Kuwento ng dalawang ‘nahuling rebelde’

0
213

Halos araw-araw na nagmamalaki ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa “laksa-laksang” pagsuko diumano ng mga rebolusyonaryong gerilya ng New People’s Army (NPA) bunsod ng Oplan Kapanatagan ng rehimeng Duterte.

Pero sa dalawang kuwentong ito, makikita ang mga klase ng panlilinlang at panunupil na ginagawa ng mga armadong puwersa ng rehimen para ipalabas lang na nagtatagumpay ito sa giyera kontra insurhensiya.

Gawa-gawang NPA surrenderee, buking

Naglipana ang balita ng pagkakadakip ng isang lider diumano ng NPA sa Pasig nitong Setyembre 7. Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar, walang dudang si Joselito Naag mula raw sa Daraga, Albay, ang tinutugis na ika-30 most wanted na miyembro ng “Kilusang Larangang Guerrilla 78.”

Mayroon pa nga raw patong na P100,000 sa ulo ni Naag mula sa Department of Interior and Local Government (DILG). Kung titignan ang website ng DILG, 2015 ito huling naglabas ng anunsiyo ng monetary award para sa isang tinutugis at wala dito si Naag.

Pero sa pagsisiwalat ng Facebook Page na Stop The Attacks, napag-alamang mayroong aktibong Facebook account si Naag na puno ng imahe ng Iglesia Ni Cristo, kung ano-anong mga baril, at litrato niya na nakasuot na pangmilitar. Kung titignan, pang 1st Lieutenant pa ang dekorasyon ng unipormeng suot ni Naag.

Mayroon pa nga itong litrato sa Facebook na nakakurbata sa isang pagdalo sa Eastern Police District ng Pasig City noong 2017, ang parehong distrito na nakahuli umano sa kanya ngayong buwan.

Gamit pa rin ang aktibong Facebook account ni Naag, makikitang dumalo pa ito sa pagtatapos ng anak nito sa Oriental Mindoro nitong Abril lang. Dagdag na kontradiksiyon pa ang nakikitang pagpanig ni Naag sa mga plano ng administrasyon Duterte base sa kanyang mga inilalagay sa social media. Tinagurian pa naman itong Maoistang bandido ng kapulisan.

“Samantala, ang mga drug lord, rapist, mamamatay tao, at iba pang kriminal ay pinalalaya habang ang mga bilanggong political, mga aktibista at oposisyon, naman ang ikinukulong o dinadakip,” giit ng Stop The Attacks.

Kaliwa: Mula sa FB account ni Joselito Novelo Naag. Kanan: Mula sa opisyal na FB page ng NCRPO PIO. Screencaps mula sa Stop The Attacks

Aktibista, dinukot ng sundalo sa Quezon

Samantala, isiniwalat naman ng mga grupong pangkarapatang pantao ang pagdukot at sapilitang pagpapasuko ng AFP kay Alexandrea Pacalda, aktibistang pangkarapatang pantao at dating kasapi ng Gabriela-Youth sa Quezon at College Editors Guild of the Philippines-Quezon, noong Setyembre 14 sa lalawigan ng Quezon.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito nakapiit si Pacalda sa estasyon ng PNP-General Nakar kung saan siya dinala umano ng mga sundalo dalawang araw pagkatapos ilegal na arestuhin.

Nauna nang naiulat na dinukot si Pacalda ng mga pinaghihinalaang elemento ng AFP sa Barangay Magsaysay sa bayan ng General Luna noong Setyembre 14. Ayon sa mga di-beripikadong ulat, dinala umano si Pacalda sa kampo ng militar sa Barangay San Miguel Dao, Lopez, Quezon.

Sinabi ng Karapatan-Quezon na labis nilang ikinababahala ang “bulnerableng sitwasyon ni Alexa, dahil lagpas 24 oras siyang nasa kustodiya ng mga militar simula biyernes, hindi rin siya hinahayaang kumuha ng sariling abogado.” Ginigipit din umano ng AFP at PNP si Pacalda at ang pamilya nito, na nagdudulot ng takot at trauma sa kanila.

Kabilang ang Bondoc Peninsula at iba pang bahagi ng Timog Quezon sa mga pangunahing target ng kontra-insurhensiyang programa ng administrasyong Duterte at ng nagdaang mga administrasyon na nagbigay daan sa maraming kaso ng paglabag ng karapatang pantao sa rehiyon.

Ayon pa sa Karapatan-Quezon, “dahil sa Oplan Kapanatagan, mistulang nabubuhay ang lagim ng mga kaganapan noong Martial Law, pagka’t mga ordinaryong sibilyan, aktibista at mga progresibong indibidwal at grupo ang pangunahin nilang nagiging target sa panunupil.”

Nanawagan ang Karapatan, Gabriela, CEGP, Kilusang Mayo Uno, at iba pang progresibong organisasyon para sa kagyat na paglaya ni Pacalda at pagtigil sa panggigipit sa pamilya nito.