Karapatan sa panahon ng Lockdown

0
255

Inutusan ni Pangulong Duterte ang mga pulis at militar na patayin ang mga lalabag sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.

“My orders are sa pulis pati militar, pati mga barangay…shoot them dead! Kaysa manggulo kayo diyan, eh ilibing ko na kayo,” pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa publiko noong gabi ng Abril 1.

Tila sinasalamin ng sunud-sunod na pahayag ni Duterte ang matagal nang pangamba ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao na epekto ng militaristang tugon ng gobyerno sa pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa karapatan ng mga mamamayan.

Sumasabay na kasi sa paglobo ng kaso ng Covid-19 ang bilang ng kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao sa nakalipas na 18 araw ng pagpapatupad ng “lockdown” sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa.

Kabilang sa naitalang mga kaso ang arbitraryong pang-aaresto, pambabastos sa mga kababaihan, pagsikil sa karapatang mamahayag, pagapahiya sa publiko, paniniktik at red-tagging sa mga progresibong organisasyon at ektrahudisyal na pagpatay.

Abuso

Bago pa ang utos ni Duterte, nauna nang kumalat sa social media ang bidyo ni Lt. Col. Rey Magdaluyo, hepe ng Manila Police District Station 3, habang pinapalo at minumura ang mga residente ng Muslim Town sa Quiapo, Maynila noong Marso 26.

“Lahat nang lalabas, babarilin na!” babala ni Magdaluyo.

Isang araw bago ito, isang lalaking nagtangkang umiwas sa checkpoint ang binaril at napatay ng mga pulis sa San Ildefonso, Bulacan.

Ayon sa Philippine National Police, umabot na sa 69,089 ang naitala nilang paglabag sa ECQ sa unang 13 araw pa lang ng pagpapatupad nito. Umabot sa 17,039 dito ang inaresto. Halos lahat ng nahuli’y lumabas lang para bumili ng mga pangangailangan o kaya’y para pumasok sa trabaho.

Kabilang sa mga unang naitalang abuso ng awtoridad sa ECQ ang pagbibilad sa araw ng ilang residente ng Parañaque na lumabag umano sa ipinatutupad na 24-oras na curfew ng lokal na pamahalaan.

Sa Laguna, limang kabataan ang siniksik sa kulungan ng aso dahil din sa paglabag sa curfew.

Walumpung katao naman ang dinala sa sementeryo matapos damputin ang lahat ng abutang nasa labas ng bahay nang magsona ang mga pulis sa iba’t ibang barangay sa Bacoor, Cavite.

Isang lalaki naman ang kinakaladkad at inaaresto ng mga pulis at tanod sa isang palengke sa Caloocan dahil umano wala itong “Quarantine Pass”.

Kahit may Quarantine Pass, hinarang pa rin sa checkpoint ang ilang residente ng Maynila dahil umano lampas na sila sa “window hour”. Nang usisain, napag-alamang “fake news” pala ang Facebook post na ginamit na batayan ng mga pulis sa panghaharang.

Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers, ang checkpoint sa ilalim ng kasalukuyang di-pangkaraniwang kalagayan ay dapat may pangunahing layunin na siguraduhin ang kalusugan, medikal, at pampublikong kapakanan. Dapat na igalang ang dignidad at karapatan ng mga mamamayan sa mga checkpoints.

“Ang mga parusa ay dapat akma, espisipiko, at nakatakda o malinaw. Hindi maaaring arbitraryo. Hindi maaari ang malupit, mapang-aba at di-pangkaraniwang pagtrato o parusa. Higit sa lahat, ang mga parusa ay dapat makatarungan at makatao,” giit ng NUPL.

Kontra kababaihan

Kabi-kabila rin ang tumampok na kaso ng pang-aabuso at panghaharas ng mga pulis sa kababaihan.

“May tawag nang tawag na unknown number. Imagine, pulis ka tapos manghaharas ka ng babae sa gabi, tapos tatakutin mo yung Angkas rider na ibigay imporasyon ng kostumer nila nang walang dahilan? Mas bastos pa sila kesa sa mga tambay na nadadaanan ko,” kuwento ni Marga sa Twitter matapos umano siyang mapagkursunadahan ng mga pulis sa isang checkpoint sa kanilang lugar.

Si Erla naman, makailang-ulit binastos ng mga pulis tuwing napapadaan sa checkpoint sa kanilang subdivision. Ipinatawag pa siya at binigyan ng contact number ng pulis.

“Lumabas ulit ako. Pinapatanggal naman ngayon ‘yung helmet saka face mask ko. Umayaw ako kasi tumatagal, ang init ng araw. Sinabihan ako, ‘O bakit? Pulis ako!’ Nakakabastos sobra,” aniya.

