Noong Pebrero 14, pinatawag ni Onie Matias, chairman ng Barangay 175 Camarin ng Caloocan City, si Maricor Zablan, isang miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Caloocan.
Sa barangay, nagpakilala sa kanya ang isang Major Jeoffrey Braganza ng Philippine Army. Nagtanong ito tungkol sa progresibong mga organisasyon: Gabriela, Kadamay at Bayan Muna, at kung sino-sino ang mga miyembro nito sa Camarin. Hindi niya ito sinagot. Sunod na buwan, Marso 27, sa bahay na siya pinuntahan ni Major Braganza. Sa pagkakataong ito, may kasamang pananakot: Huwag na raw sumama sa mga organisasyon ng Gabriela, Bayan Muna at Kadamay.
Samantala, Pebrero 18 naman nang ipatawag sa parehong barangay si Eufemia “Nanay Mimi” Doringo, kilalang pambansang lider ng Kadamay. Nagpakilala muli si Major Jeoffrey Braganza bilang bahagi raw ng JTF-NCR o Joint Task Force-National Capital Region ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Magsasagawa raw sila ng peace caravan at hinihikayat niya si Nanay Mimi na imbitahan siya sa mga meeting ng Kadamay. Nagalok din si Braganza ng mga proyektong pangkabuhayan, at nagpapatulong na makapagpaniktik sa Kadamay, pati sa lokal na homeowners’ association. Nagpalitrato pa ang dalawang militar sa kanya para daw sa dokumentasyon.
Sa panahon ng eleksiyon at lalo na pagkatapos nito, biglang dumami ang bilang ng mga sundalong pumupunta sa mga komunidad sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (Camanava) at Quezon City, lalo na sa mga komunidad na may nakatayong mga tsapter ng Kadamay, Gabriela at Bayan Muna. Nitong Hunyo, nagkampo na sila sa Camanava.
Samantala, mala-Martial Law na pamamaraan ng kontra-drogang operasyon katulad ng Oplan Tokhang at kamakailang nangyari sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila noong Agosto 11. Dito, ginamitan ang mga residente ng pag-sona (zoning) o pagsara/ pagkordon sa buong barangay, at pagtipon sa lahat ng kalalakihan.
Laganap umano ang ilegal na pag-aaresto at pagtratong suspek silang lahat.
Kontra-insurhensiya sa masa
May pumipihit na nakakabahalang sitwasyon sa Kamaynilaan, ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao.
Habang tumitindi ang paglaban ng mga mamamayan para sa karapatan sa maayos na pabahay at kabuhayan, tumitindi rin ang pag-atake sa kanilang mga komunidad at mga organisasyon at indibidwal na aktibong nagsusulong sa mga karapatang ito.
Imbes na harapin at tugunan ng administrasyong Duterte ang kaliwa’t kanang hinaing ng mga mamamayan sa Metro Manila, kanyang pinakawalan ang isang kontra-insurhensiyang prog-ramang Implan Kalasag o Implementation Plan Kalasag
Nakapaloob ang planong ito sa pambansang programa ng kontra-insurhensiya na Oplan Kapanatagan. At dahil giyera ang tuntungan ng programang kontra-insurhensiyang ito, nagmimistulang nasa giyera ang malalaking lungsod sa Metro Manila kung saan naroroon ang malalaking laban ng mga komunidad sa mga planong demolisyon ng gobyerno.
Narito ang tanong-sagot hinggil sa bagong pangyayaring ito.
Bakit nagkakampo ang militar sa Camanava?
Isa sa pinakamahirap na distrito ng Metro Manila ang Camanava.
Dahil sa daungan at mga pabrika, maraming bilang ang nakatirang mga manggagawa at mala-manggagawa. Malaki rin ang bilang ng informal settlers, mga mamamayang naghihintay na matanggap sa trabaho sa mga pabrika at daungan.
Tampok ang Camanava area sa mga lugar na nilagyan ng proyektong Build, Build, Build ni Pangulong Duterte. Ang NLEX Harbour Link ng Segment 10, isang 8.25-kilometrong, apat na lane na nakataas na expressway na nagdudugtong sa MacArthur Highway sa Karuhatan, Valenzuela City, Radial Road 10 ng (R- 10) Navotas City, dadaanan ang Malabon at Caloocan patungong daungan sa mga piyer ng Metro Manila.
