Kilusang welga, sumusulong

0
246

Ramdam sa hanay ng mga mang- gagawa ang ligalig. Sa nagdaang mga buwan ng taong 2019, may paglaganap ang paglulunsad ng mga welga at protesta ng mga manggagawa. Halos magkakasunod na pumutok ang mga welga mula Hunyo hanggang sa maagang bahagi ngayong Agosto.

Paglaban sa kontraktuwalisasyon at labor-only contracting, mababang pasahod, tanggalan sa trabaho, union busting at iba pang unfair labor practices ng mga kapitalista ang naging pangunahing batayan ng mga nasabing welga.

‘Welga kami!’

Isa sa naunang naglunsad ng welga ang mga manggagawa ng Zagu Foods Corporation, na ipinutok noong madaling araw ng Hunyo 6 sa Pasig City.

Pinangunahan ng Organization of Zagu Workers-Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (Organiza-Super) ang may 250 manggagawa upang labanan ang diumano’y ilegal na labor-only contracting ng kompanya at unfair labor practices nito. Walang inabot ang negosasyon – na nagsimula pa ng Enero ng kasalukuyang taon – sa pagitan ng mga manggagawa at manedsment kung kaya’t nagpasya ang unyon upang ilunsad ang nasabing welga.

‘Di maayos na kalagayan sa paggawa at tanggalan sa trabaho ang naging batayan ng Pepmaco Workers’ Union-National Federation of Labor Unions (Naflu)-Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagwewelga na nagsimula noong Hunyo 24. Ayon sa unyon, sa nakalipas na 15 taon, nananatiling P373 ang kanilang sahod at walang natatanggap na benepisyo sa kabila ng pagtatrabaho ng 12 oras kada araw ng Peerless Producers Manufacturing Corp. (Pepmaco) sa Calamba, Laguna. Bukod pa rito ang pagtatanggal ng may 64 empleyado, kasama ang mga lider ng unyon.

Isang buwan matapos ng welga sa Pepmaco, sinundan ito ng welga ng mga manggagawa sa planta sa Laguna ng NutriAsia. Nagbarikada at naparalisa ng may 400 manggagawa, sa pangunguna ng Kilusan ng Abanteng Sektor ng Anakpawis NutriAsia (Kapisana)- Olalia, ang operasyon ng planta noong umaga Hulyo 6. Iginigiit ng mga welgista ang pagpapatupad ng desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A na iregularisa ang mga manggagawa.

Magkasabay naman na ipinutok noong Agosto 6 ang welga ng kontraktuwal na mga manggagawa sa Monde Nissin sa Laguna at Super 8 sa Pasig City.

Nagbarikada ang mga unyonista sa ilalim ng Monde Nissin Labor Association upang labanan ang patuloy na kontraktuwalisasyong ipinapatupad ng Monde Nissin at ang hindi pagkilala ng manedsment nito sa kanilang unyon.

Pagtatanggal ng 200 manggagawa at panggigipit sa unyon naman ang dahilan ng Unyon ng mga Manggagawa sa Super 8 upang ilunsad ang kanilang welga. Ayon sa Defend Job Philippines, isang network na tumutulong sa mga manggagawa sa Kamaynilaan, kahina-hinala ang biglaang pagtatanggal ng Matapat Service Cooperative, ahensiya ng Super 8, sa mga manggagawa at mga unyonista.

Naging aktibo nitong nagdaang mga buwan ang mga manggagawa sa paglulunsad ng mga pagkilos sa kanilang pinagtatrabahuhan upang ipanawagan ang kanilang regularisasyon.

Napipinto rin ang welga sa iba pang bahagi ng bansa. Naghain noong Hulyo 25 ng notice of strike ang The Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers Union-Trade Union of Congress of the Philippines (Paciwu-TUCP). Ayon sa Paciwu-TUCP, nadedelay ang paglalabas ng retirement pay, separation pay, mga benepisyo at union dues ng mga unyonista.

Saklaw ng unyon ang mahigit 6,000 manggagawa ng Vallacar Transit Inc. (VTI), na subsidyaryo ng Yanson Group of Bus Companies, pinakamalaking kompanya ng bus sa buong bansa.

Samantala, naglunsad ng strike vote ang mga kasapi ng Silliman University Faculty Association (SUFA) noong Hulyo 2. Mayorya ng mga kasapi ay bumoto pabor sa paglulunsad ng welga laban sa manedsment ng Siliman University. Bunsod ito ng di pagsalubong ng manedsment sa Collective Bargaining Agreement (CBA) na nakasentro sa karagdagang sahod ng mga empleyado.

Nagkamit naman ng tagumpay ang higit dalawang taong welga ng mga manggagawa ng Sumifru sa Compostela Valley laban sa kontraktwalisasyon, union busting, militarisayson at martial law sa Mindanao matapos maglabas ng reinstatement order noong Hulyo 22 ang National Labor Relations Commission (NLRC).

