‘Ibagsak ang mga oligarko!’

0
225

Kontrobersiyal ang naging pagpasok ng JoyRide, isang bagong entidad sa ride-hailing motorcycle service. Usap-usapan na malakas sa administrasyong Duterte ang nasa likod ng JoyRide. Ayon sa mga iskpekulasyon, para makapasok ang JoyRide sa serbisyo, tinanggal ang 17,000 riders, batay sa desisyon ng technical working group (TWG) ng pilot run ng motorcycle taxi service, ng Angkas na siyang kakompetensiya ng nauna. Dagdag pa, diumano’y si Sen. Christopher “Bong” Go ang nagmamay-ari ng naturang kumpanya. Itinanggi ito sa isang presscon ng mga nagpakilalang may-ari ng JoyRide nitong nakaraang linggo.

Pero malinaw na may pagpabor ang rehimen sa JoyRide. Inamin ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na inindorso niya sa Department of Transportation (DOTr) ang naturang kompanya. Inamin din ni Noli Eala, vice president for corporate affairs ng kompanya, na “family friend” ni Pimentel ang isa sa mga may-ari nito. Palusot ni Pimentel, ang kanyang pag-indorso sa JoyRide ay upang maiwasan ang monopolyo ng Angkas.

Kakatwang ginagamit ng mga nasa poder ng gobyerno tulad ni Duterte at mga alipores nito ang mga katagang “maiwasan ang monopolyo” at “destroy the oligarchs!” sa iba’t ibang pagkakataon. Sa ganitong mga linya isinisiksik ni Duterte ang motibo sa likod ng pambabraso sa mga kompanya at negosyong nais niyang hawiin para magbigay-daan sa pagpasok ng mga negosyanteng “tumulong” sa kanyang 2016 kampanya sa pagkapresidente. Kumbaga’y pabuya sa kanilang “donasyon” noong eleksiyon.

Bistado na ng madla ang mga balak sa likod ng pagbabanta ni Duterte sa water concessionaires na Maynilad at Manila Water at ang panggigipit sa aplikasyon ng ABS-CBN ng bagong parangkisa. Nakaabang na parang mga buwitre ang mga negosyanteng tulad nina Manny Villar at Dennis Uy na makinabang sa ihahain ni Duterte para sa kanila.

Sa ganitong bagay, masasambit mo sa sarili mong “bulok talaga ang gobyerno ng mga panginoong maylupa at burgesyang komprador. Kaya seryosohin natin ang panawagan ni Duterte na may pagpipino: Ibagsak ang lahat ng mga oligarko kasama ang protektor nitong si Duterte