Iloilo City. Mag-isa siya at walang kalaban-laban. Siyam na bala ang itinanim sa katawan niya ng isang lalake na may tatlong kasamahan.

Hindi na dapat magtaka kung sino ang nasa likod: ang mga nagbanta at nagbansag sa kanya sa maraming taon. Ngayon, malinaw: patikim ang lahat ng iyun sa pagpaslang sa kanya. Sila ang nasa likod: ang mga nagbabanta at nagbabansag sa maraming aktibista. Ang mga pumapatay sa mga aktibista at sa maraming maralita. Ang rehimeng Duterte na kinatawan ng mga naghahari uri sa bansa at utak ng militar at pulisya.

Malinaw sa memorandum na lumilikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pagtatak sa mga aktibista katulad ni Jory na mga Komunista at prente ng rebeldeng New People’s Army o NPA. Kahit sinong makabasa, makikita ang sistematikong plano ng pag-atake sa mga progresibong organisasyon. Hindi maaalis isiping may target sila na numero ng papaslangin sa bawat panahon, kasama na ang mga “high profile” na aktibista. Si Jory ba ang Randy Malayao (konsultant ng National Democratic Front, pinaslang noong Enero 30, 2019) ngayong taon?

Pinatay si Jory sa gitna ng pandemya ng Covid-19. Lantad sa marami ang kriminal na kapabayaan at kapalpakan ng rehimeng Duterte, na nagdudulot ng maraming pagkakasakit at pagkamatay. Malawak ang diskuntento sa rehimen, at marami ang naghahangad ng pagpapanagot lalo na pagkatapos ng quarantine.

Pinatay si Jory isang araw bago ang Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Matapos utusan ang mga maralita na “sumunod na lang,” matapos silang bansagang “pasaway,” matapos silang sikaping takutin gamit ang brutalidad, sinasabihan sila ngayong “resilient” o matatag sa mga pagsubok. Nabalitaan kaya ng nagsabi ang kaso ng maralitang Sitio Zapatera, Barangay Luz ng Cebu City, kung saan mahigit 100 na ang kaso?

Ang gusto ng rehimen, balik-trabaho ang mga manggagawa, “bagong normal” ang ekonomiya kahit walang katiyakan ang kaligtasan nila: wala pa ring mass testing at contact tracing. Hindi rin malinaw ang priyoridad na bubuksang sektor ng ekonomiya — hindi para sa PPE, pagkain at gamot, halimbawa, kundi ang mga mall. Ipambabala ang mga manggagawa sa kanyon ng “ekonomiya,” sa pakinabang ng malalaking kapitalista.

Malinaw naman ang mensahe ni Duterte sa mga pahayag sa telebisyon sa panahon ng pandemya: barilin ang mga lumalabag sa quarantine, ang mga pasaway. Barilin ang mga NPA — na may dagdag na pakahulugan para sa militar at pulisya na tinuruang kasingkahulugan ng NPA ang mga aktibista.

Hindi makahulagpos ang rehimen sa kriminal na kapabayaan at kapalpakan. Pero ang mga tumutuligsa — ang mga aktibista, ang mga kritiko nito, ang mga mamamayan — gusto nitong patahimikin sa pandarahas at sindak. Kaya naman sunud-sunod na kalupitan, pambubugbog at pagpatay ang walang pagtatagong ginagawa ng militar at pulisya at lumalaganap sa social media.

Hindi pagliligtas ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya ang priyoridad ng rehimen, kundi ang pananatili nito sa poder, ang kaligtasan nito sa pagpapanagot. Kaya naman sinasamantala nito ang pandemya para umatake sa mga aktibista, mga kritiko at mga mamamayan.

Maghanda. Dahil tawag-pansin ang pagpatay kay Jory, tiyak na maglalabas ng kaliwa’t kanang paninira ang rehimen. Nito ngang namimigay siya ng relief sa gitna ng pandemya, inakusahan siya ng pulisya na nagkakalat ng virus. Siya na ang tumulong sa kapwa, siya pa ang masama para sa awtoridad. Na para bang hindi rin delikado sa sakit ang namimigay ng relief. Marami ring pagkakataon sa nakaraan, NPA ang inaakusahan sa mga pagpaslang na gawa ng militar at pulisya, tulad kay Randy Malayao — at mayroon pang dagdag na paninira.

Maraming beses na nating nakita: walang respeto sa patay ang rehimeng ito, kung paanong wala rin itong malasakit sa buhay. Mahalagang matandaan ito kapag nagsasabi silang “Nakakaawa naman si Tatay Digong” o kapag humingi sila ng dalamhati at pakikiramay kapag namatay na ang mga berdugo sa poder. Hindi sila karapat-dapat kahit kaunti sa malasakit ng sambayanan.

Pero may hangganan ang pakinabang ng rehimen sa ganyang taktika ng panunupil. Sa panahong dumarami ang nahahatak magmatyag sa pulitika, at nagiging kritikal sa gobyerno at pangulo, mas magdudulot ng tuligsa at galit, hindi ng takot o pananahimik, ang panunupil. Hindi na makakapagtago ang mga salarin. Habang direkta itong pumapatay sa dahas, pumapatay rin ito ngayon sa pagtalikod sa mga hakbanging medikal sa pandemya.

Lalong magiging malinaw sa sambayanan: kailangang ipaglaban ang katarungan para sa sampu-sampung libong pinaslang at dinahas ng rehimeng ito. Tama na ang pagpaslang. Sobra na ang bilang ng nasawi. Panagutin na ang mamamatay-tao. Hustisya para Jory Porquia, hustisya para sa lahat ng pinaslang. Hamon sa sambayanan na kamtin ito.

Pakikiramay sa pamilya ni Jory. Pero sakit ito ng kalingkingan na ramdam ng buong katawan. Ang sambayanan, tayong nakakarami, ang namatayan.

30 Abril 2020