Gayunpaman, nagmama- tigas pa rin ang management ng Sumifru na ipatupad ang utos ng NLRC na ibalik sa trabaho ang ilegal na tinanggal na mga manggagawa. Nitong Agosto 17, minarkahan ng isang programa sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagbalik ng mga manggagawa ng Sumifru sa Compostela Valley para doon ituloy ang kanilang laban matapos ang isa’t kalahating taong kampuhan nila dito sa Kamaynilaan.

Tampok din ang naging mga tagumpay ng ilang welga ng manggagawa sa nagdaang mga buwan. Hindi pa natatapos ang araw mula nang ilunsad ang welga, napagtagumpayan ng mga manggagawa ng Monde Nissin ang kanilang kahilingan. Nakipagkasundo ang manedsment sa unyon, kasama ang DOLE at lokalna gobyerno ng Sta. Rosa, na aaksyunan ng nauna ang usapin ng kontraktwalisasyon.

(Bago ilathala ang isyung ito, pumasok ang balita na muling nagtanggalan sa mga manggagawa sa Monde Nissin – kung kaya balak ipagpatuloy ng huli ang welga. -Ed.)

Nakabalik naman sa trabaho noong Hulyo 26, alinsunod sa utos ng NLRC, ang mga manggagawa ng Yin Gang Motorcycles, pinakamalaking tagamanupaktura ng mga motor ng RUSI Philippines.

Magwelga’y di biro

Naging normal nang kakabit ng mga welga ang pandarahas ng manedsment at ng mismong Estado. Marahas na pagbuwag sa mga piketlayn, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pag-aresto at paggamit ng mga batas ang karaniwang ginagamit laban sa mga manggagawa.

Pero sa ilalim ng rehimeng Duterte, tila nagkakaroon ng mas mabangis na hugis ang panunupil sa mga manggagawa.

Naging tampok kamakailan ang marahas na pagbuwag sa welga sa Pepmaco at NutriAsia na kapwa nasa Light Industry and Science Park sa Laguna, isa sa mga kilalang enklabo na mapaniil sa mga kolektibong aksiyon ng mga manggagawa.

Nitong Agosto 19 ng umaga, biglang ilegal na hinuli ang di-bababa sa 20 nakawelgang manggagawa ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang piketlayn malapit sa pabrika ng Pempaco sa Calamba.

Bago nito, maraming beses nang nakaramdam ng pandarahas ang mga nakawelgang manggagawa ng Pepmaco. Noong madaling araw ng Hunyo 28, patraydor na binuwag ng pinagsanib na puwersa ng PNP, mga guwardiya ng kompanya at bayarang mga maton ang welga habang natutulog ng mga manggagawa ng Pepmaco.

Nagkaroon muli ng dispersal sa welga nitong Agosto 8. Hampas ng batuta at truncheon at pambobomba ng tubig ang inabot ng mga unyonista na nagdulot sa kanila ng mga sugat, pasa at putok na mga labi.

Samantala, ilang oras mapahinto ng mga manggagawa ng NutriAsia, gumamit ng buldozer ang dispersal team ng manedsment upang dahasin ang welga. Matapos ang pandarahas, inaresto ang 17 unyonista kasama ang kanilang pangulo at iba pang opisyales at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalaya ang mga inarestong manggagawa ng nasabing planta ng NutriAsia.

Hindi na bago ang matinding pandarahas ng manedsment at ng Estado sa mga manggagawa. Nito lang nagdaang mga taon, tumampok ang mga kaso ng marahas na pagbuwag (at patuloy na pagbabanta) sa mga manggagawa ng Sumifru at ang welga ng mga manggagawa sa planta ng NutriAsia sa Bulacan.

Ginagamit din ng mga kapitalista at estado ang mga batas, tulad ng Assumption of Jurisdiction, Temporary Restraining Order (TRO) at marami pang iba. Isang halimbawa ay ang inilabas na NLRC na TRO laban sa nakawelgang manggagawa ng Zagu noong Hunyo 26. Tampok din ang mga kaso ng pag-ikot sa batas ng mga kapitalista, tulad ng mga kaso sa Sumifru at NutriAsia sa Laguna, upang hindi kilalanin at huwag ipatupad ang kautusan ng DOLE na pabor sa mga manggagawa.

Mas malala pang kaso ng pandarahas at panggigipit sa manggagawa ang paggamit ng istilong tokhang sa kilusang paggawa. Sa pinakahuling Global Rights Index 2019 ng International Trade Union Confederation (ITUC), mayroon diumanong 43 unyonistang pinaslang – 18 sa kasalukuyang taon – sa tatlong taon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Kung kaya’t sa ikatlong magkakasunod na taon, isinama ng ITUC ang Pilipinas sa mga bansang pinakamasahol para sa mga manggagawa.

Sa kabila ng mga ito, patuloy ang pagpupunyagi ng mga manggagawa para ipaglaban at igiit ang kanilang mga karapatan at kahilingan. Hanggang ngayon, nakatayo pa rin ang mga piketlayn ng manggagawa sa Zagu, Pepmaco, NutriAsia at Super 8 mula nang inilunsad nila ang welga.