Sinasalamin ng naitalang mga kaso na tila patakaran na ng gobyerno sa ilalim ng hiniling nitong emergency powers ang paglabag sa karapatang pantao.

Sinabi pa mismo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño: “Ang karapatang pantao ay nawawala ‘pag dating ng state of emergency…pag ka ho meron tayong state of emergency, ‘yung writ of habeas corpus ay nawawala na po ‘yan.”

Kinontra si Diño ng Commission on Human Rights (CHR) at pinaalalahanang sa konteksto ng national emergency, “maaring magkaroon ng mga katanggap-tanggap na paghihigpit” sa ilang karapatan gaya ng limitadong karapatan sa paggalaw bilang suporta sa “social distancing” na makakatulong sa pagpigil ng pagkalat ng Covid-19.

“Pero ang mga paghihigpit ay dapat ding sumunod as pamantayan ng karapatang pantao, para ito ay naaayon sa batas, kinakailangan, angkop, at hindi dapat gamitin sa pagtarget sa  ispesipikong grupo, minorya, o indibidwal,” ani Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR.

Pagsupil sa kritiko

Imahe mula sa Sat’s Ire

Nauna na ring nagpahayag ang mga ekspertong pangkarapatang pantao ng United Nations na ang mga deklaraysong pang-emergency batay sa pandemyang Covid-19 ay hindi dapat gamiting batayan sa pagtraget sa partikular na grupo o indibidwal.

“Hindi ito dapat magsilbing pantakip sa mapanupil na mga hakbang sa tabing ng pagtatanggol sa kalusugan at hindi rin maaring gamitin para patahimikin ang gawain ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao,” giit ng mga eksperto ng UN.

Dagdag pa nila, ang mga paghihigpit umano’y dapat para lang sa pagtugon sa mga lehitimong usaping pangkalusugan at hindi para supilin ang mga tumututol.

Pero noong Marso 31, isang araw bago ang utos ni Duterte na barilin ang lumalabag sa ECQ, pinatay ng pinaghihinalaang elemento ng Armed Forces of the Philippines si Nora Apique, 66-anyos, lider-magsasaka ng Kapunungan sa mga Mag-uuma sa Surigao del Sur.

Sa Baguio, pinagbabaril ng mga sundalo sina Julius Giron, Dra. Lourdes Tangco, at isa pang kasamahan noong Marso 13. Ayon sa mga pulis, nanlaban umano ang mga biktima habang hinahainan ng warrant of arrest. Si Giron, 70, at may sakit, ay tinutukoy ng mga awtoridad bilang lider daw ng Communist Party of the Philippines.

Marso 17, dinukot at pinatay ng hinihinalang mga elemento ng 47th Infantry Battalion (IB) of the Philippine Army si Marlon Maldos, 25-anyos na aktibistang pangkultura sa Bohol.

Samantala, naiulat din ang iba’t ibang porma ng harassment at red-tagging sa mga organisasyong nangangalap ng relief para sa mga komunidad na apektado ng lockdown.

Sa Maynila, dinalaw ng dalawang nagpakilalang ahente ng Precint 4 Intel Operative Department ng Manila Police District ang tanggapan ng Bagong Alyansang Makabayan – Manila at hinahanap umano ang isang Kiro Deinla na nagpost umano sa Facebook ng fake news at pekeng donation relief drive.

Ilang miyembro rin ng University of the Philippines Manila Student Council ang nabiktima ng red-tagging at nakatanggap ng mga death threat sa gitna ng pangangalap nila ng donasyon para sa frontline health workers ng Philippine General Hospital.

Pinalagan naman ng National Union of Journalists of the Philippines  ang anila’y pambubusal sa malayang pamamahayag sa pamamagitan ng probisyon ng “Bayanihan to Heal as One Act” hinggil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

Anila, ang batas na ito’y nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na magpasya kung alinang tama at maling impormasyon. Hindi umano ito nakakakumpiyansa, dahil marami sa mga opisyal ng administrasyon, maging ang punong ehekutibo, ay ang mismong pinanggagalingan ng disimpormasyon.

Kinondena rin ng NUJP ang panuntunan sa pangangailangan ng akreditasyon mula sa Presidential Communications Operations Office (PCOO) para malayang makagalaw ang midya sa panahon ng ECQ na para sa NUJP ay hindi kinakailangan, hindi makatuwiran at labag sa konstitusyon.

Pinaalalahanan din ng NUJP ang PCOO at Philippine Information Agency na ang trabaho umano ng mga ahensiyang ito ay “komunikasyon ng gobyerno at pagpapakalat ng impormasyon, hindi akreditasyon at lalong hindi regulasyon”.

Para sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, nakakasuklam anila na nagpapatuloy ang pagpatay, harassment at pagbabanta sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at ng mga komunidad sa gitna ng bantang pangkalusugan ng Covid-19.

