Kuwento ng isang PUI

0
205

Pebrero 10 ngayon at apat na araw na akong naka-hospital quarantine pagkatapos ng anim na araw ng home quarantine, bale 10 araw ng quarantine. Nagpunta akong Hong Kong para bumisita sa mga kamag-anak noong Chinese New Year at nakabalik sa Maynila bago mag-anunsiyo ang gobyerno ng travel ban sa China, HK at Macau. Isang araw bago ako umalis ng HK, nagkaroon ako ng matinding sipon, na nagpatuloy kahit noong lumipad ako, pero wala akong lagnat.

Nang dumating ako, matapat kong sinagot ang health declaration card ng Bureau of Quarantine, “Nagkasakit ka ba sa nakaraang 30 araw?” Tsinek ko ang kahon para sa YES. Nang makita ng BOQ officer ang sagot ko, tinanong niya kung ano ang sakit ko, at ang sabi ko, nagkaroon ako ng sipon kahapon. Sinamahan niya ako sa thermal scanner at dahil wala naman akong lagnat, pinayagan akong umuwi. Binigyan nila ako ng piraso ng papel na may nakasulat na “Health Alert Notice” na may kasamang numero ng mga ospital na puwedeng kontakin kapag nakaranas ako ng mga sintomas.

At dahil wala pang malinaw na paabot ang gobyerno tungkol sa 14 na araw na quarantine noon, dumiretso ako sa opisina para dumalo sa isang meeting. May suot akong face mask doon, hanggang tumawag sa telepono ang eskuwelahan ng anak ko. Nabalitaan nilang parating ako sa araw na iyun mula HK at sinabihan nila akong may patakaran sila para pigilan ang paglaganap ng Coronavirus. Pinapili nila ako: mag-self-quarantine nang 14 na araw, o umuwi at makapiling ang anak ko. Kapag pinili ko ang ikalawa, hindi papayagang pumasok ang anak ko sa eskuwelahan sa loob ng 14 na araw. Nagulantang ako noong una sa sinabing ito dahil miss ko na ang anak ko. Sinabi ko na magse-self-quarantine ako at sinigurong hindi ako magkakaroon ng pisikal na kontak sa anak ko.

Kaya dumistansiya ako sa anak ko. Kinabukasan, pumasok pa rin ako sa trabaho nang may suot na face mask.

Noong ikatlong araw, idineklara ng gobyerno ang travel ban at ipinataw ang 14-na-araw na self-quarantine sa lahat ng bumiyahe mula China, HK at Macau. Tumawag ako sa ospital na nakalagay sa health alert notice na ibinigay sa airport. Sinabi ko sa kanila na may sipon ako pero walang lagnat. Pinayuhan akong mag-self-quarantine, imonitor ang temperatura ko dalawang beses isang araw, at tumawag sa kanila kung magkakalagnat. At dahil nagkaroon ako ng sipon, tinanong nila ako kung gusto kong ma-admit. Sabi ko, kung kailangan, oo. Sa kasamaang palad, sabi nila, pang-apat ako sa waiting list at puno ang isolation rooms. Kinuha nila ang contact number ko at sinabihan akong kokontakin ako kung may mababakanteng kuwarto. Hindi nila ako tinawagan.

Nagkaroon ako ng ubo sa mga sumunod na araw, naggamot ako sa sarili, at uminom ng gamot sa ubo habang naka-self-quarantine. Nagkaroon din ako ng kahirapan sa paghinga, pero walang lagnat. Nalaman ko na ang ilang pasyenteng nagpositibo sa Coronavirus ay hindi nagpakita ng sintomas. Napraning ako, nag-alala para sa mga taong nakadikit ko bago ako mag-self-quarantine.

Pinilit kong pumunta sa isang pampublikong ospital para magpatingin. Gusto ko lang ma-swab test para masiguradong cleared. Sabi ng doktor sa triage, puwede akong umuwi dahil wala akong lagnat. Sabi ko, gusto kong magpa-swab test para sigurado. Nang dumating ako sa isolation room ng ospital para sa swab test, sabi ng doktor na pinapayuhan akong magpa-admit sa kanilang isolation room.

Tinanong ko kung magkano at kung sasagutin ng gobyerno, dahil narinig ko sa balita na sinabi nina Sec. Francisco Duque at Usec. Rolando Enrique Domingo ng Department of Health na sasagutin ng gobyerno ang gastusin sa ospital ng mga Persons Under Investigation (PUI). Ang sabi ng doktor, naghihintay pa sila ng pormal na sulat ng DOH na nagsasabing lahat ng gastusin ng mga PUI ay sasagutin ng gobyerno at walang sasagutin ang mga pasyente.

Pumayag pa rin akong ma-admit sa isolation unit. Nang gabing iyun, nagpa-ECG ako, swab test at blood test. Sabi nila, lalabas ang resulta tatlo o limang araw pagkatapos, pero ang resulta ng mga specimen na ipinadala nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay umabot ng isang linggo. Nagpa-X-ray ako nang sumunod na araw. Ikatlong araw na mula nang nagpa-test ako, wala pa ring resulta mula RITM.

