Kampuhan ng mga manggagawang agrikultural, dinepensahan ng kolektibong pagluluto

0
228

Nitong Pebrero 10 nang umaga,  inilunsad ang Luto! Laban! Sunday Cookout para sa NAMASUFA sa Liwasang Bonifacio, Maynila sa pangunguna ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA). Tumungo ang mga artistang alyado ng SAKA at mga boluntaryo mula sa industriya ng sining, kultura, at kaalaman sa protest camp ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (NAMASUFA), ang unyon ng mga manggagawang agrikultural na higit apat na buwan nang nakawelga sa plantasyon ng saging dahil ayaw iregularisa ng kumpanyang Hapones na Sumitomo Fruit Corporation o Sumifru. Naglakbay pa mula sa Compostela Valley ang 350 sa mga unyonista upang kalampagin ang nagtutulog-tulugang Department of Labor and Employment pati ang Malacañang. Ginanap ang salusalo isang araw bago ang takdang police dispersal ng Manila city government sa kampuhan.

Sama-samang kumukuha ng pananghaliang isda, giniling, at ensalada ang mga unyonista’t boluntaryo

Katambal ang mga iba pang organisasyon tulad ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Amihan Federation of Peasant Women, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakpawis Partylist atbp., layunin ng Luto! Laban! na hikayatin ang mamamayan na palakasin ang panawagan sa regularisasyon ng Sumifru workers, ipagtanggol ang kanilang kampuhan mula sa banta ng clearing operations sa utos ng Manila City Hall, at itigil ng pangulo ang pagratsada sa land-use conversion na matapos magkait ng lupa sa magsasaka ay humahantong sa pang-aabuso sa mga manggagawa ng plantasyon. Sa katunayan, tungo sa pagtatapos ng aktibidad ay dumami ang pulis na nagdulot ng pangamba sa mga welgista. Nakaugat ang kanilang pangamba sa ilang beses na nilang naranasang dahas ng estado mula pa sa pagpapatupad ng batas militar ni Duterte sa Mindanao.

Mga unyonista mula Sumifru at mga boluntaryo ng SAKA at CAP, naghahanda ng ensaladang talbos ng kamote

 

Ugnayan ng sining at produktong agrikultural

Liban sa pag-aalay ng tanghaliang crispy tawilis, minced pork with basil, at talbos ng kamote salad ng ihinanda ng mga boluntaryo kasama ng mismong mga unyonista, dalawang palihan ang isinagawa sa protest camp. Habang abala ang ilan sa pagluluto habang nagtatalakayan, ang mga anak ng Sumifru workers at volunteers (edad 5-8) ay nagsanay sa pagguhit samantalang ang mga manggagawa (edad 20-35) naman ay lumahok sa isang writing workshop. Nagkaroon din ng mabilisang live sketch session ang ilang visual artist sa gitna ng kampuhan tampok ang kalihim ng unyon habang siya’y nagbabahagi ng mga karanasan.

Sama-samang kumukuha ng pananghaliang isda, giniling, at ensalada ang mga unyonista’t boluntaryo.jpg

Ang Liwasang Bonifacio ay naging lunsaran sa pagbabahaginan ng kaalaman at karanasan. Ang drawing workshop ng mga bata ay uminog sa prompt na “pangungulila sa tahanan”, kung saan sa proseso ng pagtuturo sa mga musmos sa pagguhit ng basic shapes at pagkukulay ay ipinatimo sa kanila ang halaga ng pagbabalik-tanaw sa nakagisnan nilang buhay sa kanayunan na ibang-iba sa lungsod kung saan sila nagkakampuhan. Mainam itong paraan upang sa maagang kamulatan ay di lamang maipakilala sa kanila ang sining ng pagguhit kundi maipaunawa rin ang ipinaglalaban ng kanilang mga magulang at mabigyan din ng oras ang kanilang mga magulang na makibahagi sa mga aktibidad nang hindi pinuproblema ang mga bata. Karamihan sa mga iginuhit ng mga bata ay mga eksena ng kanilang pamumuhay sa bukid.

Samantala, nagbukas ang writing workshop sa pakikipagtalakayan ng mga volunteer sa Sumifru workers hinggil sa kung ano ang espesyal na ulam na kanilang hinahanda kapag dumating ang suweldo. Nailahad ang simpleng pamumuhay ng mga manggagawa sa pagsasabing adobong manok/baboy, sinigang, at sinabawang gulay ang madalas nilang ihanda kapag may pera. Kasama rin sa talakayan ang halaga ng kanilang produktong agrikultural na isang esensiyal na sangkap sa merkado at ekonomiya ng mundo (e.g., banana chips, halo-halo, ketchup, harina, cereals, feeds, at marami pang iba.)