“Sa gitna ng pandemyang Covid-19, ang mga komunidad ay patuloy na dumaranas ng pinaigting na militarisasyon na nagdudulot ng mas matinding pagkabalisa sa mga mahihirap,” pahayag ng Karapatan.

Samantala, isiniwalat ng abogadong pangkarapatang pantao na is Chel Diokno nitong Abril 2 na may lumapit sa kanyang netizen na nagpapatulong dahil nakatanggap siya ng summons mula sa NBI. Batay daw ito sa isang pinaskil niya sa sa Facebook na kritisismo sa response ng rehimen sa krisis.

“Tinanggap ko ang kasong ito dahil di na makatao ang nangyayari. Ang dami nang namamatay, pati frontliners, pero imbis na Covid, kritiko ang gusto nilang puksain,” post ni Diokno sa kanyang Facebook account.

Batas militar

Habang lumalakas ang panawagan ng mga mamamayan para sa solusyon medikal sa halip na aksiyong militar, at habang paulit-ulit na iginigiit ng administrasyon na hindi umiiral ang batas militar, itinalaga naman ni Duterte, sa bisa ng Bayanihan to Heal as One Act, bilang pangunahing tagapagpatupad ng National Task Force (NTF) on Covid-19 ang tatlo sa pinakamakapangyarihang opisyal ng militar sa bansa.

Pinamumunuan ang NTF ni Defense Sec. Delfin Lorenzana bilang tagapangulo at kumander, DILG Sec. Eduardo Año bilang pangalawang tagapangulo at ni Peace Process Secretary Carlito Galvez Jr. bilang pangunahing tagapagpatupad.

Bukod sa mga heneral, kapansin-pansin ding walang eksperto sa medisina sa mga nangangasiwa sa pagtugon sa Covid-19. Kahit ang Department of Health ay hindi rin kasali sa NTF.

Sa inilabas na National Action Plan ng NTF on Covid-19, nangingibabaw pa rin ang mga panuntunan para sa paghihigpit sa ECQ habang walang detalyadong plano para sa solusyong medikal. Bagamat kinikilala bilang mahalagang aspekto ang mass testing, patuloy naman ang DOH sa pagtanggi na ipatupad ito.

Sa gitna ng patuloy na tumitinding militaristang tugon ng administrasyon sa Covid-19, nilinaw ng NUPL na dapat mangibabaw pa rin ang Konstitusyon at mga batas.

“Dapat pa rin mangibabaw ang kapangyarihang sibilyan sa panahong ito. Dapat na igalang at pangalagaan sa lahat ng oras ang mga batayang karapatang sibil, pulitikal, panlipunan, pang-ekonomiya at pang-kultura,” giit ng NUPL.

Kabilang din umano dito ang “karapatang magsalita at magpahayag (magpuna, sumalungat, magreklamo katulad din ng magmungkahi, magrikomenda, at magpuri),” gayundin ang karapatan ng malayang pamamahayag “nang walang panunupil o walang kaparusahan.”

Habang tumatagal na hindi nakakapaghanapbuhay at walang natatanggap na ayuda ang mga mamamayan, possible pang dumami ang mapipilitang lumabas ng kanilang mga tahanan para matugunan ang kalam ng kanilang sikmura.

Kaliwa’t kanan ang mga nagaganap na “kalampagan” sa mga komunidad para irehistro ang panawagan para sa mass testing, serbisyong medikal at pagkondena sa militaristang tugon ng administrasyon. Muling ring naging viral sa social media ang panawagang #OustDuterte.

Wala pang katiyakan kung palalawigin ang ECQ lampas sa nakatakdang pagtatapos nito sa Abril 14. Pero ang tiyak, habang patuloy na nagugutom at nababalisa ang mga mamamayan, habang dumarami ang nalalantad na kapalpakan at anomalya sa pagtugon ng administrasyon sa Covid-19, at habang patuloy nasinisikil ang karapatan at kalayaan, hindi maiiwasang dumami ang mga nagrereklamo at nagpapahayag ng pagkadismaya sa kakulangan ng kongkreto at makataong aksyon ng pamahalaan sa Covid-19.

Sa panahong ito, napakadelikado ng utos ni Pangulong Duterte na “barilin” ang mga magrereklamo at lalabag sa ECQ.

Kaya ang paalala ng NUPL, “Ang mga karapatang mabuhay, sa pangkalusugan, sa batayang serbisyong panlipunan, sa malayang pamamahayag, ang makilahok sa mga usapin na may pampublikong interes, at marami pang batayang karapatan ay hindi isinasantabi. Bagkus nagiging mas mahalaga at may kahalagahan ang mga ito sa mga sitwasyon tulad ng umiiral ngayon.”