Clear ang resulta ng ECG, blood test at X-ray. Wala rin akong sintomas, walang sipon, walang ubo, walang lagnat. Pero ramdam ko ang stress dahil sa gastos sa ospital habang naghihintay ng resulta. Tinanong ko kung magkano na ang bill ko, at nagulantang sa sagot. Tinanong ko ang doktor, sinabi kong gusto ko nang lumabas nang mas maaga kahit wala pa ang resulta at ituloy na lang ang self-quarantine dahil baka hindi ko kayang bayaran ang gastos sa ospital. Sabi ng doktor, wala pa ring direktiba mula DOH na ang gastos sa ospital ng mga PUI ay sasagutin ng gobyerno. Pero tuluy-tuloy ang mga opisyal ng gobyerno sa pagsasabi sa maraming press conference na sasagutin nga ng gobyerno. Press release lang ba ito? Bakit sila naglalabas ng ganitong mga pahayag sa publiko nang hindi naman nagpapadala ng pormal na direktiba sa mga humahawak sa mga kaso ng PUI?

Ang gusto ng doktor, huwag akong lumabas hanggang walang resulta. Pero hindi ko na kayang bayaran ang gastos sa ospital kung magtatagal pa ako sa isolation unit. Kita ko ang pagsisikap at mabilis na tugon ng health workers natin na nasa harapan ng paglaban sa Coronavirus. Mahusay sila at may kagamitan pero, sa dulo, nakadepende ang aksiyon nila sa kapasidad ng gobyerno na kumilos nang mabilis at maglabas ng mahahalagang direktiba at alituntunin. Kung pinapatakbo sana ang mga ospital ng gobyerno para magbigay ng serbisyong pangkalusugan at hindi para palakihin ang kita dahil sa lumiliit na budget sa kalusugan, hindi sana kakailanganing ipasa ang gastos para sa bawat kagamitan sa ospital, kuwarto, at gamot sa mga pasyente. Pero ganito ang pagharap sa isang emergency crisis tulad ng Coronavirus sa ilalim ng isang neoliberal na sistemang pangkalusugan.

Paano hihikayatin ng gobyerno ang iba pang posibleng PUI na magpatingin sa ospital kung sasagutin ng pasyente mismo ang gastos sa pagmonitor sa kanila?

Noong nakaraang buwan, mayroon nang mahigit 261 PUI tulad ko sa buong bansa. (Habang pagsasaayos ng isyung ito, inanunsiyo ng Malakanyang na may 24 kumpirmadong may Covid-19 sa bansa. -Ed.) Sigurado ako, lahat kami, pareho ng ipinag-aalala: ang gastos sa ospital. Ang totoo, baka mas marami pa silang pinoproblema sa akin. Halimbawa, maswerte ako na ang employer ko, naunawaan ang sitwasyon ko at pinayagan akong magtrabaho sa bahay habang naka-self-quarantine. Paano iyung mga PUI na may trabaho na “no work, no pay”? Kung 14 na araw ang quarantine, kalahating buwang sahod nila iyun?

Mayroon bang direktiba sa mga employer ang Department of Labor and Employment na magbigay ng 14 na araw na paid leave para sa mga PUI at tiyakin na ang kanilang seguridad sa trabaho habang naka-quarantine? At paano ang mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi PUI pero apektado ng travel ban? Nasa balag ng alanganin ang pamilya nila. Alam nating napakaliit ng tulong pampinansiya ng gobyerno at hindi tatagal para sa kanilang mga pamilya. Dapat nang irebyu ng gobyerno ang lahatang travel ban sa mga Pinoy, na karamihan ay Pinay, papuntang HK at Macau. Dapat na silang pabalikin sa trabaho. Hindi naman ang mga ito ang sentro ng virus.

Maraming aral na dapat mapulot ang gobyerno, at tayong mga Pilipino, sa karanasan natin sa paglaganap ng Coronavirus.

Leksiyon #1: Huli na ang gobyerno sa pagbibigay ng babala tungkol sa Coronavirus. Eskuwelahan pa ng anak ko ang nagtulak sa aking lumayo sa kanya. Kung hindi nila ako tinawagan sa tamang panahon, umuwi na sana ako agad at nalantad ang anak ko at buong pamilya ko sa virus. Kung mas maagang nagbigay ng babala ang gobyerno, makakapagpataw ng tamang protocol sa mga nagbyahe mula Wuhan at papasok sa Pilipinas.

Leksiyon #2: Walang malinaw na atas sa mga tao na mag-self-quarantine. Nalaman ko lang na ang ibig sabihin ng self-quarantine ay ang hindi pagkakaroon ng kontak, kahit makipag-usap nang may suot na face mask, sa ibang tao.

Leksiyon #3: Hindi dapat “i-rationalize” o isapribado ng gobyerno ang mga ospital, o ipailalim ang mga ito sa paghahari ng tubo. Dapat unahin nito ang mga serbisyong pangkalusugan sa pagba-budget. Dapat mas marami pang RITM na nakakalat sa buong bansa.

Leksiyon #4: Dahil nagkalat ang mga Pilipino sa buong mundo, bulnerable ang ating mga OFW sa mga epidemya. Dapat pag-aralan ng gobyerno ang iba’t ibang proteksiyon na dapat ibigay sa kanila at aktuwal na ibigay ang mga ito.

Leksiyon #5: Bulnerable ang mga manggagawang Pilipino sa kawalang-sahod at tanggalan dahil sa pag-iingat sa Coronavirus. Kailangan din silang protektahan.