Iba’t ibang panaghoy ng Setyembre 11

0
154

Sa maraming kadahilanan, ilang lipunan ang kumikilala sa buwan ng Setyembre bilang buwan ng pagkawala ng kawalang malay at walang lisyang pagtingin sa daigdig. Sa kamalayang hinuhubog ng kanluraning mass media, ang trahedya ng etyembre 11, 2001 ang karaniwang kakambal ng hinagpis, pighati at kalungkutang dulot ng buwang ito.

Nawala ang ilusyon ng pagiging lukob ng kaligtasan ang Amerika matapos ang koordinado at magkakasabay na pag-atake sa mahalagang simbolo ng pamamayani ng Estados Unidos sa daigdig. Ang twin towers ng World Trade Center ang kumakatawan sa sentro ng komersyo, kapitalismo at kalakalang pandaigdig na sumisinag mula New York tungo sa iba’t ibang lungsod pangkalakalan ng buong daigdig. Ang Pentagon ang sentro ng kapangyarihang militar ng pinakamalakas na bayan sa daigdig. At ang mga eroplanong pinabagsak ang kinatawan ng mobilidad, mataas na antas ng teknolohiya, at pandaigdigang pag-uunayan ng iba’t ibang mamamayan.

Maihahalintulad ang naganap sa Amerika noong Setyembre 11 sa trahedya ng Pearl Harbor noong panahon ng pagsiklab ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa dalawang pangyayari, tila nagulantang ang Amerika sa pagsalakay sa hindi inaasahang kanyang sariling teritoryo. Maraming nagsasabing hindi na magiging kagaya ng dati ang lagay ng daigdig matapos ang dalawang pangyayaring ito. Sa trahedya ng Setyembre 11, magsisimula ang naratibo ng war on terror ng Amerika na maglalagay dito sa tunggaliang nagbabago ang larangan. Sa trahedya ng Pearl Harbor, naging kabahagi ang Amerika sa digmaang Pasipiko at Atlantiko at magbibigay daan sa bagong konpigurasyon na maglalatag ng kalagayan ng Cold War at pamamayagpag ng kapitalismong Amerikano matapos ang digmaan.

Hindi pa natatapos ang naratibo ng Setyembre 11. Aligaga ang social media sa iba’t ibang interpretasyon sa mga naganap noong 2001.

Nababanggit ang papel ng mga bansang Arabe, gaya ng Saudi Arabia sa mga pagpapasabog na naganap. Ilang conspiracy theorists ang nagbigay ng mga haka-haka sa maaaring pagkakasangkot mismo ng mga institusyong Amerikano sa trahedya. Kahit ang pagbagsak ng mga gusali ng World Trade Center ay hindi nakaligtas sa ibang mga ideyang nagsabing bumagsak ito hindi dahil sa naganap na epekto ng pagbangga ng mga eroplanong sumalpok sa dalawang higanteng gusali, kundi sa intensyonal na demolisyon at pagpapatumba nito. Kahit ang pagguho ng karatig na gusali ng WTC na hindi naman tinamaan ng pagsalpok ng eroplano ay naging sentro din ng ispekulasyon at haka- haka.

Nailagay ang petsa ng Setyembre 11 sa pandaigdigang kasaysayan hindi lamang sa mga pangyayari sa araw na iyon, kundi ang higit na malalim na implikasyon ng kinahinatnan nito. Dahil sa Setyembre 11, nagsimula ang pananalakay ng Amerika at ang tinatawag ng dating Pangulong George W. Bush na ‘coalition of the willing’ laban sa Afghanistan at Iraq – mga bansang pinaghihinalaang pinagmulan ng mga terorista, at ang potensyal na maglalagay sa panganib sa buong daigdig bunga ng sinasabing weapons of mass destruction. Ang hinihinalang mga armas nukleyar, mga sandatang kemikal at biolohikal ang tinayang susunod na gagamitin ng mga terorista upang matakot ang buong mundo at baligtarin ang kaayusan ng mga ugnayan ng mga bayan. Inunahan na ng Amerika ang pananalakay sa Iraq at Afghanistan upang mapigilan daw ang mga ito na maghasik ng lagim sa daigdig.

Magkagayunman, walang natagpuang mga armas na lilipol sa sangkatauhan sa mga bansang sinalakay ng Amerika. Nagbunga lamang ang pananalakay ng pagpapalit ng rehimeng namumuno mula sa kaaway ng Amerika tungo sa kaalyado nito – na lalong nagdulot ng kaguluhan sa mga bansang nabanggit. Naging kilala sa buong daigdig ang mga pangalan ng Al Qaeda at Taliban sanhi ng mga pagkilos na ginawa ng mga Amerikano laban sa kanila.