Maraming komunidad ang tinamaan ng proyektong ito. Maraming bilang ng kabahayan ang sinira upang magbigay-daan sa konstruksiyon ng haywey na ito na nagbunsod ng malaking bilang ng mga mamamayang sapilitang pinalikas, naging informal settlers sa ilang komunidad pa.
Kilala rin ang Camanava sa kasaysayan ng mga komunidad sa Metro Manila na may malalakas na laban ng manggagawa sa pabrika at mga komunidad sa demolisyon.
Galing sa Joint Task Force- National Capital Region (JTF-NCR) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pumasok na mga militar.
Ayon sa website nito, JTF-NCR ang bahagi ng militar na “inatasang labanan ang terorismo-insurhensiya at umakto bilang suportang mga yunit sa Philippine National Police (PNP)-NCR sa pagmamantine ng peace and order sa Metro Manila.”
Kasama umano ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng PNP at iba pang ahensiya tulad ng Departament of Interior and Local Government (DILG) na namamahala sa mga baranggay, ang mga militar ng JTF ang mamamahala sa implementasyon ng Oplan Kalasag sa Metro Manila.
Ano ang Implan/Oplan Kalasag?
Nilagdaan ng mga pulis at militar ang Implan Kalasag noong Marso 18 bilang tugon sa panawagan ni Duterte na sugpuin na ang “terorismo-insurhensiya” sa buong bansa sa pamamagitan ng “whole-of-nation” na pamamaraan o ang paggamit ng lahat ng instrumento ng estado para sugpuin ang insurhensiya.
Ibig sabihin, insurhensiya na idinidikit sa terorismo, ang pangunahing nakikitang problema sa Metro Manila ng administrasyong Duterte.
Sa ilalim ng plano, na tatagal hanggang Disyembre 31, 2022, ang dalawang panig ay magsasagawa ng magkasanib na seguridad, kapayapaan at kaayusan at operasyon ng suporta sa pag-unlad upang talunin ang lahat ng mga grupo ng pagbabanta at mga elemento ng kriminal, kabilang ang mga insurhensiya ng komunista.
Sa Metro Manila, ang pinagdudahan ng Joint Task Force na mga komunista ang progresibong mga organisasyon tulad ng Kadamay, Gabriela, Bayan Muna, Kabataan Party-list at Anakbayan at mga lider-aktibista ng mga komunidad sa pamamagitan ng direktang pag-aakusa sa kanila bilang mga prente ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army sa kalunsuran.
Kasagsagan ng kampanya noong eleksiyon nang makita sa Metro Manila ang mga polyeto at posters na nagsasabing mga prente ng NPA ang progresibong mga organisasyon. Sa pamamagitan ng mga serye ng posts sa Facebook ng isang undersecretary ng DILG, napag-alaman na ang DILG mismo ang pangunahing nagpapakalat ng mga disimpormasyon na ito.
Nagsasagawa ang mga militar ng mga porum sa mga eskuwelahan at komunidad kung saan direkta nilang pinapangalanan ang progresibong mga organisasyon bilang mga prente ng NPA.
Ang mga kilalang lider ng Kadamay at Gabriela sa komunidad ang karaniwang pinapatawag ng mga militar sa barangay para kausapin at aluking mag-ulat tungkol sa iba pang lider ng mga organisasyon.
Ano ang Oplan Kapanatagan at Whole of Nation Approach?
Pinapartikularisa ng Implan/Oplan Kalasag sa Metro Manila ang nilagdaang Executive Order 70 ni Duterte noong Disyembre 4, 2018, ang pagbubuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng “whole-of-nation” approach.
Ang EO70 ay nagbabalangkas ng “whole-of-nation” na pamamaraan para sugpuin ang insurhensiya. Kabilang dito ang paglulunsad ng lokal na mga usapang pangkapayapaan imbes na pambansang sakop, paggamit sa mga sibilyang institusyon o mga ahensiya ng gobyerno bilang parte ng estratehiyang militar, at iba pang pamamaraang gumagamit ng kumbinasyong opensibang militar at “diplomatiko” para sa kontra-insurhensiya.
Matingkad na ekspresyon nito ang pagpapangibabaw ng sektor ng seguridad at militar sa pamamahalang sibilyan.
Nagiging matingkad ang papel ng sandatahang lakas at ng security and intelligence sector sa pagdesisyon paano tugunan ang mga pakikibaka ng mga mamamayan sa kanilang karapatan at hinaing laban sa administrasyon ni Duterte.
