Karapatan ng manggagawa sa gitna ng pandemyang Covid-19

0
332

Ayon sa International Labor Organization (ILO), halos kalahati ng mga manggagawa sa buong mundo ang nangangambang mawawalan ng trabaho o hanapbuhay dahil sa lockdown na sanhi ng pandemyang Covid-19.

Dito sa Pilipinas, hindi natin maipagkaila na malaki rin ang naging epekto sa ating mga manggagawa ng pandemyang Covid-19 na ito.

Matatandaan na simula noong Marso 2020, nagdeklara ang pamahalaan ng community quarantine sa Metro Manila, na ilang araw lang ay ginawang buong Luzon na. Ang quarantine na ito’y pinalawig hanggang Mayo 30.

Ang epekto nito’y hindi nakapagtrabaho ang mga manggagawa dahil ang kanilang mga kompanya’y napilitang bawasan ang araw ng kanilang trabaho o di kaya ay pansamantalang nagsara sanhi sa dineklarang lock-down ng gobyerno.

Tanong: Kung sakaling napilitang gawin ang kompanya na apat (4) na araw na lang ang dating anim (6) na araw na trabaho ng kanyang mga manggagawa dahil sa enhanced community quarantine na ito, ano ang epekto nito sa suweldo o sahod ng mga manggagawa?

Ang sinusunod na alituntunin rito mga kasama, ayon sa batas ng Pilipinas , ay ang prinsipyo ng “no work-no pay .”

Ibig sabihin, karapatan ng kompanya na ibawas sa sahod ng mga manggagawa ang mga araw kung kailan sila ay hindi pinagtrabaho.

Maliban na lamang kung may collective bargaining agreement (CBA) o di kaya’y may patakaran ang kompanya na makatatanggap pa rin ng sahod ang mga manggagawa dahil hindi naman nila ginusto ang hindi pagtatrabaho.

Paano kung sakaling sa halip na bawasan ang araw ng trabaho ng kanyang mga manggagawa, nag-desisyon ang kompanya na pansamantalang itigil ang operasyon nito at itutuloy na lang pagkatapos ng enhanced community quarantine?

Ganun pa rin ang sagot. “No work, no pay” pa rin ang susundin.

Ibig sabihin, maaari lang sumuweldo ang mga manggagawa sa panahong sila’y nagtatrabaho na dahil regular na ang operasyon ng kompanya.

Pero tulad ng dati, ito’y kung walang CBA o company policy ang kompanya na nagsasabing may karapatang sumahod ang mga manggagawa kahit hindi sila nagtrabaho.

Maaari ring gamitin ng isang manggagawa ang anumang leave credit na mayroon siya sa panahong hindi siya makapagtrabaho.

Ayon sa DOLE Advisory No. 4, Series of 2020, ang sinumang manggagawa na pinauwi ng kanyang kompanya dahil sa quarantine order dulot ng Covid-19 ay maaaring gumamit ng kanyang vacation o sick leave benefits batay sa patakaran ng kompanya o alinsunod sa CBA. Kung sakaling nagamit na niya lahat ng kanyang leave credits na nabanggit, maaari siyang ituring ng kompanya na naka-”leave without pay.”

Paano ngayon kung nagpasya ang kompanya na magpatupad ng flexible work arrangement sa kanyang mga manggagawa?

Ayon ulit sa isang DOLE Advisory, ay maaring mamili ang kompanya sa mga sumusunod:

1. Compressed Workweek – Babawasan ang anim (6) na araw na trabaho sa kompanya ngunit mananatili pa rin ang 48 na oras ng pagtratrabaho sa isang linggo. Ibig sabihin nito, maaring pagtrabahuin ang isang manggagawa ng hanggang 12 oras bawat araw ngunit 4 na araw na lamang ang kanyang trabaho.

2. Reduction of workdays – Babawasan ng araw ng trabaho sa loob ng isang linggo basta’t hindi ito lalagpas sa anim (6) na buwan.

3. Rotation of workers – Ang schedule ng pagtatrabaho ng mga manggagawa ay maaring hindi pagsasabayin kundi paiikutin ng kompanya.

4. Forced leave – Ang mga empleyado ay sapilitang mag-leave ng kung ilang araw na gamit ang kanilang leave credits kung meron man.

5. Broken-time Schedule – Hindi tuloy-tuloy ang oras ng trabaho ng mga manggagawa ngunit sinu-nod pa rin ang legal na maximum working hours sa isang araw.

6. Flexi-holiday schedule – Pumapayag ang manggagawa na ibahin ang skedyul ng kanyang mga holidays basta’t wala siyang mawawalang benepisyo sa kanilang kasunduan ng kompanya.

Pansamantala lamang ang flexible work. Upang mapairal ito, kailangan munang magkaroon ng konsultasyon sa bawat panig at dapat katanggap-tanggap sa bawat-isa sa kanila ang kasunduan.

Kailangan din nilang ipaalam sa nakakasakop na Regional Office ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa lahat ng mga ito mga kasama, makikita natin na ang epekto ng community quarantine ng administrasyong Duterte ay ang paglaganap ng “flexibilization of labor.”

Nauuso na ngayon ang tinatawag nilang “new normal” bunga ng pandemic na ito.

Dahil sa Covid-19 pandemic, napipilitan ang mga kompanyang magsagawa ng mga pamamaraan para maging pleksible ang kanilang labor force at nang sa ganun, mapapanatili nila ang kanilang mga tubo.

Sa prosesong ito, hindi maiwasang maapakan at maisantabi ang batayang karapatan ng mga mang-gagawa.

Paano natin ito lalabanan, mga kasama?

Para mapanatili ang karapatan sa trabaho, karapatan sa tamang sahod, karapatan sa kalusugan, at karapatan laban sa Covid-19 virus, kailangan ng mga manggagawa ang ibayong pagkakaisa.

Ito ay makakamit lamang kung mas marami, mas malakas at mas matatag ang ating mga unyon.

Ano pa ang ating hinihintay? Paramihin, pala-kasin, at patatagin ang ating mga unyon!