Inalmahan ng iba’t-ibang mga grupo ng manggagawa ang paglulunsad kamakailan ng Joint Industrial Peace and Concern Office (JIPCO) sa mga economic zone sa Gitnang Luzon. Layunin umano ng JIPCO, isang community relations program ng Police Regional Office (PRO)-Central Luzon, na hadlangan na makapag-organisa ang mga militanteng grupo ng mga manggagawa sa naturang rehiyon.
“Direktang atake ang pagtatayo ng JIPCO sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa upang magtayo ng unyon – ang aming lehitimong paraan ng kolektibong paglaban para sa aming batayang interes at kagalingan bilang mga manggagawa. Layunin ng JIPCO na pigilan hindi ang sinasabing ‘radical labor infiltration’ kundi ang mismong karapatan ng mga manggagawa upang organisahin ang sarili at gawaing pag-uunyon,” ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno.
Pinangunahan ng Philippine National Police Region III, kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Philippine Economic Zone Authority (Peza), ang paglulunsad ng JIPCO noong Enero 22, 2020 sa Clark Freeport.
“Tokhang-style” operation
Binuweltahan kapwa ng KMU at Defend Job Philippines ang pahayag ni Brigadier General Rhodel Sermonia, direktor ng PRO-Central Luzon, na diumano’y layunin ng JIPCO na protektahanan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa Ecozone sa rehiyon at pananggalang laban sa mga anila’y rebeldeng komunista na nasa erya.
“Isa itong mekanismo para depensahan ang mga industrial zones mula sa radikal na paggawa na sumusuporta sa NTF-ECLAC ay retorika lamang para sa pagdurog sa mga lehitimong organisasyon na nagdadala ng mga lehitimong kahilingan tulad ng mga unyon na nananawagan para dagdag-sahod, regular na trabaho at implementasyon ng mga istandard sa paggawa, lalo na sa mga economic zones na hindi regulated ng departamento sa paggawa,” ani Labog.
Ayon naman kay Christian Lloyd Magsoy, tagapagsalita ng Defend Job Philippines, walang ibig sabihin ang bagong iskemang ito kundi isang kasangkapan para sa pagsupil laban sa mga manggagawa na nasa industrial zone sa buong Gitnang Luzon. Isinalarawan pa ni Magsoy ang naturang programa bilang “Tokhang-style” na operasyon laban sa mga manggagawa.
Pakana ng NTF-ECLAC
Para sa KMU, malinaw na ang pagkakatatag ng JIPCO ay proyekto ng National Task Force- End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na nabigyan ng mandato sa pamamagitan ng Executive Order 70 ni Pangulong Duterte.
“Kinasangkapan ang National Task Force na umabot ang lawak sa paglabag sa pundamental na karapatan ng mga manggagawa na magbuo ng unyon, na malinaw na nakasaad sa Bill of Rights ng Konstitusyon ng Pilipinas, maging sa International Conventions,” saad ni Labog.
Nauna nang nabuo ang JIPCO sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement na kapwa pinirmahan ng noo’y PNP Chief Police Director General at ngayo’y senador Ronald “Bato” Dela Rosa at BGen Charito Plaza, Director General ng Peza noong Marso 26, 2018. Nakasaad sa layunin ng JIPCO ang pagharap sa mga usapin ng seguridad, mga reklamo at iba pang bagay sa lugar ng trabaho at pagsugpo sa kawalang-batas na nangdidistorbo sa anila’y industrial peace.
Pormal itong inilunsad bilang programa ng PNP-Police Community Relations Group, na noo’y nasa pamunuan ni Sermonia, noong Hulyo 2019. Inihayag ni Sermonia na magkatuwang ang PNP at Peza na labanan ang banta diumano ng mga radikal na unyon o kaalyado ng NPA gayundin ang mga krimen sa mga economic zone.
