Krisis sa klima, krisis ng daigdig

0
448

Dumagundong ang panawagan ng kabataang nanguna sa protesta sa iba’t ibang bahagi ng mundo: kailangan na tugynan ang krisis sa klima.

Sa makasaysayang Global Climate Crisis Strike, aabot sa pitong milyong tao ang naglunsad ng humigit-kumulang 6,000 magkakahiwalay kilos-protesta noong Setyembre 20. Lahat ng ito para depensahan ang kalikasan at karapatan ng kasulukuyan at susunod na mga henerasyon sa isang ligtas na daigdig.

“Ninakaw ninyo ang mga pangarap at pagkabata ko gamit ang mga palipad hangin ninyong pangako,” (You have stolen my deams and my childhood with your empty words), giit ni Greta Thunberg sa daan-daang opisyales sa pagpupulong ng United Nations. Si Thunberg ay isang 16-anyos na makakalikasang aktibista mula sa Sweden at ang pinakakilalang mukha ng pandaigdigang protesta.

Gobyerno at naglalakihang negosyante lalo na iyong may kinalaman sa langis, pagmimina, at iba pa ang ilan sa mga hinihingan niya at ng iba pang aktibista ng tugon at pagkilos. Hindi na kasi sapat ang patingi-tinging pagbabagong-buhay ng mga indibidwal. Kung walang malakihang pagkilos mula sa gobyerno at mga negosyante, anila, marahil wala nang daigdig na masisilayan pa.

Sa mga buwan bago ang protesta, sunud-sunod ang krisis pangkalikasan. Isa na rito ang malawakang pagkasunog ng gubat ng Amazon sa Timog Amerika, na naging dahilan para mabunyag ang malawakang pagkasunog ng mga gubat sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Dito sa Pilipinas, patuloy ang nakapipinsalang pagmimina at pangangamkam sa mga gubat o lupang ninuno alang-alang sa interes ng naglalakihang mga negosyante. Isang halimbawa nito ang New Clark City, P100-Bilyong proyekto na tinitignang dahilan ng pagkawala ng iba’t ibang hayop sa lugar, kasama na ang pagpapaalis sa mga katutubo at magsasaka.

Para sa mga naglalakas loob tumindig, karahasan ang isinasagot ng iba’t ibang gobyerno sa mundo, kasama na ang Pilipinas. Sa pananaliksik ng Global Witness, Pilipinas na ang pinakamapanganib na bansa para sa mga makakalikasang aktibista. Bahagi raw ng karahasang ito ang patuloy na pagtatak ni Duterte sa mga aktibista bilang armadong mga rebelde.

“Hindi namin kailanman tatalikuran ang susunod na henerasyon gaya ng pagtalikod ng gobyernong Duterte,” giit naman ni Chricelyn Empong, isang estudyanteng Lumad. Nakatali ang laban para sa kalikasan sa laban para sa lupaing ninuno para sa karapatan sa lupa ng mga magsasaka, laban para sa karapatang mabuhay ng mga aktibista.

Ayon nga kay Thunberg, tapos na ang panahon ng huwad na pagdadakila sa mga tulad niya na pilit lumalaban. Panahon na para kumilos.