Isang dekada na, wala pa ring hustisya

0
281

Mga larawan nina Peter Joseph Dytioco at Iya Espiritu

Mga larawan nina Peter Joseph Dytioco at Iya Espiritu

Mga larawan nina Peter Joseph Dytioco at Iya Espiritu

Mga larawan nina Peter Joseph Dytioco at Iya Espiritu

Mga larawan nina Peter Joseph Dytioco at Iya Espiritu

Mga larawan nina Peter Joseph Dytioco at Iya Espiritu

Konsiyerto, paggawa ng mural na nagpapahayag ng paghangad ng hustisya, at kilos-protesta ang mga porma ng paggunita ng mga mamamahayag at iba pang sektor sa isang dekada ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao.

Sampung taon na ang nakararaan, noong Nobyembre 23, 2009, minasaker ng armadong tauhan ng naghaharing pamilyang Ampatuan sa kapangalan nilang bayan ang 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, gayundin ang mga tagasuporta, abogado at asawa ng kalaban sa eleksiyon sa pagkagobernador na si Toto Mangudadatu.

Noong Nobyembre 22 ng gabi, nagsagawa ng konsiyerto ang iba’t ibang musikero at artista na tinaguriang Concert for Cause sa Mow’s Bar, sa Matalino, Quezon City para tipunin ang mga mamamahayag at artista na kaisa sa paghangad ng hustisya sa mga biktima ng masaker.

Kasama sa mga nagtanghal sina Chickoy Pura at Dwight Gascon, Juan Miguel Severo, Tarra Quismundo, Danny Fabella, at BLKD x Calix at iba pa.

Madaling-araw kinabukasan, Nobyembre 23, nagpinta ng mural sa Mehan Garden sa Maynila ang mga artista ng Concerned Artists of the Philippines, kasama ang mga mamamahayag, para ipakita ang paghangad ng hustisya gayundin ang pagkondena sa nagpapatuloy na impunity at panunupil sa mga mamamahayag.

Pagkatapos ng pagpipinta ng mural, nagmartsa ang mga mamamahayag at iba pa mula Mehan Garden patungo sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge sa Maynila para igiit sa rehimeng Duterte ang hustisya para sa mga napaslang sa masaker at pagtigil sa impunity sa mga mamamahayag at mamamayan.

Pinangunahan ang kilos-protesta ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

Samantala, nakiisa ang Altermidya – People’s Alternative Media Network sa paggunita sa isang dekada ng kawalang-hustisya sa mga biktima ng masaker sa Ampatuan. Pinagpugayan din ng network ang mga kaanak at tagapagtanggol ng karapatang pantao sa pagpapatuloy ng laban para sa hustisya.

Miyembro ang Pinoy Weekly at PinoyMedia Center, Inc. ng Altermidya.

“Nakita rin natin kung papaano tumindig ang mga kaanak ng mga biktima, mga abogado nila, mga saksi at tagasuporta. Sa kabila ng banta sa kanilang mga buhay, pinakita nila kung ano ang tunay na kahulugan ng katapangan: ang pagsalita ng katotohanan sa harap ng kapangyarihan, kahit pa may private army ito at malawak at malapit na relasyon sa matataas na pulitiko,” sabi ng Altermidya.

Sinabi pa ng network na ang pagbibigay ng hatol sa mga maysala ay makakapag-ambag nang malaki sa hangarin ng lahat na mapawi ang impunity o kultura ng kawalan ng pananagutan sa bansa.

“Magsisilbing liwanag sa karimlan ng tumitinding klima ng takot at impunity sa ilalim ng administrasyong Duterte ang pagdeliber ng hustisya sa mga biktima ng masaker sa Ampatuan,” sabi pa ng Altermidya. Priscilla Pamintuan

Naantalang hustisya

Samantala, sa Davao City, sinabi ni Emily Lopez, presidente ng Justice Now Movement, na umaasa ang mga kaanak ng mga biktima na makakuha ng hatol bago ang ika-10 taong komemorasyon ng masaker sa Nobyembre 23.

Matatandaang itinakdang dedlayn sana ng promulgasyon ng paghatol ang Nobyembre 20.

“Para sa amin, masyadong naantala na. Ang hustisyang hinihiling namin ay naaantala na,” sabi pa ni Lopez.

Sa memorandum nito noong Nobyembre 7, inayunan ni Supreme Court administrator Midas Marquez ang rekwes ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Presiding Judge Jocelyn A. Solis-Reyes para sa 30-araw na ekstensiyon, o hanggang Disyembre 20, para basahin ang desisyon.

Nagpasa ng sulat si Judge Solis-Reyes noong Oktubre 28 na humihiling sa administrador ng Korte Suprema para sa ekstensiyon “dahil sa dami ng rekord ng mga kaso.”

Umabot na umano sa 238 bolyum ang naturang mga rekord, kabilang ang mga rekord ng proceedings, transcripts, at dokumentaryong ebidensiya ng prosekusyon.

Sinabi ni Marquez na nakita ng Korte na “rasonable” ang batayan ng hiling ng hukom. Pero sinabi niyang hindi maaaring iekstend ang 30-araw na ekstensiyon.

“Napakatagal na ng 10 taon ng paghihintay, pero hindi pa sumusuko ang mga pamilya dahil umaasa kami na makakamit ang hustisya sa kasong ito, at mahahatulan ang mga suspek,” sabi pa ni Lopez.

Itinuturing bilang isahang pinakamadugong naiulat na atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan ang masaker sa Ampatuan. Sa naturang masaker, 58 sibilyan ang napaslang kabilang ang 32 mamamahayag noong 2009.

Sinabi ng Committee to Protect Journalists (CPJ), sa 2019 Global Impunity Index nito, na nananatiling isa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng di-resolbadong kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag sa loob ng 10 taon ang Pilipinas.

Malaking bahagi nito’y dahil sa masaker sa Amaptuan, ayon sa naturang grupo.

(May ulat ng Davao Today na isinalin mula sa Ingles ng Pinoy Weekly)