Nang italaga bilang direktor ng Police Regional Office III si Sermonia noong Nobyembre ng nakaraang taon, tinukoy nito ang pag implementa ng JIPCO sa iba’t-ibang economic zones mula Subic, Clark hanggang Mariveles at sa mga erya ng Bulacan, Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija na kung saan umiiral ang industrial zones at may mga unyon ng mga manggagawa. Ipinagpapagpapalagay ni Sermonia na isang mayor na flashpoint para sa insurhensiya ng mga komunista at sa diumano’y white area operations nito ang Gitnang Luzon.
Itinalaga din si Carlito Galvez Jr., Presidential Peace Adviser at Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) para sa Gitnang Luzon na pangasiwaan ang implementasyon ng EO 70 at ang “whole-of-nation” approach kaugnay ng kontra-insurhensyang programa ng gobyerno.
“Taliwas sa propagandang ipinapakalat ng puwersang panseguridad laban sa mga unyon ng manggagawa, ang mga lakas-paggawa, lalo na sa mga special economic zones, ay bulnerable hindi mula sa mga rebelde kundi sa mga tusong kontra-unyong mga dayuhang namumuhunan. Ang kailangan ng mga manggagawa sa loob ng mga ecozone ay mga incorruptible na mga labor offices o desks at hindi ang mga detatsment ng PNP,” ani Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido ng Manggagawa.
Dagdag pa ni Magtubo, bago pa man ilunsad ang JIPCO, militarisado na ang mga ecozone sa Gitnang Luzon. Nakaranas na diumano ng harasment mula sa mga sundalo at pulis ang mga lider ng unyon – pinadalhan ng mga sulat ng pagbabanta sa mga organisador ng manggagawa at nagpatawag ng kontra-unyon na pulong kasama ang mga manggagawa – sa FCF Manufacturing Corp., pabrika sa Freeport Area ng Bataan na gumagawa ng high-end leather bags.”
Naging daan ang presensya ng mga pulis at sundalo sa mga ecozone para patindihin ng Peza, katuwang ang mga kapitalista, sa union busting at pagsikil ng karapatan ng mga manggagawa. Nung nakaraang taon, malaki ang naging papel ng PNP sa pagbuwag ng mga welga ng manggagawa sa PEPMACO at Nutriasia na kapwa nasa ecozone sa Cabuyao at Calamba, Laguna.
Bukod pa ito sa mga kaso ng temporaryong pagsasara ng mga kapitalista, kasabwat ang Peza, ng kanilang mga pabrika nang magbuo ng unyon ang mga manggagawa tulad ng ASAPHIL sa Clark Freeport Zone. Ibinahagi ng tsapter ng Kilos Na Manggagawa sa Gitnang Luzon, tumatayong organisador ng mga manggagawa sa ASAPHIL, matapos umanong manalo ng unyon sa certification election, nagpatupad ang kapitalista ng forced leave sa mga manggagawa na tumagal ng 5 buwan hanggang sa magdeklara na magsasara na ang pabrika.
“Labanan ang JIPCO!”
Nanawagan ang KMU sa lahat ng mga manggagawa at mamamayan na maglunsad ng mga aksyon upang pigilan ang implementasyon ng JIPCO sa Gitnang Luzon at mga kahalintulad na pormasyon sa iba pang panig ng bansa. Ani Labog, “ang iilang malalaking kapitalista lang ang makikinabang mula sa pagdurog ng mga unyon sa mga economic zones.”
Samantala, sinabihan naman ng Defend Job Philippines ang PNP na tantanan ang mga manggagawa sa kanilang karapatan sa pag-oorganisa ng mga unyon. Ayon pa sa grupo, sa kabila ng patuloy na bumabagsak ang bilang ng mga unyonisadong manggagawa kada taon, dumadagdag diumano ang PNP sa paglala ng nakakaalarmang usapin na ito.
Sa kabila ng panibagong banta ng pagsupil ng estado sa mga mga ecozone sa Gitnang Luzon, palaban pa rin ang tindig ng mga manggagawa ng ASAPHIL katuwang ang Kilos Na Manggagawa. Anila, tuloy ang laban upang makamit ang kanilang karapatan at maging huwaran sa iba pang pinagsasamantalahang manggagawa. Naghahanda ang mga naturang manggagawa para iputok ang kanilang welga.