Huyong

0
237

Ni ARTHUR DAVID SAN JUAN

Ilang taon din ang iyong binuno:
unahan ang tilaok sa dilim
upang maagang isaayos
ang mga kasangkapan
sa kusina.

Madalas, sa kakulangan
ng sibuyas na isinasahog
sa itlog, bubudburan mo
ng iyong mga luha
ang kaning tutong;

himutok ng mga gabing
pinalilipas ang gutom.
Ikinakasal ang hapdi ng kalamnan
sa gunita ng panibagong umaga.
Bagaman kay gaspang ng kayarian

ng mga guhit sa palad,
natututo ring magsukli ng laman
sa sikmura ang maghapong
hapo sa trabaho, hapunan
ang mga piraso ng puso. (https://www.bulatlat.com)

*Si Arthur David San Juan, 18, ay isang manunulat mula sa Lungsod ng Antipolo. Awtor ng “Sikreto sa Loob ng Kwarto” (2019), siya rin ay patnugot at kontribyutor sa “NGALAN: Antolohiyang SaMaFil” (2020).

The post Huyong appeared first on Bulatlat.