‘Kriminal ang blangkong mga pader’

0
192

“Atin ang Pinas! US-China, layas! -PS”

Isa ito sa mga islogan ng kontrobersiyal na mga graffiti ng Panday Sining sa Lagusnilad, Maynila. Matindi ang naging reaksiyon hinggil dito. Nagalit si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, bumwelta ang DDS (Duterte Diehard Supporters) trolls at sinakyan ng netizens sa pag-upak sa mga gumawa.

Maraming punto’t puna sa graffiti na ito – bandalismo ito, hindi ito sining, di nakakapukaw ng masa at marami pang iba.

Matagal nang ginagawa ng mga aktibista ang graffiti, bago pa man lumaganap at sumikat ang street art sa Pilipinas. At dahil mabilis ang pagrerehistro ng mga opinyon sa panahon ng social media, nailulugar ang pag-uusap tungkol dito.

Nakasulat sa pader

Nagmula ang graffiti sa salitang Griyego na graphein na nangagahulugang magsulat, magdrowing o mag-ukit.

Sinaunang panahon pa sa Egypt, Greece at noong may imperyo pa ang Roma, mayroon nang graffiti. Unang ginamit ito noong 1851 na tumutukoy sa mga sinaunang kasulatan sa Pompeii. Sa modernong kasaysayan, naging kakabit ang graffiti ng subkultura ng hip-hop sa Estados Unidos at punk sa United Kingdom at iba pang bansa sa Europa.

Siyempre, may layunin itong makita ng publiko at madalas ay patakas na isinasagawa. Sa ngayon, kinikilala ang graffiti bilang isang porma ng art – tinatawag na street art. Sa mga lipunang kinikilala ang pribadong pag-aari, itinuturing na vandalism (bandalismo) ang graffiti. Kaya may kanya-kanyang bersiyon ng batas laban sa graffiti.

Iba-iba ang layunin ng mga gumagawa ng graffiti – pagpapakita ng self expression, paghahayag ng nararamdaman para sa hinahangaan, pagtukoy ng teritoryo at identidad, pag-atake at pagsikil sa kalaban at siyempre sa pagpoprotesta.

Hindi lang mga aktibista ang gumagawa ng graffiti. Katunayan, normal itong ginagawa ng iba’t ibang tao. Kung maaalala pa ang urban legend sa Maynila na si Natong Buwang na nagsusulat ng “Sto. Niño Win! Nice Win!” sa mga pader ng Rizal Avenue, Recto, España at Welcome Rotunda. Maging ang mga nasa gobyerno’y ginagawa ito para sa red-tagging at paninira sa mga aktibista.

Porma ng protesta

Kakabit ng mga kilusang masa sa mundo ang graffiti. Sa pamamagitan nito, naipaparating ang mensahe sa publiko ang isang takdang panawagan. Para sa mga grupo o taong imbuwelto sa pagpapakilos ng masa, tinitingnan itong isang porma ng pagpapalaganap ng propaganda.

Sa Pilipinas, masasabing ang kilusang masa ang mga pasimuno ng graffiti. Noong 1960s, panahon ng diktadurang Marcos, ginawa ito ng Kabataang Makabayan (KM). Gamit ang red cement, inilunsad ng mga miyembro ng KM ang operation pinta-operation dikit (OP-OD) na nagpapula ng mga panawagan at islogan laban sa diktadura. Nagpatuloy ang paggawa nito kahit matapos ang diktadura ni Marcos.

Ngayon, laganap na ito bilang street art sa Pilipinas. Nakapag-organisa pa ang Anakbayan at Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan o Karatula ng street artists. Taong 2011, inilunsad ng mga grupong ito ang pinakaunang “Graffiesta.” Tinipon nito ang street artists para gumawa ng mga obra na hinggil sa mga isyung panlipunan. Tampok dito sina Hepe, Ang Gerilya, Bryan Barrios, atbp.

Sa ibang bansa, popular na rin ito. Kilala sa larangang ito sina Shepard Fairey, Banksy, atbp.

Papulahin ang sentro

Sa isang banda, sinasabi ng matinding reaksiyon laban sa mga graffiti ng Panday Sining na tumatalab ang propaganda ng naghaharing uri sa masa.

Mas pinahahalagahan dito ang pagiging maganda at malinis ng paligid kahit hindi naiaangat ang kabuhayan ng mga mamamayan. Binabansagang bandalismo ito, imbes na paglimian ang mensahe na isinulat sa Lagusnilad. Ligtas ang mga naghahari dahil madla ang pinagsasabong.

Sa kabilang banda, hindi inaasahang nagpasiklab ito ng diskusyon hinggil sa mensahe na nais nilang iparating. May kasabihan nga, “art must comfort the disturbed and disturb the comfortable.”

Mainam na ito’y palaganapin ng mga progresibong may kakayanang magsagawa nito, para mas malawak ang maabot ng mga panawagan sa madla. Kailangan lang timbangin ang maaaring positibo at negatibong pagtanggap ng masa.

“Kriminal ang blangkong mga pader (blank walls are criminal),” ayon sa obra ni Banksy.

Isa ito sa pinakamahalagang statement ng naturang street artist. Kumbaga, sinasabi nito na hangga’t umiiral ang inhustisya, malaking kasalanan ang hindi magsalita at manatiling blangko ang mga pader.