At itinuloy na nga ni Pangulong Duterte ang terminasyon ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa kumpas ni Duterte, iwinasiwas nito ang kapangyarihan ng Estado at pinakilos ang DDS troll farm upang hulmahin ang pampublikong opinyon upang ikubli na ang dahilan ng terminasyon ng naturang kasunduan ay bilang ganti sa pagkansela ng US visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bunsod ng Magnitsky Act.
Ipinadala na kamakailan ni Department of Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. ang notice of termination sa gobyerno ng US. Tila di naman ininda ng US ang terminasyon ng VFA. Ayon pa sa presidente nitong si Donald Trump, dagdag-gastos lang para sa gobyerno ng US ang terminadong kasunduan.
Liban sa walang talab sa US ang naging aksiyon ni Duterte, bumalik pa ito sa kanya. Malaking alingasngas sa mga maka-US sa hanay ng mga opisyal-militar sa Pilipinas ang pagpapadala ng notice of termination ng VFA sa Estados Unidos. Ayon sa usap-usapan, galit kay Duterte ang mga opisyalmilitar na mga asset din ng US Defense Intelligence Agency at Central Intelligence Agency dahil apektado ang kanilang pakinabang sa daandaang proyekto sa ilalim ng VFA.
Kaya ang tanong: matapos ng VFA, kaya ba ni Duterte ibasura ang iba pang mga kasunduang militar sa US? Tanging sa pagbabasura sa iba pang mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US – tulad ng Mutual Defense Treaty, Mutual Logistics Support Agreement, Enhanced Defense and Cooperation Agreement – ang lohikal na tunguhin sa pagkansela ng VFA.
Hindi na sikreto na tumitining ang panloob na kiskisan sa mga paksiyong maka-US sa isang banda at maka-Tsina sa kabilang banda sa administrasyon lalo na’t halatanghalata ang pagkiling ng kanilang prinsipal sa China bunsod ng mga pakinabang at ganansiyang nakukuha mula sa mga ito.
Kaya malaki ang posibilidad na hindi magagawa ni Duterte ang pagkansela sa iba pang kasunduan sa US. Bukod sa bistado na ang kanyang taktikang “bluff” – na napatunayan na sa loob ng apat na taon ng kanyang administrasyon – alam din niyang nakaamba ang kudeta ng mga paksiyong maka-US sa hanay ng militar at gabinete na matagal na niyang sinusuhulan at inaalagaan. Yan ang tapang at malasakit.