Kabigin pabor sa bayan

0
214

Napakaganda ng tindig ni Pasig City Mayor Vico Sotto para sa 23 manggagawang nakawelga ng Regent Food Corp. na ilegal na inaresto noong nakaraang linggo.

Sa isang Facebook post na inilabas ng batang alkalde noong Nobyembre 17, sinabi ni Sotto na magmula nang damputin ng mga pulis ang mga manggagawa, kabilang ang dalawang tagasuporta at isang traysikel drayber, sinikap na niyang makialam para sa mga nahuli. Hiniling niya sa manedsment na ibasura na ang kaso laban sa kanila, dahil ipinaglalaban lang nila ang mga karapatan nila.

Sabi niya sa kanyang post, nakita mismo ni Sotto kung paano nagmatigas ang manedsment – sa kabila ng pakikipag-usap niya, at sa kabila, siyempre, ng pagiging makatwiran ng posisyon ng mga nakawelgang manggagawa.

Ipinakita rin ng alkalde na hindi siya bulag sa kabulukan at pagiging tagibang ng sistema ng hustisya sa bansa. “Sinabi nila (manedsment) na ‘magtitiwala (na lang) sila sa prosesong hudisyal” – na siyempre, madaling sabihin bilang mga multimilyonaryo na kumakain nang tatlong beses sa isang araw ano man ang mangyari rito; habang ang hinablahan nilang mga tao ay nawalan ng pangunahing pinagmumulan ng kita at ngayon pa’y nawalay sa kanilang mga pamilya.”

Nanawagan siya muli sa manedsment, ngayon sa harap na ng publiko, na palayain ang mga manggagawa. “Hindi sila mga kriminal; wala silang pakay na saktan kayo (manedsment),” ani Sotto.

Sa huli, kinondena niya ang paggamit diumano ng kompanyang Regent sa posisyon nito para supilin ang mga manggagawa. “Kung gusto ninyong magkaroon ng malusog na relasyon sa ating lungsod, iminumungkahi kong pag-isipan ninyo ang posisyon ninyo.”

Matapang at prinsipyado ang posisyon ni Sotto. Kahanga-hanga at dapat suportahan ang kanyang pagtindig sa mga paglaban ng mga manggagawa, lalo pa’t hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ito.

Kailangang lalong palawakin ng mga manggagawa at mamamayan ang suporta para sa demokratiko at makatarungang mga panawagan nila. Napakagandang simula ang makuha ang suporta ng isa sa pinakabata at karismatikong opisyal ng lokal na gobyerno.

Gayundin, may pagkakataon ding mahimok ang ibang mga katulad ni Sotto. Ang alkalde ng lungsod ng Maynila na si Isko Moreno, halimbawa, dating nakapalagayang-loob ng mga progresibo, at kahit na ng National Democratic Front noong nakikipagnegosasyon pangka-payapaan pa ito sa rehimeng Duterte.

Kahit di nakasundo sa usapin ng graffiti sa Lagusnilad, masasabing may oportunidad pa ring makaalyado ng mga mamamayan sa ilang isyung pambayan si Moreno. Siyempre, patuloy ang paggiit sa kanya ng karapatan ng mga vendor at maralita na tila’y nawawalis sa kanyang cleanup drive sa lungsod. Gayunman, walang mawawala na subukang makabig pa pabor sa taumbayan.