Kaso sa same-sex marriage: tapos na ba talaga?

0
181

Nitong Setyembre 4, 2019 ay binasura ng Korte Suprema ang isang petisyong naghahangad na tanggalin ang pagbabawal ng ating batas sa “same-sex marriage.”

Sa ating Family Code kasi ay nakalagay na ang pag-aasawa ay maari lamang gawin ng isang lalaki at isang babae.

Sa petisyon na isinampa ni Atty. Jesus Falcis sa Korte Suprema, hinangad niya na mawalan ng bisa ang probisyong ito ng Family Code.

Sinabi niya na walang ganuong binabanggit sa ating Saligang Batas na ang pag-aasawa ay maari lamang mangyari sa isang lalaki at babae. Kung ganun, sabi ni Atty. Falcis, dapat alisin sa Family Code ang artikulo kung saan nilimitahan ang pag-aasawa sa lalaki at babae lamang.

Marami sa LGBT (Lesbian, Gays, Bisexual, at Transexual) community ang natuwa sa kasong isinampa ni Atty. Falcis. Meron ding mga hindi kasali sa LGBT community ang sumuporta sa nasabing kaso.

Ayon sa survey ng isang US-based research  foundation, kabilang ang Pilipinas sa tinuturing na “most gay–friendly nations” sa buong mundo.

Sa 38 bansa na kasali sa survey, lumalabas na pang sampu ang Pilipinas sa pagiging gay-friendly. Sa buong Asia naman, numero uno ito.

Maaalala natin na noong 2007, isang grupo ng mga LGBT ang nais sumali sa halalan sa party-list. Ang grupong ito ay ang Ladlad.

Matatandaan na dinisqualify ito ng Commission on Elections (Comelec) sa dahilang hindi sapat ang bilang ng mga miyembro nito.

Umulit ang Ladlad noong 2010 na halalan ngunit muli itong dinisqualify ng Comelec sa dahilan ng imoralidad.

Umakyat ang Ladlad sa Korte Suprema at pinayagan ito ng Husgado na makasali sa 2010 na halalan.

Dangan nga lang at hindi ito nanalo sa nasabing eleksiyon.

Matatandaan rin na noong nakaraang Kongreso (17th Congress) ay isang panukalang batas tungkol sa karapatan ng mga LGBT ang muntik nang maaprubahan.

Ito ay ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality (SOGIE) Bill.

Ayon sa panukalang batas na ito, pinagbabawal ang diskriminasyon batay sa kasarian.

Nakapasa na sana ang SOGIE bill sa Mabababang Kapulungan ng Kongreso ngunit pagdating sa Senado, hindi ito nakapasa.

Kaya, muli nilang inihain ang panukalang batas na ito sa 18th Congress ngayon.

Ngunit bakit na-dismiss ang kaso laban sa same-sex marriage ni Atty. Falcis sa Korte Suprema?

Teknikalidad ang dahilan, mga kasama.

Sinasabi kasi ng ating batas na dapat mayroon kang “legal standing” bago ka makapagsampa ng kaso sa husgado.

Ang ibig sabihin nito, mayroong posibilidad na makakadanas siya ng pinsala kapag hindi binigay ng husgado sa kanya ang kanyang hinihingi.

Sa bahagi ni Atty. Falcis, walang posibilidad na makakaranas siya ng pinsala kapag hindi binigay ng husgado ang kanyang kahilingan. Sa madaling sabi, wala siyang legal standing.

Ang nais kasi niya, bibigyan siya ng marriage license ng Local Civil Registrar kahit siya ay bakla.

Ngunit sabi ng Korte Suprema, paano siya mabibigyan ng marriage license ng Local Civil Registrar samantalang hindi naman siya nag-aaply?

Sa madaling sabi, wala pang legal controversy sa kaso ni Atty. Falcis dahil hindi naman siya humihingi ng marriage license sa anumang ahensiya ng pamahalaan.

“May controversy lang naman dyan kung natamaan ka. Hindi siya natamaan,” paliwanag ni Chief Justice Lucas Bersamin.

Sa pagka-dismiss ng kaso ni Atty. Falcis, maliwanag na hindi pa sarado ang lahat para sa LGBT community.

Maaari pa silang magsampa ng panibagong kaso. Dangan nga lang at kailangang may aktwal na kontrobersyang nangyayari.