Layunin ng kontra-insurhensiya na gawing ilegal at ikriminalisa ang mga napaglaban na nating mga karapatan – pag-oorganisa, pagtitipon, pagbubuo ng mga union, pagpoprotesta at maging ang pagpapatalsik ng isang tiwaling presidente. Makikita ito sa paggamit nila sa husgado at Department of Justice para magsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga lider ng progresibong mga organisasyon. Makikita rin ito sa mga panggigipit sa mga organisasyong legal, katulad ng pag-aakusang prente sila ng NPA at pagkuwestiyon sa pinanggagalingan ng kanilang mga pondo.
Ginagamit na instrumento din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philhealth ng Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya sa sektor ng pagbibigay ng serbisyong sosyal para kontra-insurhensiya. Nag-aalok sila ng mga panandaliang “livelihood projects” at cash benefits mula P25,000 hanggang P80,000, upang pahupain ang mga pakikibaka ng mga tao para sa lupa, trabaho at iba pang karapatan.
Sa mga probinsiyang mayroong presensiya ng NPA, kasabay ng mga all-out war at pambobomba sa komunidad, nagsasagawa din ang AFP ng sapilitang pagsuko sa mga sibilyan sa komunidad sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (Eclip). Tinitipon ang mga residente sa komunidad, binibigyan ng lektyur hinggil sa mga kasamaan ng komunismo, pinapapirmahan ng forms, pinapasumpa sa watawat ng Pilipinas, kinukuhanan ng litrato at inuulat na mga NPA surrenderee.
Layon nito na ibaling ang mga hinaing ng mga mamamayan laban sa mga katiwalian at korupsiyon ng gobyerno, mapaminsala at anti-mamamayang programa, paniniil sa mga karapatan sa pamamagitan ng pananakot sa mga mamamayan sa banta ng komunismo.
Ano ang mga nilalabag na karapatan ng mga mamamayan sa Implan/Oplan Kalasag?
Bahagi ng pagbabanta, panggigipit at pananakot (threat, harassment and intimidation) ang pakikipag-usap ng mga militar sa mga lider-aktibista ng progresibong mga organisasyon at pagkampo sa kanilang mga komunidad.
Porma ng interogasyon ng militar ang pakikipanayam sa mga lider-aktibista na naglalayong makakuha ng impormasyon sa kanila, tratuhin silang “sumuko sa gobyerno” sa pamamagitan ng pagtakwil sa organisasyon at pagturo pa ng ibang kilalang lider.
Ang “red-tagging” ay pag-aakusa na may ginagawang krimen ang mga lider-aktibista – mga lider-manggagawa, lider ng mga homeowners association, lider ng kabataan, kababaihan at iba pang sektor – sa tuwing sila’y nagpupulong, nag-oorganisa at nagsasagawa ng mga protesta.
Katulad na lang sa seminar sa pabrika ng Millenium Legacy Aluminum Corporation sa Valenzuela City noong Hunyo 27.
Dito, tahasang sinabi ng AFP sa pamumuno ng isang Major Carino at ng PNP na huwag daw mag-unyon ang mga manggagawa dahil makakasira lang ito sa pabrika at sa kanilang mga trabaho. Nagpalabas din ang AFP at PNP ng maikling bidyo na pinamagatang “Welga”. Sa bidyong ito, pinalalabas na ang mga unyon diumano’y “prente” lang ng rebeldeng mga grupo partikular ng Kilusang Mayo Uno.
Noong Hulyo 4, aabot sa 13 hanggang 15 sundalo lulan ng isang 6×6 trak ang nagpunta sa Camarin High School at nagsagawa ng forum at film showing na nagdadawit sa mga organisasyong Gabriela, Kadamay, Anakbayan, Bayan Muna sa komunismo pati na rin ang kasamaan ng CPP at ni Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Noong araw ding iyon, naganap naman sa Malabon ang pagsarbey ng mga miyembro ng Philippine Marines sa mga residente ng Bgy. Catmon. Sa pamumuno ng nagpakilalang Sgt. Chona Gamaru, nagbanggit ang mga sundalo na alam nilang may nakatirang mga miyembro ng NPA sa Catmon, partikular kung sa opisina ng Kadamay at Gabriela sa may dumpsite ng Bgy. Catmon.