Maaari ding banggitin na lalong naging bulnerable ang daigdig sa pananalakay sanhi ng ganting salakay na ginawa ng Amerika sa Gitnang Silangan. Ang mga pandaigdigang kapitolyo gaya ng Madrid, London, at Paris ang isa-isang nakaranas ng pagpapasabog sa kani-kanilang mga lungsod. May ilang kawangis na kilusang inianak sa ibang lugar gaya ng Bali, Bangkok, Bombay, Moscow, Marawi at Zamboanga na kahit hindi makita ang tuwirang kaugnayan sa Al Qaeda o ang pagbangga ng mga eroplano sa World Trade Center at Pentagon, ay itinuring ding kabahagi ng pandaigdigang kilusang ito.

Tila bagong digmaang walang larangan o war with no fronts ang kinahinatnan ng pagsalakay at ganting salakay sanhi ng Setyembre 11.

Hindi gaya ng cold war kung saan naitakda ang teritoryo ng mga nagtutunggaling komunista at kapitalista, walang prontera, walang teritoryo at walang hangganan ang mga larangan sa naganap na digmaan sa terror.

Nanganak din ng iba’t ibang kalaban ang digmaan sa terror. Naghasik ng lagim ang Boko Haram sa Africa, at ang paglawak ng impluwensya ng ISIS sa Syria at Libya ang mga hudyat ng patuloy na pagbabagong anyo ng digmaan.

Bunga ng pagkakasangkot ng Amerika at iba pang bansang kanluranin, bumagsak ang ilang mga pinuno sa Kanlurang Asya at Hilagang Africa, gaya nina Saddam Hussein at Moammar Gaddaffi, gayundin ang mga pinunong Islamiko gaya nina Osama bin Laden ng Al Qaeda at Mullah Omar ng Taliban. Ang digmaang sibil sa Syria ang isa sa pinakabagong yugto ng naratibo ng Setyembre 11. Sa naganap na digmaang sibil, naging lunsaran ang Syria ng pakikialam ng mga Amerikano, Ruso, Pranses, Ingles, Turko, Iranian, at Arabe na nagsusulong ng kani-kanilang interes habang nakakasangkot sa digmaan. Naging dahilan din ito ng pagkawasak ng halos kabuuan ng Syria at ang pagdagsa ng mga refugees sa loob at labas ng Syria.

Ang maraming naratibong isinilang mula sa isang pangyayari ang naging paksa ng mga panayam ng mga intelektwal at akademiko na nagtatangkang ilagay sa mas malawak na konteksto ang Setyembre 11.

Sa isang panayam noong 2002 ng isa sa mga bagong tanghal na manunulat ng India na nagsulat ng premyadong nobelang The God of Small Things, sinabi ni Arundhati Roy sa kanyang talumpating may pamagat na Come September, na binigkas noong 29 Setyembre 2002 sa Lensic Performing Arts Center sa Santa Fe, New Mexico, na maraming trahedya sa kasaysayan ang nagbibigay ng iba ibang panaghoy sa nakaraan, sa iba’t ibang lipunan. Sinabi niya na

None of us need anniversaries to remind us of what we cannot forget…The grief is still deep. The rage still sharp. The tears have not dried. And a strange, deadly war is raging around the world. Yet, each person who has lost a loved one surely knows secretly, deeply, that no war, no revenge, no daisy-cutters dropped on someone else’s loved ones or someone else’s children, will blunt the edges of their pain or bring their loved ones back. War cannot avenge those who have died. War is only a brutal desecration of their memory… Since it is September 11th we’re talking about, perhaps it’s in the fitness of things that we remember what that date means, not only to those who lost their loved ones in America… but to those in other parts of the world to whom that date has long held significance. This historical dredging is not offered as an accusation or a provocation. But just to share the grief of history.

Hindi nagtapos sa araw na iyon ang trahedya ng Setyembre 11. Maraming trahedya ang inianak ng Setyembre 11 na naglalahad ng pagpapatuloy ng naratibo ng tunggalian hanggang sa kasalukyang panahon. Hindi na gaya ng dati ang kalakaran sa daigdig mula noong Setyembre 11. Subalit gaya ng mga iba pang digmaan sa kasaysayan ng tao, higit na maraming dalamhati ang naranasan ng mga sibilyan tuwing magkakaroon ng digmaan.

