Katotohanan sa Katsuri

0
185

Kapano-panood ang Katsuri. Nagsisimula ang palabas sa himig ng isang gitarang sumusunod sa matamis na areglo ng “Ili-ili,” isang heleng Ilonggo. Sa pagtatapos nito, biglang katahimakan na nagbabadya ng bagyo.

Halaw sa Of Mice and Men, nobela ni John Steinbeck, dinadala tayo ng likhang panteatro ni Bibeth Orteza sa kaguluhan ng mga puso’t isip nagtutunggali upang pilit maalpasan ang pagkaalipin na pumipigil sa paglaya at pagtupad ng mga pangarap.

Pinapakita ng pagsulat ni Orteza at sa pangangasiwa ni direk Carlitos Siguion-Reyna—liban sa nanggagalit na pamimilosopo—na pulitikal ang personal.

Sa kuwentong migrante ni Steinbeck, dadalhin si George at Lennie (Toto rito) sa isang asyenda sa Negros. Doon, patung-patong na pang-aalipin ang tutulak sa kasuklam-suklam pero makabubuhay na gawain; nakadepende ang kaligtasan sa pagpapapasan sa mas nakababa pang mortal o panggugulpi sa mga tagapagdala ng nakaabalang katotohanan.

Sa kabila ng karahasan, may kamusmusang namamalagi.

Hindi iiwan ng matalas mag-isip na si George ang dambuhalang si Lennie, isang nag-aastang bata na hindi nakakapagpigil ng kilos. Ginagamit pa nga ni Payat na tagapagprotekta ng sakada ang kakaunting mayroon siya para depensahan ang mas bulnerableng mga miyembro ng komunidad.

Di matapatan ng pait sa puso ni Nognog, dala ng pagiging pinakamaliit sa mga kadusta-dusta, ang imahe ng Paraiso ni Lennie. Natagpuan naman ni Tatang sa dalawang bagong dating sa sakada ang pamilyang noon pa hinahanap-hanap.

Angat ang mga idinagdag na detalye ni Orteza, tulad ng eksenang tumatanaw sa pinaslang na makamasang abogado na si Benjamin Ramos. Ang pangalang Toto naman ay galing kay Toto Patigas, konsehal ng Bayan Muna sa Escalante at tagapayo sana sa dula kung hindi pinaslang ng di pa nakikilalang salarin.

Lumikha rin siya ng matatapang na babaing karakter na halos wala sa orihinal na kuwento ni Steinbeck. Si Inday, ang mag-uudyok sa trahedya, ay hindi na lang pulpol na isteryotipo (hindi na nag-abala pa ang orihinal na awtor na tumanggap ng Nobel Prize for Literature na bigyan ng pangalan ang karakter na simbolo lang ng panganib).

Pirmi mang bahagi ng social-realist genre ang dula, may gaan ang kwento sa pagkakalikha ni Orteza. Dito niya pinapakita ang kakayahan ng pinong pagpapakatwa na pagtagpuin ang iba’t ibang mukha ng pagkapanatiko at pagkiling.

Nagsisilbing liwanag sa dilim ang mga linyang maaaring isantabi; sa tono ng paawit na Ilonggo, nabubuo ang pang-araw-araw na buhay ng mga karakter at siya na ngang bumibighani sa manonood na kahit pa alam na ang kahihinatnan ng kuwento, hindi pa rin maiiwasang mahatak sa lubid ng trahedya.

Muli namang pinapatunayan ni Carlitos ang kanyang kakayahan bilang direktor na mahusay sa mga aktor (actor’s director) sa unang dula para sa Tanghalang Pilipino, ang kompanyang panteatro ng Cultural Center of the Philippines.

Mahusay ang pagtatanghal ng lahat ng karakter: Hindi nakababagot na kontrabida ang Boss ni Michael Williams, sa unang TP role matapos ang halos tatlong dekada ng pagtatanghal ng mga musical at dula sa Ingles. Si Fitz Bana bilang Curley ang may karakter na pinakamalapit sa karikatura; hindi na yata iyon maiiwasan. Si Annette Go naman bilang Inday, asawa ni Fitz, ay hindi lang basta hampaslupa. Sa huling mahiwagang pag-uusap nila ni Lennie, dinala ang mga manonood sa lugar ng pagkabulnerable.

Sa mga mata naman ni Ybes Bagadiong nag-uumapaw at nagtutunggali ang pag-asa, takot, at galit ng isang taong maraming beses na nabigo. Liwanag ni Lennie ang tumutulong sa kanyang gumising mula sa galit na paghimbing.

Tama naman ang timpla ng pangungutya at pagkahabag ng matapang na si Carling, ginagampanan ni Lhorvie Nuevo, habang iniladlad niya ang nakapanghahatak na tawag ng kamatayan. Inilathala naman ni Nanding Josef ang karakter ni Tatang nang may mapagpigil na postura pero hindi nawawalan ng uhaw para sa isang dakilang pakikipagsapalaran at paglalakbay.

Sa tamang tiyempo naman ng pagpapakatwa ni Marco Viaña lalong tumitingkad ang kaibahan ng maalab niyang pag-ibig kay Lennie at pagkabagabag ng isang tagapagtanggol na gising sa masalimuot na realidad na hindi laging umaayon sa mga plano at pangarap.

Si JV Ibasate naman bilang Payat ang mamang nagpupumilit kumapit sa katinuan habang humahampas ang mainit na hangin ng tiempo muerto (patay na panahon para sa sugarlandia, walang ibang magagawa kung hindi manalangin para sa ulan) at nagdadala ng tigkiriwi, ang sakit sa katawan, kasukasuhan, at kaisipan na sumasabay sa matinding kagutuman.

May isang maikling eksena sa pagitan ni Viaña at Ibasate na hindi ako iiwan ilang oras makalipas ang dula. Sa pagkahubad ng palalong pag-asa at paglisan sa bisig ng pangangatwiran, walang sinayang na oras ang dalawang lalaki sa pagtanggap ng kanilang kapalaran. Kita sa mukha nila, habang lumilisan ang pighati para palitan ng kahungkagan, ang mapa ng isang bangungot na hindi sila iiwan habambuhay.

Pero nakasandig ang dula sa malalapad na balikat ni Jonathan “Tad” Tadioan, siyang hindi pumapayag na magpatihulog sa kalungkutan si Lennie o maaliw ang manunuod sa paglait na madalas nagbabalat-pakikiramay. Ibang lebel ng sining teknikal sa napakapisikal na pagtatanghal na ito. Mayroong kariktan sa bawat pagkilos ni Tadioan, sa gitna man ng tutok na pakikipagtalastasan ni Lennie na hindi masabayan ng pag-iisip ni George, o sa tuwing ang walang kamalay-malay niyang pag-ibig at biglaang pagkilos ang siyang nag-uudyok sa kanyang pamiminsala.

(Sinalin mula sa Ingles ni Jobelle Adan)

Maaaring mapanood ang Katsuri hanggang Oktubre 27 sa CCP Tanghalang Huseng Batute.