Maagap na responde ng Pasig sa pandemyang #Covid19

0
209
“Hindi malusog ang isang bayang nanganailangan ng mga bayani.”
-Bertolt Brecht, Galileo

Pasig, hindi Vico

Maaga pa lang sa kampanya ay dehado na ang batang pumiling labanan ang tila isang higante ng pulitika sa Pasig City, na mahigit 30 taon nang nakaupo sa pinakamataas na puwesto sa pamahalaang panlungsod.

Maraming hindi sumuporta sa una, umugong ang mga balitang pinapatayan noon ng ilaw ang kandidato sa tuwing mangangampanya siya sa mga baranggay na malakas ang suporta ng katunggali. Nabalita ring ipinagbawal ang pagtitinda ng kakaning biko sa palengke ng Pasig, at pananakot o di kaya’y pagtanggal sa mga kawani ng gobyerno ng nakaupong alkalde dahil sa pagsuporta sa “kalaban.” Pero maaga pa lang din sa kampanya, malinaw ang isa sa kanyang mahihigpit na prayoridad: palakasin ang sistemang pangkalusugan ng lunsod.

Pagkapanalo bilang alkalde, agad niyang binawasan ang pondo para sa mga imprastraktura at inilipat sa mga proyektong pangkalusugan, kasabay ng kanyang ipinatupad na mga hakbang na bago sa mata ng mga Pasigueno.

Kasama rito ang pagreregular sa ilang kontraktuwal na mga kawani ng pamahalaang lungsod, pakikiisa sa mga manggawa na nagwelga sa iba’t ibang panig nito, pagseseguro sa mga kawani ng lungsod na hindi sila tatanggalin sa kanilang mga trabaho kahit ang kanilang suporta ay nasa dating alkalde sa kondisyong wala silang rekord ng katiwalian, at ang kanyang makataong pagharap sa mga isyu ng lungsod ay ang nakuha niyang atensiyon mula sa midyang inilalagay siya sa pedestal dahil sa mga pagbabagong maagap niyang naipatupad sa kanyang maikli pa lang na panunungkulan.

Iniiwas niya lagi ang kanyang personal na ambag sa nabanggit na mga pagbabago. Sa halip, binibigyang diin niyang public servant siya at ginagawa lang ang mandato. Aminado siyang hindi niya kayang gawin ang lahat kung wala ang tulong ng mga mamamayan. Lungsod, hindi sarili, Pasig, hindi Vico.

Pasig City Mayor Vico Sotto (pangalawa mula kanan), kausap ang ilang lokal na mga opisyal ng lungsod. Mula sa FB Page ni <b>Vico Sotto</b>

Pasig City Mayor Vico Sotto (pangalawa mula kanan), kausap ang ilang lokal na mga opisyal ng lungsod. Mula sa FB Page ni Vico Sotto

Maagap, agresibong serbisyo

Ngayong humaharap ang Pilipinas sa pandemyang dulot ng coronavirus disease-2019 (Covid-19), kinakailangan ang maagap at walang patumanggang ayuda at impormasyon ng gobyernong nasyonal at lokal, kasabay ng isang malinaw at organisadong plano kung paano susugpuin ang nasabing problema.

Sa ngayon, ang plano ng nasyunal na gobyerno ay hindi pa rin malinaw, kahit ang lokal na mga pamahalaan ay wala pang epektibong pagresponde sa kumakalat na sakit. Wala pa naman talagang lunas na naiimbento para dito, at puro “preventive measures” lang ang ating kayang planuhin sa ngayon. Ang pambansang pamahalaan, nagpatupad ng “community quarantine” noong March 15, 2020, at sinundan pa ng “enhanced community quarantine” matapos ang dalawang araw. Isang araw matapos ang “enhanced community quarantine”, ipinasa ng pambansang gobyerno ang susing responsabilidad sa lokal na mga pamahalaan upang magdesisyon sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa Covid-19.

Isa ang lungsod ng Pasig na maagap at mabilis na nagplano. Nakapag-abiso agad na makapagpapamigay ng ayudang pagkain at pinansiya sa mga maapektuhan ng pangyayari. Malakas ang panawagan ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor na punan ang pangangailangan ng mga maapektuhan, lalo na ang mahihirap na sektor.

Bukod pa rito, minadali ang procurement ng personal protective equipment (PPEs) na gagamitin ng mga frontliners ng lungsod. Kamakailan lang din, idinagdag pa ng lokal na pamahalaan ang drones na makaktulong sa pagidi-disinfect ng mga barangay. Napabalita din ang pagpayag ng alkalde sa pag gamit ng traysikel bilang dagdag na transportasyon sa masisikip an eskinita ng lungsod.

Pero hindi ito sinang-ayunan ng Inter-Agency Task Force (IATF), bagamat nilinaw ng alkalde na ang pagpayag niyang gamitin ang mga traysikel ay alinsunod sa ginawang risk-assesment ng lungsod para ihatid sa mga ospital ang mga manggagawang pangkalusugan, mga manggagawang papasok sa kanilang trabaho, at ang mga pasyenteng may malubhang sakit na kinakailangan ng serbisyong medikal. Hindi pa rin ito pinayagan sa kabila ng pakiusap ng alkalde, pero kinabukasan, pinayagang mag-opereyt sa Lungsod ng Maynila ang 180 e-trikes bilang transportasyon ng frontliners. Ang alkalde ng lungsod ng Maynila ay kilalang ka-partido ni Presidente Duterte.

Bagaman kulang na kulang pa rin ang ayudang ibinibigay ng lungsod sa nasasakupan nito, napatunayan ng lokal na pamahalaan ng lungsod na kung gugustuhin ng mga nakaupo ay kayang kaya nitong maging maagap at agresibo sa pagpapaabot ng serbisyo sa mga mamamayan.

Serbisyong medikal, hindi militar

Hindi natin masusugpo ang Covid-19 kung walang pagkakaisa.

Kinakailangang kalampagin ang gobyerno upang ilabas, at ipamahagi ang testing kits sa lahat ng nangangailangang mga mamamayan (mga bulnerable, may sakit o sintomas, mga tinatawag na persons under investigation o PUI, at frontline health workers) nang libre.

Ito’y para makausad tayo sa unang hakbang sa paglaban sa pandemyang ito: malaman kung sino ang positibo, at mula doon, kung mayroon nang maimbentong gamot ay gamutin ang mga mamamayan. Tungkulin ito ng gobyerno at hindi nating hahayaang abandonahin ito. Ibaling ang pondo sa serbisyong pangkalusugan nang sa gayo’y magkaroon ng sapat na kagamitan upang labanan ang Covid-19.

Nagsisimula palang ang labang ito. Tiyakin nating handa tayo sa lahat ng aspekto. Huwag iwan ang kritikal na pagiisip dahil lalong kailangan natin ito sa panahon ng krisis, pakikiisa at kritikal na pagbabantay sa mga hakbangin ng gobyerno ang susi sa pagpuksa sa virus na ito.