Bukod doon, sinabi din ni Roy na ang paggunita ng mga petsa gaya ng Setyembre 11 ang maaaring magbigay ng ibang ala ala ng ibang pangyayari sa iba’t ibang lipunan.

Sa Latina Amerika, halimbawa, ang Setyembre 11 ang nagdulot ng alaala ng pagpaslang sa pangulo ng Chile na si Salvador Allende matapos ang coup d’etat na pinamunuan ni Augusto Pinochet noong 11 Setyembre 1973. Hindi maikakailang sinuportahan ng Amerika ang rehimen ni Pinochet at ang CIA ang gumampan ng mahalagang papel sa pagdisenyo ng coup laban sa demokratikong inihalal na sosyalistang pangulo na si Allende. Hindi rin ang Chile ang una at huling bansa sa Latina Amerika na nakaranas ng panahon ng awtoritaryanismo at diktadura na may basbas at suporta ng Amerika. Ayon kay Roy, ang mga bansa ng Guatemala, Costa Rica, Ecuador, Brazil, Peru, the Dominican Republic, Bolivia, Nicaragua, Honduras, Panama, El Salvador, Mexico, Venezuela at Colombia ang naging lugar ng mga hayag at tagong operasyon ng CIA sa rehiyon. Sa mga bansang ito, ang gunita ng 11 Setyembre 1973 ang nagpapaalala ng trahedya ng diktadura at mga maka-kanang rehimen at hayag na halimbawa ng pakikialam sa kanila ng higit na makapangyarihang katabing bayan sa hilaga.

Sa Middle East, ang Setyembre 11 ang nagpapaalala ng naganap ng proklamasyon ng mandato ng mga Ingles sa Palestina, bilang bahagi ng Deklarasyong Balfour – na nagbigay ng teritoryong Palestino sa mga Hudyong nasa Europa. Ito ang naging batayan ng partisyon ng Palestina noong 1947 na nagbunga ng pagsilang ng makabagong Israel, na siyang pinagmulan ng serye ng digmaang inilunsad sa Gaza, sa West Bank at Sinai. Hanggang sa kasalukuyan, isang limot na digmaan ang naganap sa pagkawala ng mga lupain ng mga Palestina at ang konsolidasyon ng okupasyon ng Israel sa mga dating teritoryong Arabe. Sa mga Palestino kung gayon, ang Setyembre 11 ang simula ng pagkawala ng kanilang bayan bilang nagsasariling lipunan.

Higit na malapit sa sariling tahanan, naging kontrobersyal din sa mga Pilipino ang pag-alala sa Setyembre 11 kamakailan. Ang pagdiriwang ng mga loyalista tuwing araw ng kapanganakan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na ipinanganak noong Setyembre 11, 1917 ang nagpapatining sa hindi pa natatapos na usapin sa pagharap ng Pilipinas sa karanasan nito sa diktadura at batas militar. Lalong napatindi ang tunggalian sa pagitan ng mga biktimang naghihintay ng hustisya mula sa pamilya ng diktador at mga institusyong nilikha nito sa isang banda, at sa mga loyalistang naniniwalang kailangang ituring na bayani ang kanilang pinuno. Kahit ang paglilibing ng labi ng diktador sa Libingan ng mga Bayani ang nagbigay daan sa muling pagbuhay ng mga sugat na naranasan ng mga biktima ng batas militar. Ang pagpapabango ng kasaysayan ng karanasan ng Pilipinas sa ilalim ng diktadura ang sinasabing bahagi ng rebisyunismong historikal na kinakaharap ng lipunan sa kasalukuyan.

Sa maraming mga estudyante ng kasaysayan, kalimitan nang itinatali ang kahusayan sa pag-aaral sa pagmememorya ng mga petsa na lalabas sa mga eksaminasyon. Subalit mawawalang saysay ang mga minemoryang mga petsa kung hindi kikilalanin ang konteksto, ang implikasyon, at ang mga nagtutunggaling pananaw at mga di matapos na trahedyang ipinapahayag ng mga pangyayari sa likod ng mga petsa. Ang iba’t ibang kontekstong maaaring kaugnay sa Setyembre 11 sa iba’t ibang lipunan ang isa lamang sa halimbawa ng petsang nagpapahayag ng maraming kahulugan sa iba’t ibang bayan.

The post Iba’t ibang panaghoy ng Setyembre 11 appeared first on Bulatlat.