Mistulang batang inagawan ng kendi na umaatungal at nagmamamaktol pauwi para magsumbong sa kanyang tatay ang inasta ni Sen. Bato Dela Rosa matapos niyang mabalitaang kinansela ng US ang kanyang visa.
Sinalubong naman ito ng dagdag na pag-aalburoto ni Duterte na agad nagbantang ipapawalang bisa ang VFA (Visiting Forces Agreement)—isang kasunduang malaon nang nagsilbing lunduyan ng mahabang pakikibaka ng mamamayan para sa soberanya’t kalayaan.
Pinapain ni Duterte ang usapin ng soberanya na para bang simpleng produktong maaaring ibenta, ipagpalit o ikalakal sa sinumang bansang handa itong sagpangin kapalit ng mga pabor at higit na pangangayupapa sa dayuhang kapangyarihan. Nahuhuli ang isda sa sarili nitong bibig at masusuri mismo sa kanyang mga binitawang salita kung gaano kaliit, kamura at kawalang halaga ang usapin ng teritoryo at soberanya para sa pangulo at gobyerno ng isang bansang may mahabang kasaysayan ng pangangayupapa sa dayuhang interes.
Samantala, kung matagal nang sinuko at kinalakal ng gobyerno ang teritoryo’t soberanya ng Pilipinas, mahaba na rin ang naging kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para patuloy itong ipagtanggol at ipaglaban. Mariing tumutol at aktibong kumilos ang mamamayan laban sa mga makaisang panig na mga kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas na nagpapatuloy hanggang ngayon. Patunay lamang ang mga kasunduang gaya ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement kung paano nananatiling nakagapos ang Pilipinas bilang isang malakolonyang bansa.
May maloloko pa sana ang Pangulo sa kanyang naturang pahayag kundi lang lantaran ang kahungkagan ng kanyang mga salita. Pero kabisado na rin ng taumbayan ang kanyang mga buladas. Lumang tugtugin na ang madalas na eksena: siga’t astig lang sa maliliit at walang pangalang mamamayan pero mabilis namang tumiklop at bahag ang buntot sa mga totoong mapang-api’t mapagsamantala sa lipunan.
Kung may bahid man ng sinseridad at katotohanan ang kanyang banta, walang ibang wastong dahilan para ipawalang bisa ang nasabing kasunduan kundi para sa pagtindig at pagtatanggol sa teritoryo’t soberanya ng bansa— hindi bilang pampalubag loob sa tila nag-aalburotong bata.
Hindi kalakal ang soberanya. Hindi ito nilalako. Hindi tayo magpapalako.