Suporta sa laban

Malaking tulong din para palakasin ang loob at itaas ang palabang diwa ng mga nakawelgang manggagawa ang pagdagsa ng suporta mula sa iba’t ibang sektor. Tampok ang maagap na pagsanib ng mga kabataan at estudyante mula sa Maynila at mga karatig lugar at maging ang mga galing sa ibang bansa upang tumulong sa pagkokonsolida sa mga manggagawa hanggang sa pagharap sa mga pagbuwag ng kapitalista at puwersa ng estado sa mga piketlayn.

Maging ang mga manggagawa sa ibang pagawaan ay nagpapakita ng kanilang suporta sa kapwa manggagawa nilang nakawelga. Halimbawa nito ang pagtungo ng mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO), sa pangununa ng BPO Employees Network (BIEN) at AUX, sa piketlayn ng Pepmaco; pagbisita ng at pakikisalamuha ng mga manggagawa ng Pepmaco sa welga sa Super 8 at ang pagtulong nito mga “kapitbahay” na manggagawa sa NutriAsia.

Sa larangan ng lehislatura naman, maagap ang pagkondena at pagsasampa ng congressional inquiry ng blokeng Makabayan laban sa mararahas na pagbuwag sa mga welga. Bukod pa dito, naghain muli ang Makabayan ng panukalang batas na tinaguriang “Pro-worker and Stronger Security of Tenure Bill” na anila’y may layuning wakasan ang endo at ang “labor-only contracting” na kalakaran sa pag-eempleyo ng mga kapitalista.

Naging malawak din ang pagsuporta at pagtatanggol sa social media sa mga naging welga ng manggagawa. Aktibo ang mga Facebook page ng iba’t ibang organisasyon at mga indibidwal para ipakita ang kanilang pagsuporta at magpaliwanag sa pagiging makatwiran ng mga nasabing welga.

Naging viral kamakailan ang pagsagot ni Pasig Mayor Vico Sotto, gamit ang kanyang social media page, sa komento ng isang eskirol ng manedsment ng Zagu na humahamak sa mga nakawelgang manggagawa. Ipinapakita ni Sotto sa mga naging aksiyon nito ang pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng welga.

Humarap din si Sotto sa diyalogo sa mga nakawelgang manggagawa at nagpahayag ng kagustuhang bumisita sa mga piketlayn sa Zagu at Super 8 na saklaw ng kanyang lungsod na pinamumunuan.

Higit pang susulong

Inaasahang lalo pang titindi ang ligalig ng mga manggagawa hangga’t nananatiling talamak nang kontraktuwalisasyon, barat na pasahod at paglabag sa mga karapatang pang manggagawa at pantao.

Ayon sa pambansang sentrong unyon na KMU, lalo pang lumala ang kontraktuwalisasyon sa ilalim ni Duterte. Sa kanilang datos, lumalabas na di bababa sa 60 porsiyento o 25 milyon ang kontraktuwal sa mahigit 43 milyong may trabaho noong 2018. Lumalabas din na isa sa bawat tatlong (720,000) manggagawa sa pampublikong sektor at tatlo sa limang manggagawa sa pribadong sektor ay ineempleyo sa iba’t ibang iskema ng kontraktuwalisasyon.

Lalo namang ikinagalit ng mga manggagawa ang hindi pagpirma ni Duterte sa Security of Tenure Bill na ipinasa ng Senado para umano isaalang-alang ang seguridad ng mga negosyo sa bansa. Para sa mga manggagawa, pagpapatunay diumano ito na walang balak si Duterte na tuparin ang kanyang pangako na wakasan ang kontraktuwalisasyon. Bagkus, plano pa niya itong palawigin at ibayong ilegalisa.

Kaliwa’t kanan din ang mga inululunsad na mga protesta sa iba’t ibang pagawaan sa buong bansa. Sa Wyeth Philippines, tuluy-tuloy ang pagkilos ng mga manggagawa para ipagtagumpay ang makabuluhang collective bargaining negotiations sa harap ng mga maniobra ng management para ipatupad ang malawakang tanggalan, kontraktuwalisayson at pagpapahina ng union.

Sa Nexperia, naglunsad din ng mga lunchbreak protest ang mga manggagawa para tutulan ang panunupil at panggigipit sa mga kasapi ng union na labag sa mga nilalaman ng kanilang CBA.

Matapos ang matagumpay na United Workers’ SONA (State of the Nation Address), muling nagtipon ang iba’t ibang sentrong unyon para itakda ang malaking martsa ng mga manggagawa noong Agosto 26 laban sa kontraktuwalisasyon, para sa pambansang minimum na sahod at para sa pagtaguyod sa karapatan sa paggawa at pantao.

Banta naman ng mga manggagawa na lalo pang susulong ang pagkakaisa’t paglaban habang pinatitindi ni Duterte ang mga atake sa kanilang sahod, trabaho at karapatan. Sa harap ng papatinding ligalig sa hanay ng mga manggagawa, unti-unting naibabalik ang welga bilang pangunahing sandata ng mga manggagawa laban sa pang-aapi at pagsasamantala.