Tinuturing na “last frontier” o pinakahuling bahagi ng kagubatan sa Luzon na nananatiling buo at hindi pa nayuyurak ang Sierra Madre. Binabaybay ng bulunduking ito ang 10 probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon.
Ito rin ang pinaka-mahabang bulubundukin sa buong Pilipinas na umaabot sa 1.4 milyong ektarya na lupang saklaw.
Sa pagpapatayo ng dam na babara sa Ilog Kaliwa, nangangab ang kabundukang ito.
Sentro ng biodiversity
Bilang “gulugod ng Luzon,” kinakatawan ng laki ng Sierra Madre ang 40 porsiyento ng kagubatan o forest cover sa buong Pilipinas.
Bukod dito, kabilang din ang Sierra Madre sa iilang natitirang old-growth forests sa bansa. Nangangahulugan ito ng napakataas na lebel ng biodiversity o pag-iiba-iba at pagiging katangi-tangi ng nabubuhay na mga hayop at halaman dito. Katunayan, isa ang Pilipinas sa 17 bansa sa buong mundo na tinuturing na megadiverse.
Ibig sabihin, tahanan ito sa pinakamalaking bilang ng samu’t saring halaman at hayop na karamiha’y matatagpuan lang sa Pilipinas. Matatagpuan ang malaking bahaging ito sa kagubatan ng Sierra Madre.
Bukod sa halaga nito sa biodiversity, may malaki ring papel na ginagampanan ang bulubunduking ito sa pagprotekta sa mga mamamayan ng Luzon laban sa pinakamararahas at pinakamapaminsalang mga bagyo. Dahil sa haba, taas at laki na saklaw nito, nagsisilbi ang Sierra Madre bilang epektibong moog na nagpapahina sa mga bagyong dumaraan dito. Hindi mahirap isipin na kung wala ang Sierra Madre, labis-labis na pinsala at libu-libong buhay ang kikitilin ng malalakas na mga bagyo sa mga probinsiyang pinoprotektahan dapat nito.
Pero sa nakalipas na mga dekada, patuloy na kumakaharap sa mga banta ng degradasyon at pagkawasak ang Sierra Madre. Bilang sentro ng biodiversity at tahanan ng samu’t saring likas yaman, lagi’t lagi rin itong puntirya ng mapaminsalang mga gawain ng tao sa ngalan ng negosyo’t kapital na gaya ng pagmimina, illegal logging, ilegal na pangangaso at pagtatayo ng mga mega dam.
Bagong pagkukunan ng tubig?
Kabilang sa huling nabanggit ang planong pagtatayo sa Kaliwa Dam, isang kasunduang official development assistance (ODA) na popondohan ng China at nagkakahalagang P12.2-Bilyon. Tinatawag ding New Centennial Water Source Project, bahagi ito ng proyektong Build, Build, Build ng gobyerno at layunin diumano ng konstruksiyon nito na masolusyonan ang problema sa tubig ng mga mamamayan ng Metro Manila.
Saklaw ng itatayong dam ang mga bayan ng General Nakar at Infanta, Quezon na makakaapekto sa humigit kumulang 150,000 mamamayan. Bukod pa rito, itatayo ang Kaliwa Dam sa loob mismo ng Kaliwa Watershed Forest Reserve, protektadong erya sa ilalim ng Proclamation No. 573 noong 1968 at Proclamation No. 1636 noong 1977.
Sa pahayag ng mga organisasyong tumututol sa pagtatayo ng Kaliwa Dam, naniniwala ang mga ito na magreresulta ang konstruksiyon sa pagkalunod ng 291 ektarya ng kagubatan na nasa loob ng Kaliwa Watershed.
Sinasabing walang kapantay ang idudulot nitong pinsala sa usapin ng biodiversity at sa lahat ng mga nilalang na nakadepende rito — mga pinsalang hindi na kailanmang mababawi.
Tagapagtanggol
Sa loob ng ilan daang taon bago pa man dumating
ang mga Espanyol sa bansa, matagal nang nagsisilbing tahanan ng mga Dumagat ang Sierra Madre. Dahil dito, sila rin ang pinakamasugid na mga tanod at pinakamagigiting na tagapagtanggol ng kagubatan at likas-yaman nito.
Saklaw ng pagtatayo ng Kaliwa Dam ang ilog ng Tinipak, isang sagradong lugar para sa mga Dumagat at mahalaga ring pinagkukunan ng kabuhayan nila. Ito rin ang pinagmumulan ng kanilang mga halamang gamot gayundin ng ginto at mayayamang mineral.
Bukod sa malawakang pinsala sa kalikasan na idudulot ng konstruksiyon, nakatakda ring palayasin ang mga Dumagat sa kanilang lupang ninuno na ilang daang taon na nilang nililinang at pinangangalagaan.
Ayon kay Wilma Quierrez, tagapangulo ng Dumagat Sierra Madre, lantarang niyurakan ang karapatan ng katutubo nang sinimulang itayo ang isang daan o access road mula sa Sitio Kamagong sa Brgy. Magsaysay sa Infanta patungong Sitio Queborosa, Brgy. Pagsangahan sa kalapit na bayan ng General Nakar sa probinsiya ng Quezon para sa konstruksiyon ng dam.
Sa ilalim ng batas, kinakailangang humingi ng FPIC (Free Prior and Informed Consent) mula sa mga katutubo kung maaapektuhan ang mga lupang saklaw ng kanilang lupang ninuno. Dagdag ni Quierrez, marami sa mga Dumagat na dumalo sa konsultasyong sinagawa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang bumoto laban sa proyekto.
Laban ito ng mga Dumagat na sumasaklaw na ng ilang henerasyon. Pagbabahagi ni Quierrez, maliit pa lang siya, saksi siya kung paano rin tinutulan ng kanyang mga magulang at ng henerasyon nito ang pagtatayo ng malalaking dam. Gaya ng mga ito, handa siyang ialay ang buhay para sa pagtatanggol ng Sierra Madre at ng kanilang lupaing ninuno.
“Hindi namin kayang mamatay nang walang halaga. Ipagtatanggol namin ang aming lupa,” aniya.
Di-solusyon
Sa isang porum ng kampanyang No to National Centennial Water Source Project (NOtoNCWSP) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, nagkaisa ang mga reactor sa pagsasabing mayroong mas mabuting mga alternatibo para sa karagdagan at pangmatagalang suplay ng tubig para sa Maynila at mga karatig na probinsiya kaysa pagtatayo ng Kaliwa Dam.
Ilan dito ang opsiyon para sa pagkolekta ng tubig-ulan o ‘di kaya’y rehabilitasyon ng Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal sa halip na magtayo ng panibagong dam na lubhang magpapalala sa kritikal nang kalagayan ng mga watershed sa bansa.
“Sa huli, ang kailangang gawin ng gobyerno ay lubos na pangangalaga sa pinagkukunan ng tubig at ang pagtitiyak ng paglalaan at distribusyon nito sa publiko batay sa pangangailangan ng mga mamamayan nang hindi niyuyurakan ang karapatan at kapakanan ng mga katutubo gaya ng mga Dumagat ng Sierra Madre,” paliwanag ni Teddy Casiño ng Water for the People’s Network.