Kalaban, hindi kakampi

0
171

Traydor, taksil, tuta. Ang mga salitang ito ang eksaktong magsasalarawan kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagharap nito sa usapin ng pagtatanggol ng mga teritoryo ng Pilipinas laban sa panghihimasok ng China.

Bago maganap ang ika-limang pagbisita nito sa China, ipinagmayabang ni Pangulong Duterte na igigiit nito kay President Xi Jinping ng China ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng ating bansa ang West Philippine Sea. Nang makaharap si Xi, bumahag ang buntot ni Duterte. Taliwas sa sinasabing “igigiit” ang nasabing ruling, mapagkumbaba at mahinahong sinambit ng Pangulo ang nasabing ruling ng PCA sa karagatang inaangkin ng China. Humingi pa diumano ng paumanhin ang Pangulo sa pagbanggit nito sa nasabing desisyon dahil ito daw ang “gusto” ng mga Pilipino. Kinilala ni Xi ang paumanhin, ngunit hindi ang desisyon.

Higit pang nakakakapagngalit sa naturang Duterte-Xi miting ay ang pagpayag ng Pangulo sa joint-exploration ng oil at gas resources sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Ibinuyangyang muli ni Pangulong Duterte ang likas na yaman at rekurso ng Pilipinas sa higit pang pandarambong ng China.

Pambihira! Isa lang ito sa iba’t ibang tipo ng mga kasunduan – ligal at iligal – na pinasok ni Duterte na sobra ang pagpabor sa China. Ilan sa halimbawa nito ang Kaliwa Dam (P 18.724 bilyon) at Philippine National Railways (PNR) South Long-Haul (P175 bilyon) na pautang ng China na may mataas na interes. Di bale nang dehado ang Pilipinas at magdusa ang mga Pilipino, wala itong kaso kay Duterte basta’t siya at kanyang mga alipores – mga kamag-anak, kaibigan, negosyante at pawang mga tauhan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na maka-China – ay nakikinabang sa mga kasunduang ito.

Dapat ngayon ay malinaw na sa bawat makabayang Pilipino na si Pangulong Duterte ay isang kalaban, hindi kakampi – traydor sa soberanya ng bansa, taksil sa lahing Pilipino at masunuring tuta ng mga amo nitong dayuhan tulad ng US at China. Kung hindi ganito ang iyong pagtingin, aba’y gumising ka na!

Kaya nakasalalay sa pagkakaisa natin na mga tunay na makabayan at nagmamahal sa inang bayan ang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas laban sa pang-ekonomiko at pangmilitar na panghihimasok ng China.