Ang karapatang makipag –usap sa kanilang kompanya tungkol sa takda ng kanilang mga trabaho ay isa sa pinakamahalagang karapatan ng mga manggagawa.
Ngunit ang karapatang ito ay kanila lamang magagawa kapag may unyon.
Ayon sa batas, ang karapatan ng mga manggagawa sa negosasyon (right to collective bargaining) ay magagawa lamang kung sila ay organisado sa ilalim ng isang unyon.
Ngunit binibigyan din ng batas ang mga kapitalista ng karapatan upang ligal na harangan ang pagbubuo ng unyon ng kanilang mga manggagawa.
Isa sa mga halimbawa sa bagay na ito ang naganap sa kasong Citra Mina Seafood Corporation vs. Atty. Benjo Santos Benavidez, et. al., GR No. 246091 na dinisisyunan ng Korte Suprema noong Agusto 20, 2019.
Sangkot sa kasong ito ang isa sa pinakamalaking pagawaaan ng tuna sa buong bansa.
Nagbuo ng isang unyon ang mga manggagawa sa Citra Mina, anim na taon na ang nakaraan.
Pinangalanan nila ang kanilang unyon na Samahang United Workers of Citra Mina Group of Companies.
Pagkatapos nito, nagpadala ang unyon ng sulat sa kompanya na humihingi na sila ay kilalanin ng kompanya bilang exclusive bargaining agent.
Dahil sa kakulangan ng papeles na binigay ng unyon katulad ng Constitution and by–laws nito, listahan ng mga kasapi, at iba pa, hindi ito pinagbigyan sa kanyang kahilingan sa kompanya.
Nagsampa ng kasong labor dispute ang unyon sa National Conciliation and Mediation Board. Kaugnay nito, nagsagawa ang unyon ng strike balloting at dahil sa yes ang nanalo, pinutok ng unyon ang welga.
Nagsampa naman ngayon ang kompanya ng petisyon para matanggalan ng rehistro ang unyon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa kompanya, nagsinungaling ang unyon sa ginawa nitong pagpaparehistro sa DOLE.
Pinalabas diumano ng unyon na isang kompanya lang ang Citra Mina Group of Companies samantalang sa katotohanan, apat na kompanya lahat ito na may kanya-kanyang personalidad.
Kaya dahil dito, labag sa batas ang ginawang pagrehistro ng DOLE sa unyon batay sa prinsipyong “single bargaining unit.”
Sinasabi ng DOLE Regional Director na tama ang kompanya at inutos nito na tanggalin sa listahan ng mga unyon ang Samahang United Workers of Citra Mina Group of Companies.
Umakyat ang unyon sa Bureau of Labor Relations (BLR).
Binaligtad naman ng BLR ang hatol ng DOLE Regional Director. Ayon sa BLR, may katuwiran ang unyong ituring na isang kompanya lamang ang Citra Mina Group of Companies dahil iyon mismo ang pinapalabas ng kompanya sa mga polyetos, mga advertisement, at maging sa signboard nito.
Nag-apila naman ang kompanya sa Court of Appeals ngunit ganun pa rin ang naging hatol at pinanalo pa rin ang unyon.
Inakyat ng kompanya ang kaso sa Korte Suprema.
Sa Korte Suprema, sinabi ng Kataas – taasang Hukuman na bagamat ang akala ng unyon ay pinapakita ng apat na kompanya ng Citra Mina sa publiko na ito ay iisa lamang dahil sa kanilang mga signboard, letter head at notices, ito ay hindi sapat upang mabigyan ang unyon ng lisensya.
Kailangan ding maipakita ng unyon na ang kanyang mga kasapi ay may panlahatan o komon na interes pagdating sa usapin ng sahod, panahon ng pagtatrabaho, kondisyon sa pagtatrabaho, at iba pang bagay na pinag-uusapan sa collective bargaining.
Sa madaling sabi, kailangang ipakita ng unyon na may “communal interest” ang mga myembro nito na magkasama sa isang grupo ng manggagawa.
Bagamat maaring galing sa ibat-ibang kompanya ng Citra Mina ang mga kasapi ng unyon, mas mahalaga na may “mutual interest” silang tinatangkilik, sabi ng Korte Suprema.
Nagkulang sa bagay na ito ang unyon.
Gayunpaman, imbes na tanggalan ito kaagad ng lisensya, minabuti ng Korte Suprema na ibalik ang kaso sa BLR upang mabigyan ang unyon ng pagkakataong prubahan ang mga bagay na ito.
Kaya mga kasama, kung tayo man ay nagbubuo ng unyon, mas mabuting tingnan muna nang maigi ang ating bargaining unit. Nang sa ganun, ay maiwasan natin ang pagkakamali ng mga taga Citra Mina.