Writing workshop participants mula NAMASUFA, nagbabahagi ng kanilang isinulat na mga monologo

Sumunod na ibinahagi ng mga manggagawa ang buong proseso at panahon ng paglikha ng produktong saging. Sa diskusiyon, lumitaw na may dalawang pangunahing pagkakahati ang proseso ng kanilang paglikha: sa “erya” o lupang sakahan, at sa planta. Umaabot sa halos labing-isang buwan mula sa pagbubungkal, pagtatanim, pagpapalago, pag-ani tungong packaging at quality control upang makapagluwal ng export-grade na Cavendish na saging sa mga bansang Japan, Korea, China, New Zealand, Singapore, at Middle East. Metikuluso ang proseso ng kanilang paggawa sapagkat kakailanganin pa ng tamang “calibration” ng sukat at kalidad ng mga saging (na kinaklasipika nila sa “small hands” at “big hands”). Sa kalkulasyon ng UMA, binabarat ng Sumifru ang mga manggagawa nito sa pagbibigay lamang ng P365 na arawang sahod. P15.75 lamang binibili sa mula sa kinontratang grower. Pero ibinebenta ito sa labas ng bansa sa halagang P212.63 kada kilo ng saging. Sa bawat ektarya ng plantasyon ng saging, tinatayang kumikita ang kumpanyang Hapones ng dagdag P18 milyon kada taon.

Isinalaysay din ng mga manggagawa ang kanilang mga saloobin hinggil sa nangyaring marahas na dispersal sa pitong strike camps sa Compostela Valley noong Oktubre 11 at ang pagpaslang ng mga militar at pulis ng kumpanya kay Danny Boy Bautista noong Oktubre 31. Si Bautista ay isa sa mga pangunahing nagtaguyod mula noong pumutok ang welga noong Oktubre 1. Sinundan pa ito ng panununog sa kanilang union office noong Nobyembre 30 at ang intensipikasyon ng surveillance at harassment mula sa mga militar. Hindi nakapagtataka kung gayon na natutulak ang mga manggagawa na tahasang lumaban at manindigan sapagkat maging ang payapang pamumuhay na kanilang hinahangad sa Compostela Valley ay ipinagkakait sa kanila ng estado.

 

Sa alab ng pakikiisa ng iba’t ibang sektor

Matapos ang masayang salusalo sa pananghalian at kuwentuhan, nagtipon ang lahat upang maglunsad ng pangkulturang programa. Nakiisa ang mga estudyante at guro ng Polytechnic University of the Philippines, Emilio Aguinaldo College, at UP Los Baños. Tumugtog ang mga musikerong sina Alyana Cabral, Mara Marasigan, at The General Strike. Sa saliw ng makabayang himig at mga mensahe ng pakikiisa mula sa mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, naging solido ang hanay at diwa ng sama-samang tanggulan para sa Sumifru workers.

Composer at SAKA volunteer na si Alyanna Cabral, nagtatanghal para sa NAMASUFA at kanilang mga tagasuporta

Naging tampok din ang pagtatanghal ng Sining Obrero, ang grupong pangkultura ng NAMASUFA, na inawit ang kanilang orihinal na komposisyon (Padayon, gihapon ang welga sa ComVal!) na punumpuno ng dagundong ng tapang na ipanalo ang welga sa kabila ng pangil ng pasismo. Naging marubdob din ang pagbasa ng mga manggagawa sa kanilang output, mga monologue, sa writing workshop. Saad ni Justy, 25, limang taon nang packer sa plant 220 ng Sumifru: “Hindi po madali ang kalagayan ko doon sa Mindanao dahil sa Martial Law. Bilang isang manggagawa ay natapakan po ang aking karapatan na ibigay ang dapat sa akin. Hindi rin madali na gumising nang madaling araw upang magtrabaho tapos hindi ka pala makapasok dahil sobra na daw o overmanning… Hindi madali pag walang katiyakan ang ganitong sistema o porma ng tinatawag na kontraktwal.”

Mga mag-aaral ng PUP, nagbibigay ng kanilang mensahe ng pakikiisa sa NAMASUFA

Tagumpay ng sama-samang pagkilos

Sa pagsasara ng programa, ipinaalala ni Lisa Ito, secretary general ng CAP, na ang sitwasyon ng Sumifru workers ay nangyayari sa buong bansa. Sunod-sunod ang mga trahedyang ipinapataw ng gobyerno kamakailan sa mga maralitang manggagawa at magbubukid. Aniya, lalo pa’t hindi nakikita sa mass media ang buong kuwento ng pakikibaka ng Sumifru workers, napapanahon at nararapat ang mga pagtitipon tulad ng Luto! Laban! upang magkaroon ng boses ang mga api.

Nagkukuwentuhan ang mga boluntaryo ng SAKA at mga welgista habang nagpiprito ng tawilis

Kinabukasan ng Luto! Laban!, dalawang linggong palugit ang naipanalo ng kolektibong pagtatanggol ng NAMASUFA’t mga tagasuporta nito para manatili ang protest camp sa Liwasang Bonifacio. Sa pahayag ng UMA, ang extension nakuha ng unyon mula sa city hall ay “bunga ng pinagsamang lakas ng manggagawa at iba’t ibang sektor na sumusuporta at naninindigan para sa kanila.” Lalong umiigting kung gayon ang pangangailangan na makipamuhay ang mga estudyante, guro, empleyado, lalo na ang mga manggagawang pangkultura, at sa sama-samang tanggulan para sa Sumifru workers, maisulong ang makatarungang panawagan para sa sahod, benepisyo, at regular na trabaho.

The post Kampuhan ng mga manggagawang agrikultural, dinepensahan ng kolektibong pagluluto appeared first on Manila Today.