Kampuhan ng maralitang lungsod, inilunsad

0
177

Inilunsad ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang kanilang Kampuhan ng maralitang tagalungsod. Sa pagbubukas ng kanilang aktibidad nitong Enero 23, unang tinungo ng grupo ang opisina ng National Housing Authority (NHA) at doon nagsagawa sila ng maiksing programa.

Sa tarangkahan ng naturang opisina, giit nila ang pabahay na lag’t laging ipinagkakait sa kanila, kahit pa napagtagumpayan nilang gisingin ang gobyerno mula nang isagawa nila ang pagkilos nilang Occupy nitong mga nagdaang taon.

Ngunit sa pagkakataong ito, sa patuloy na pagliit ng espasyo at paggipit sa tulad ng mga maralitang lungsod sa North Triangle sa Quezon City at sa mga nasa Pandi, Bulacan, na sumali sa Occupy, higit na sa pagigiit sa pabahay ang kanilang ipinaglalaban.

Pabahay, para sa lahat

“Pagpapakita ito ng ating paglaban para sa ating Karapatan sa pabahay, krapatan sa trabaho. Lalong lalo na ngayon na tumitindi ang kahirapan. Titindi pa ang krisis sa taon na ito, at dehado ang mga maralita dito,” ani Bea Arellano, Tagapangulo ng Kadamay.

Nakaamba rin ang marami pang demolisyon sa mga kabahayan, sa pag-igting ng progamang Build Build Build ng gobyerno. Sa datos na nakalap ng Kadamay, sa 15 pa lamang mula sa 100 na proyekto ng gobyerno, may 504,495 pamilya ang maaapektuhan. “hindi talaga kaunlaran ang dulot ng BBB, kundi kawalan ng bahay at kahirapan,” anas ni Arellano.

Tinututulan rin nila ang paglipat ng kapangyarihan ukol sa pabahay sa mamamayan mula sa NHA patungo sa Department of Socialized Housing and Urban Development, o DSHUD.

“Lalong na itong tutungo sa negosyong pabahay,” daing ni Arellano. “Pribatisasyon na ang magpapatkbo dito. Ililipat na ng NHA, ng pamahalaan sa pribadong entidad ang pabahay, at iyon na ang maghahabla sa maralita kapag hinddi nakabayad.” Ayon sa grupo, mistulang pagpapabaya ito ng gobyerno at pagtalikod sa kanyang responsibilidad sa mamamayan.

Iba pang karapatan

Kasama rin sa pagigiit nila ang mga natatanggap nilang panghaharas at red-tagging ng estado. Naging sunud-sunod ang illegal na aresto sa kanilang mga miyembro, at karahasan at pangingikil laluna sa anila’y nga pekeng sumuko sa gobyerno.

Isa sa atake sa kanila ang mga fake surrenderees. Paliwanag ni Arellano na isa lamang itong gatasan ng gobyerno, sa pamamagitan ng malaking halaga sa Enhanced Comperehesive Local Integration Progam o E-Clip. Dugtong pa ni Arellano, ang mga pekeng sumuko na ito rin ang nagpasimuno ng karahasan na nakatuon sa mga miyembro ng Kadamay, tulad ng nangyayari aniya sa Pandi, Bulacan.

Dugtong pa ang pagkakaroon ng grupong tinawag na “Pro-Government’ sa komunidad ng mga na-occupy ng Kadamay. Paliwanag ni Arellano na pilit na pinapasuko ng naturang grupo ang mga miyembro ng Kadamay upang mas magkaroon umano ng akses sa pabahay. “Pinupulitika ang usapin ng pabahay, na dapat ay isang serbisyong panlipunan.”

“Napakahirap ispelingin ang gobyerno ngayon,”sabi ni Arellano. “Sa maraming karaingan ng maralitang lungsod, na hindi naman talaga tinutugunan ng gobyerno, dumulo talaga sa pasismo ang ginagawa nila. Marami kami ngayon na mga miyembro at mga lider na apektado.”

Dugtong ni Arellano ang pangangailangan sa pag-giit ng karapatan. “Kung ang estado ay nag-gigiit at nagpapakalat ng fake news at mali-maling datos tulad ng Legacy ni Duterte, kailangan maipakita natin na hindi totoo ang sinasabi nila na gumiginhawa ang buhay ng mga maralita.” Mistula tuloy ginagamit pa ang kanilang hanay, at ang marami pang maralita, upang magpakita ng hindi totoong imahe ng ‘pag-unlad.’

“Ilalantad natin at lalaban ang kung anumang pakana ng gobyerno,”dugtong pa ni Arellano.

Matapos ang programa sa NHA, tumungo ang Kadamay sa tanggapan ng Commission on Human rights (CHR). Doon sila tinanggap ni CHR Commissioner Chito Gascon.

Sa pagbati ni Gascon, binanggit niya na katuwang ang unibersidad ng Pilipinas sapagpapaunlak na bigyan ng espasyo ang Kadamay. Katulad ito, ani Gascon, sa pagpapaunlak sa mga naunang kampuhan ng mga Lumad at manggagawa ng Sumifru, lahat naghahanap ng lugar na mapagpapahingahan upang magkaroon ng lakas upang ipagpatuloy ang kanilang paglaban sa kanilang mga Karapatan.

“Ang gusto kong idiin ngayon. Wala po kayong ginagawang paglabag sa batas, sa inyong sama-samang pagkilos,” pambungad na talumpati ni Gascon. “Nakatakda sa ating saligang batas na ang mamamayan ay may karapatan na mag-organisa, na ang mamamayan ay may karapatan na kumilos, na ang mamamayan ay may karapatan na mag-giit sa gobyerno.”

Sa pagbati niya kay Bayan Muna Rep. Ferdie Gaite, idiniin pa niya ang isa pang kahalagahan ng sama-samang pagkilos. “Sila (ang mga representante sa Kongreso) ang magiging boses ninyo sa Kongreso. Subalit kalangang palakasin ang kanilang boses, sa pamamagitan ng ginagawa ninyo ngayon na sama samang pagkilos. Sapagkat sa pamamagitan niyan, ipapaabot ninyo sa mas nakararami ang mga daing ninyo at mga kinakaharap ninyong suliranin na dapat tugunan ng pamahalaan.”

Matapos noon, ang pagsasalu-salo sa kanilang tanghalian.

Sama-sama nilang itinayo ang kampuhan – ang mga maralitang tagalungsod, ang komisyong nagtataguyod ng karapatang pantao, ng unibersidad na batbat rin ng pandarahas ng mga elemeto ng estado. Sama-sama nilang ilalaban ang mga karapatang ipinagkait sa kanila, sa iisang tarangkahan, sa iisang bubong, sama-sama.