Noong Hulyo 22, muling binisita ni Sgt. Chona ang dumpsite at sinabing huwag sumali ang mga miyembro sa malaking kilos-protesta noon sa Commonwealth ng United People’s SONA (State of the Nation Address).
Noong Hulyo 25, pinatawag naman ng nagpakilalang Sgt. Molina si Marlen Oryales, sektretarya ng Pamakay, asosasyon ng homeowners sa Bgy. Tala ng Caloocan City. Kilala ang organisasyong Pamakay na miyembro ng Kadamay na kilalang lumalaban sa tangkang mga demolisyon sa kanilang lugar. Nagbigay ng form ang mga sundalo at nagsabing bibigyan ng livelihood ang mga sasagot sa form.
Noong Hulyo 26, bumalik ang mga militar sa may Robes, Camarin, Bgy. 175. Nagpalabas sila muli ng dokumentaryo na nagdidiin sa progresibong mga organisasyon bilang prente ng CPP-NPA. Namahagi muli ang mga sundalo ng form at sinabing sagutan ito ng nagboluntaryong mga tanod at pinangakuan ng livelihood ang mga tanod.
Ano pa ang ibang porma ng banta sa mga mamamayan?
Mayroon din mga banta sa buhay ng mga lider-manggagawa at lider-komunidad.
Noong Hunyo 27, nakatanggap ng mensahe ng pagbabanta sa kanilang mga buhay sina Richard Maghuyop at Jayson Manansala mula kay “John Castillo” at “Lu Pin”, kapwa mga fake account sa Facebook at Messenger.
Si Maghuyop ang unang tumayong pangulo ng unyon at si Manansala naman ang kasalukuyang ikalawang pangulo ng unyon sa Millenium Legacy Aluminum Corp.
Ang insidente ay nangyari matapos na magsagawa ng seminar sa loob ng kanilang pabrika ng ang manedsment kasama ang AFP at PNP sa pangunguna ni Police Major Carino.
Sa ilalim ng pasistang pamumuno ni Duterte, ano ang naging mga tampok na paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan ng Camanava?
Camanava ang isa sa mga pinaglunsaran ng madugong Oplan Tokhang ni Duterte.
Tampok sa pinakamadugong mga insidente ay nangyari sa Caloocan City mula 2016 hanggang 2018. Tinambakan ng police checkpoints ang mga lugar ng Camanava, at nagsasagawa ng madudugong reyd ang mga pulis sa mga komunidad at mga extrajudicial killing.
Sa Caloocan City, mariing tinutulan ng mga mamamayan ang mga pagtatayo ng police checkpoints na arbitraryong pinahihinto, kinakapkapan ang mga motorista at mga pasahero.
Noong Setyembre 2017, sinibak ng noo’y NCRPO chief Gen. Oscar Albayalde ang buong 1,200-puwersa ng kapulisan ng Caloocan City kasunod ng kontrobersiyal na pagpatay sa mga tinedyer na sina Kian Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo de Guzman, at Lenin Baylon noong nakaraang taon. Sa Malabon naging tampok naman ang mga pagpatay sa mga dati nang sumuko sa mga pulis na mga drug addict.
Ang Oplan Tokhang at ang mga sumunod na bersiyon nito, katulad ng Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang Reloaded, ay nagsilbing pamamaraan ng gobyerno para bigyan-katwiran ang paglabag sa karapatang pantao katulad ng pagpatay gamit ang rasong “nanlaban,”, walang pakundangang pamamaril sa mga komunidad, pagsagawa ng zoning sa mga komunidad, pagtatay ng mga checkpoints at pag-aresto.
Karamihan sa mga pamilya ng biktima ng Oplan Tokhang ay nanggaling sa Caloocan City. Binuo nila ang Rise up for Life and for Rights, isang koalisyon ng mga pamilya na ang mga anak o mahal sa buhay ay hinawakan at pinatay ng pulisya ng rehimeng Duterte dahil pinaghihinalaang sila’y adik. Nagsasagawa sila ng mga porum na nagpapalaganap ng karapatang pantao sa mga lugar na pinaglunsaran ng Oplan Tokhang.
Malaki ang naging tulong ng simbahan sa Camanava, lalo na ang simbahan ng Caloocan City kung saan ang Obispo nitong si Pablo Virgilio David ay isa sa mga kritiko ng Oplan Tokhang.